Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Pebrero, 2020

Soneto XIII. Mula kay Petrarch

Imahe
Soneto XIII. Mula kay Petrarch Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. 16 pantig bawat taludtod O, ilagay mo ako sa naglalagablab na buwan Na pinagbawal humihip ang nalalantang bulaklak; O ilagay mo ako sa napakalamig na lunan Sa mga kabundukan ng nyebeng walang katapusan: Hayaan mong hanapin ko'y hakbang tungong katanyagan, O ang mas mahirap tahaking landas ng Kahirapan; Paagusin ang pagkabatang kay-init sa'king ugat, O animnapung taglamig sa dugo ko'y kumaligkig: Kahit ang diwang ginigiliw sa Langit ay lumipad, O kahit mawalan na ng saysay dito sa daigdig, Bilangguan o kalayaan - di kilala o sikat, Ang iwi kong puso, O, Laura! ay nasa iyo pa rin. Kung saanman ang patutunguhan niring kapalaran Patuloy pang mag-aalab ang pusong tapat sa iyo! Ang makatang Italyanong si Petrarch (Hulyo 20, 1304 - Hulyo 19, 1374) Sonnet XIII. From Petrarch OH! place me where the burning moon Forbids the wither'd flower to blow; Or place me in the frigid zone, On

Ang BAHAY ni Gary Granada

Imahe
ANG BAHAY NI GARY GRANADA Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Kinagiliwan ng maraming maralita ang awiting  Bahay  ni Gary Granada. Kaya kadalasan nila itong inaawit sa mga pagtitipon. Tila baga ang awiting  Bahay  ay isang pagsusuri kung katanggap-tanggap ba ang barung-barong bilang bahay, na bagamat ito ang karaniwang tirahan ng mga maralita, ay masasabi nang matinong bahay, o hindi nararapat tirahan pagkat pinagtagpi-tagping basura lamang ang kanilang tahanan. Halina’t tunghayan natin ang liriko ng nabanggit na awitin: Isang araw ako'y nadalaw sa bahay tambakan Labinglimang mag-anak ang duo'y nagsiksikan Nagtitiis sa munting barung-barong na sira-sira Habang doon sa isang mansyon halos walang nakatira Sa init ng tabla't karton sila doo'y nakakulong Sa lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato Hindi ko maintindihan bakit ang tawag sa ganito Ay bahay Sinulat ko ang nakita ng

Ang mga palabusakit

Imahe
ANG MGA PALABUSAKIT sakit yata ng Pinoy ang maging palabusakit layuning di ginawa'y nakapaghihinanakit pinag-isipan, pinaghirapan, ginawang pilit tinamad na ba o pagkakataon ang nagkait? bakit ningas-kugon ang nangyari sa sinimulan? bakit masiglang-masigla'y biglang mananamlay lang? plano ng plano, hangarin ba'y di pangkaraniwan? maghihintay lang bang biglang sumarap ang sinigang? wala sa una ang pagsisisi kundi sa huli kapag naging palabusakit sa dighay ng muni baka di na pagtiwalaan sa mga sinabi tititig na lang sa bituin sa lalim ng gabi halina't nasimulan ay pagsikapang tapusin halina't ipagwagi ang ating bawat layunin huwag palabusakit sa prinsipyo't adhikain pagkat matamis kamtin ang pinaghirapan natin - gregbituinjr. * palabusakit - paggawa sa simula lamang; ningas-kugon, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), p. 889

Soneto sa mamamaslang

Imahe
SONETO SA MAMAMASLANG (tulang akrostika) M ay araw din kayong pumapaslang ng inosente A ng tulad nyo'y berdugong sayang-saya sa punebre Y umurak sa buhay ng kapwa't nangamoy asupre A ng ginawa ninyong sindak ay higit pa sa aswang R imarim ang idinulot sa laksang mamamayan A stang sumisingasing na halimaw at tikbalang W alang budhi't ang ginawa'y walang kapatawaran D iyata't kayo'y uhaw sa dugo, uhaw sa dugo! I yang pinaggagawa'y kawalan ng budhi't puso N a wala nang katarungan ay basag pa ang bungo K arapatan at buhay ay sinabuyan ng putik A h, balang araw, babagsak din kayong mga lintik Y ayanigin din kayo ng budhing di matahimik O  dapat lang kaming sa poon ninyo'y maghimagsik! - gregbituinjr. *  soneto  - tulang may tugma't sukat, at binubuo ng labing-apat na taludtod *  tulang akrostika  - basahin ninyo ang unang letra ng bawat linya at may mababasa kayong pangungusap

Mabuti pang tumula kaysa uminom sa labas

mabuti pang tumula kaysa uminom sa labas o tumutula habang umiinom pa sa labas masarap ang serbesa o alak galing sa ubas o kaya'y sa diwang kumakatha'y nagpapalakas ayokong matulad sa ibang araw-gabi'y tagay pagkat di ako lasenggo o lasenggerong sablay mas nais kong kumatha habang ako'y nagninilay kaysa ngala-ngala't panga, kamay na ang mangalay kung sakaling ikaw ang sigang sa akin sisira o ikaw ang mutyang sa akin nagpapatulala nais mo bang tumagay tayo habang tumutula o mas nais mong tumula habang tagay pa'y wala nakakagawa ba ng saknong ang bawat serbesa mga likhang taludtod ba'y nagsisilbi sa masa sa bawat pantig ba'y may pintig ng pakikibaka tula ko ba'y ambag upang mabago ang sistema mabuti pang tumula kahit na nakatunganga at naglalaro ang isip habang nakatingala minsan hawak ang serbesang nagpaikot ng diwa habang tanaw yaong along nagpalikot ng sigwa - gregbituinjr.

Pagtahak sa pagkatha

Imahe
PAGTAHAK SA PAGKATHA musmos pa lang, tinahak na ang landas ng pagkatha pagkat noon, ako'y torpe't di mabigkas ang diwa sa magagandang dilag nga'y nag-aalay ng tula subalit pag kaharap na sila'y natutulala buti't ako'y naging isang mapagpunyaging tibak at nabibigkas ko sa rali ang talim ng tabak iyon pa'y landas na pinili ko't sadyang tinahak kwento ng pakikibaka'y sa isip ko'y inimbak kaya sinulat ko na ang pinasya kong landasin at ang dating torpe'y naging mandirigma ng talim unti-unti'y nasasabi ang di kayang bigkasin nagagamit na ang bibig, di lang ang plumang angkin napagninilayan ang sa mundo'y lumiligalig nabibigkas ko na sa wakas ano ang pag-ibig natuto sa manggagawa ano ang kapitbisig at bakit dapat alagaan ang ating daigdig patuloy kong kinakatha ang tinahak kong landas kinakatha ang paglaban at pag-ibig na wagas nawiwika ang noong bata pa'y di ko mabigkas tiyak di na ako torpe hanggang ako&#

Mahirap ang may utang lalo't di kayang bayaran

mahirap ang may utang lalo't di kayang bayaran para kang kriminal na nanloloko ng gahaman nangutang ka, babayaran mo, kayo'y may usapan may takdang panahon upang mabayaran ang utang nang dahil sa utang kaya trabaho ng trabaho may pambayad sa utang kung mayroong sinusweldo binubuhay na lang ang iba, di ang pamilya mo ganito ang may utang, para kang kinalaboso ayokong may utang kahit magdildil man ng asin ayokong nagtatrabaho lang dahil sa bayarin ayokong mga inutangan lang ang bubuhayin ayoko rin namang sila lang ang pabubundatin kung kakayod ako'y upang pamilya ko'y sumaya di nababaon sa utang at bulok na sistema kung di mo kayang magbayad, mangungutang ka pa ba kahit na sa harap ng hirap at emerhensiya bayarin sa ospital kaya ka lang mangungutang upang magamot ang mahal, bituka'y naging halang dahil sa kakapusan, kahit ano'y dinudukwang uutang ng uutang sarili na'y pinapaslang - gregbituinjr.

Magpapaalipin na ba ako sa kapitalista?

Imahe
MAGPAPAALIPIN NA BA AKO SA KAPITALISTA? magpapaalipin na ba ako sa kapitalista? magpapakain na ba ako sa bulok na sistema? ito'y upang kumita lang ng kapiranggot na pera upang may pambili lang ng bigas para sa pamilya ang pagpapaalipin sa sistema'y kasumpa-sumpa marahil ay mawawala na rin ang aking pagtula pagkat pulos trabaho na lang ang aking magagawa upang lumigaya ang pamilya'y magpapaalila sa pera lang kasi umiinog ang ating daigdig kung wala kang pera'y wala kang pambili ng pag-ibig dahil sa sistema, tao'y sa pera na nakasandig kaya yaong mga walang salapi'y laging ligalig di ko alam kung makatarungan pang magpaalipin upang pamilya'y di magutom at tiyan ay busugin walang kalayaan basta't sumunod sa among turing silang sa lakas-paggawa mo'y tiyak na mag-aangkin - gregbituinjr.

Mas nais kong kainin ng pating ang katawan ko

mas nais kong kainin ng pating ang katawan ko kaysa kabaong na makintab ay isilid ako pagkat may pakinabang pa ako kahit paano at wala nang babayarang libing ang pamilya ko mabuti na iyon kaysa magbayad ng kabaong na libu-libong piso na ang presyong nakapatong nang malugi sa akin ang negosyanteng ulupong iyan lang ang hiling ko sa kamatayang hahantong sakaling mamatay ako dahil sa katandaan at tulad ko'y di na mapakinabangan ng bayan mabuti nang sumakay ng barko't itapon na lang sa laot o sa kailaliman ng karagatan ako lang ang tanging makatang kinain ng pating o ngasabin ng buwayang may pangil na matalim huwag lang mahirapan ang pamilya sa bayarin pinagtubuan ka na'y patuloy pang papatayin - gregbituinjr.

Paslangin ang mga dambuhala

mga dambuhalang iyon ang sumungkit ng lakas kaya sumingkit ang mata ng mga talipandas tatlumpung pilak man ay di mabayaran ni hudas kaya walang maibili ng isang basong gatas iyon ang napagnilayan ko sa isang palabas naglulutangan sa dagat ang sangkaterbang plastik mga dambuhala iyong lumululon ng putik di mo man nadarama, sakit ang inihahasik habang sila'y sumisingasing, mata'y nanlilisik nilalayon ba nilang ating mata'y magsitirik marami nang dambuhalang sumisira sa atin animo'y dinosawrong bawat lupa'y inaangkin at naglalaway na sa dugo ang mga salarin sinira ang kalikasan, kapaligiran natin upang tumubo ng limpak, tayo na'y papaslangin dambuhalang ngasab ng ngasab na di mo mawari mga halang ang bituka't sadyang nakadidiri inaangkin ang lahat ng pribadong pag-aari halina't kumilos at pagkaisahin ang uri nang mapaslang ang mga dambuhalang naghahari - gregbituinjr.

Atake sa Senado: Sina Ka Eddie Guazon at Fr. Pete Montallana

Imahe
Atake sa Senado SINA KA EDDIE GUAZON AT FR. PETE MONTALLANA Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Kapwa kilalang lider sila ng kani-kanilang panahon. Kapwa sila may kaugnayan sa maralita. Pareho silang prinsipyado, determinado, palaban, kagalang-galang, magiting. Subalit pareho rin silang inatake habang nagsesesyon sa Senado habang ipinaglalaban ang mga maliliit at api sa lipunan. Ang isa'y tuluyang namatay at ang isa'y pinalad na nabuhay. Si Ka Eddie Guazon ang unang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) na naitayo tatlo't kalahating dekada na ang nakararaan. Namatay siya habang nasa pagdinig ng Senado kaugnay sa mga nagaganap na demolisyon. Doon sa Senado ay inatake siya ng cardiac arrest habang pinabubulaanan ang testimonya ng isang pulis. Dinala siya sa Philippine General Hospital subalit hindi na siya umabot ng buhay. Si Fr. Pete Montallana ay aktibo sa Save Sierra Madre Network Alliance, Inc. (SSMNAI) at sa Stop Kaliwa

Tula ko'y mas mahal kaysa anumang aking yaman

tula ko'y mas mahal kaysa anumang aking yaman pagkat iyon ay lakang-akda nitong kaisipan mga salita'y pinaghabi-habi kong mataman nang maging taludtod at saknong na nakasalansan di mo ba nahalatang ako'y makatang sanggano na nilalabanan ang sangkaterbang tuso't gago minsan mahirap din ang maging makatang guwapo lalo't isinusuka nila ang mga obra ko kunin mo na ang aking sangdaang piso sa bulsa kahit na kunin mo pa ang aking buong pitaka aba'y ibibigay ko pa sa iyong nakatawa huwag lang agawin ang pinaghirapan kong obra tula ko'y mas mahal kaysa sinumang walang budhi pagkat mga ito'y hinabi ng luha't pighati magkakamatayan tayo upang di ka magwagi sa pag-agaw ng mga tulang kinatha kong sidhi - gregbituinjr.

Ano ang resibo?

ano ang resibo? ito'y pases mo sa paglabas upang di ka pagkamalang magnanakaw o hudas guwardya sa botika, groseri't mall ay matatalas pag inakalang di ka nagbayad, madama'y dahas kaya sa paglabas, ipakita mo ang resibo tanda ng katapatan sa binili mong serbisyo tandaang sila'y naroroon upang magnegosyo kaya ayaw nilang mawalan, tubo'y apektado bawat sentimo'y mahalaga sa negosyong yaon kinwenta, sinuma, mahirap sa daya mabaon may produkto sila at binili mo, may transaksyon kaya may resibo ka sa pinamili mong iyon O, resibo, ganyan ka kahalaga sa kanila upang di mawalan ng sampung piso o singkwenta sakto ang debit at kredit pag tinuos ang kwenta habang binili mo'y mapapakinabangan mo na - gregbituinjr.

Palayain ang mga maninindang ipiniit

Imahe
PALAYAIN ANG MGA MANININDANG IPINIIT! (tula sa World Day of Social Justice) palayain ang mga maninindang ipiniit na dahil sa kagutuma'y nagtinda silang pilit upang makakain ang pamilya, sila'y sumaglit naglatag ng paninda ngunit mayroong nagalit ang mga dukhang manininda'y nanggagalaiti pagkat karapatan nila'y tuluyang iwinaksi silang mga nais makabenta'y pinaghuhuli habang negosyanteng pinagpala'y ngingisi-ngisi hindi naman krimen ang ginawa nilang magtinda marangal naman ang gawain nilang pagtitinda anong kasalanan nila't bakit hinuli sila gayong nais lang nilang makakain ang pamilya ikinulong na manininda'y dapat palayain hindi krimen ang magtinda, huwag silang gipitin sa mga nanghuling palalo, ito'y inyong dinggin: nakakulong na manininda'y inyong palayain! - gregbituinjr. 02.20.2020 * mula sa ulat sa facebook:  A quiet night marred by the arrest and detention of 5 sidewalk vendors. The

Ibon mang may layang lumipad

Imahe
IBON MANG MAY LAYANG LUMIPAD (tula sa World Day of Social Justice) "Ibon mang may layang lumipad", anang isang awit "kulungin mo at umiiyak", ang tono'y may impit paano pa kaya kung walang sala'y ipiniit kundi marangal na magtinda pagkat nagigipit makikita mo ang lungkot sa kanilang pamilya na nananawagan din ng panlipunang hustisya wala na bang karapatan ang mga manininda na ang karapatang magtinda'y winalang-halaga dapat kinikilala ang kanilang karapatan dapat may proseso't di daanin sa karahasan napakahalaga ng panlipunang katarungan nang karapata't buhay ng tao'y maprotektahan di naman krimen ang magtinda'y tila naging krimen ipiniit dahil tinda'y sinturon at salamin ikinulong dahil ang tinda'y gulay at kakanin kaya ang sigaw namin: manininda'y palayain! - gregbituinjr. 02.20.2020

Pagtambay sa aking lungga

Imahe
PAGTAMBAY SA AKING LUNGGA nais mo bang sumamang tumambay sa aking lungga dito sa munti kong silid sa ilalim ng lupa magnilay-nilay ka't papagpahingahin ang diwa o kaya'y magkapeng barako habang kumakatha huwag mong isiping sa aking lungga'y buhay-daga kahit na ako'y isa lang manunulat na dukha kinakatha ko roon ang nobelang salimpusa na di mo mawari'y inaakda ng hampaslupa habang naroo'y huwag sanang daanan ng sigwa upang di tayo lumubog at kainin ng isda mahirap mapagkamalang tayo'y mga tilapya ng manonokhang na walang puso at walang awa paano ba dapat ipagtanggol ang mga bata at karapatan nilang dapat mabatid ng madla paano maiiwasang dalaga'y magahasa at paano dapat respetuhin ang matatanda layunin kong kumatha ng mapagpalayang diwa habang nakatambay sa maaliwalas kong lungga pangarap kong balang araw tula'y mailathala bago pa man ako tuluyang kainin ng lupa - gregbituinjr. 02.20.2020

Uhaw ay tinitighaw ng tubig na maligamgam

uhaw ay tinitighaw ng tubig na maligamgam habang nagtutubig yaong mata niyang malamlam makakakamtan kaya ang tagumpay na inaasam habang kayod ng kayod sa hirap na di maparam namumutiktik ang tinik sa rosas na marikit na di maibigay sa dalagang tila masungit ngiti'y anong tamis ngunit ugali'y anong pangit mapangmata sa dukha, sa mayaman ay kaybait kung kakamtin ko ang langit sa matamis na ngiti ang anumang pagkasiphayo'y agad mapapawi tiyak magsisikap, pawis man sa noo'y gumiti mamasdan lang ang ngiti, dama ko na'y nakabawi katawan ko't mga kalamnan ay muling lalakas habang hahawiin natin ang panibagong landas mahalaga'y magpakatao't iwanan ang dahas kahit mga dahon sa puno'y tuluyang malagas - gregbituinjr.

Susuka ka ng dugo sa pagbabayad ng utang

susuka ka ng dugo sa pagbabayad ng utang para kang robot o kaya'y makina sa ilang walang direksyon sa buhay, ang kapara'y tikbalang tila baga ako'y araw-araw na pinapaslang kumakayod lang upang makapagbayad ng utang kumakayod ako upang may pambili ng bigas upang makakain ang pamilyang mahal kong wagas upang may pambili ng kahit lata ng sardinas upang makabayad sa mga inutang kong prutas kayod ng kayod hanggang sa hininga ko'y mautas ako'y manunulang wala nang nalilikhang tula kayod ng kayod kahit ang katawan ay magiba upang makapagbayad ng utang, lagi nang patda trabaho ng trabaho sabay sa alon at sigwa dahil sa utang, buong pagkatao'y masisira paano babayaran ang utang na tila salot na nagdulot ng pagkabalisa't pagkabantulot na pag di agad nabayaran ay saan aabot laging pagkakayod-kalabaw ba ang tanging sagot upang mabayaran ang utang na katakut-takot - gregbituinjr.

Propagandista lamang ako

propagandista lamang ako, propagandista lang mga tulad namin ay di mo dapat tinotokhang kahit sinusulat ay tungkol sa may pusong halang nang karapatan ng tao'y di agad pinapaslang propagandista akong may mga tulang pampiging di man binabasa'y may mga tula ring panggising marami rin akong obrang nais nilang ilibing sa limot nang diwa ng masa'y tuluyang humimbing propagandista akong sulat ng sulat ng sulat o kaya'y nagsasalita sa rali kahit malat upang mga naapi sa lipunan ay mamulat na kumilos at sa rebolusyon ay mahikayat ugat ng kahirapan ay pribadong pag-aari na siyang pribilehiyo ng naghaharing uri manggagawa'y dapat meron ng diwang makauri upang maibagsak ang elitistang paghahari iyan ang aking tungkulin bilang propagandista ang mapakilos ka laban sa bulok na sistema mga aping manggagawa't dukha'y maorganisa nang magkapitbisig sila't tuluyang magkaisa - gregbituinjr.

Natanaw ko ang buwan sa hugis na balinugnog

natanaw ko ang buwan sa hugis na balinugnog na tila may pangitaing di maarok sa tayog maghihirap bang lalo ang mga bayang kanugnog o may mamamalas na swerteng pumapaimbulog patuloy pa tayong sa karukhaan nagtitiis animo'y pinagmamasdan tayo ng balantikis tila libong bathala ang sa atin tumitikis anaki'y serpyente ng luha't dusa'y lumilingkis karukhaan ay dapat suriin, saan nagbuhat bakit may mga taong ang buhay ay inaalat bakit sa kawalan ng yaman at hustisya'y batbat bakt sagana sa kahirapan at nagsasalat sanlaksa'y naghihirap, yumayaman ang iilan pribadong pag-aari ba'y ugat ng kahirapan? kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan upang tuluyan nang malutas itong kahirapan - gregbituinjr. * balantikis - ibong isinumpa, UP Diksiyonaryong Filipino, p. 115 * balinugnog - semicircle sa Ingles, UPDF, p. 124

May pag-asa hangga't may buhay

mahirap pala kung walang pera'y walang karamay maysakit ka na'y  balewala pa,  iyong nanilay tila ba pera'y magandang lunas sa iyong lumbay ganyan madalas nararanasan natin sa buhay kasi'y mahirap walang salapi lugmok na tunay at sabi nila nagtaka ka pa't di na nasanay saan patungo sa bansang itong pangit ang lagay kaya dapat lang kumilos tayo nang di mangisay dapat mag-isip at tumingala't magbulay-bulay bakasakaling kakaharapin ay bagong buhay laging isipin na may pag-asa hangga't may buhay - gregbituinjr. * nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Pebrero 16-29, 2020, p. 20

Bakit may bangketa?

bakit sa haba ng lansangan dapat may bangketa aba'y upang malakaran ng tao sa tuwina nang di masagasaan ng sasakyan sa kalsada at kampante tayong maglakad ng walang disgrasya kaya may bangketa'y upang may malakaran tayo mas mataas sa daan ng sasakyang tumatakbo tanging tao lang, di sasakyan, ang pumaparito kaya sa bangketa ka lagi maglakad, pare ko bangketa'y di palengke, talipapa't pamilihan ito'y ginawa upang mga tao'y may daanan ang kalsada'y di karerahan ng mga sasakyan ngunit dapat pa ring mag-ingat sa mga tawiran minsan mabibilis ang takbo ng awto, bus o dyip kaya may bangketa upang di ka nila mahagip pahalagahan ang bangketang sa iyo'y sasagip mula sa anumang disgrasyang di basta malirip - gregbituinjr.

Mabuti na ang nanggagamot kaysa nagdodroga

mabuti pa ang nanggagamot kaysa nagdodroga upang malunasan ang karamdaman sa tuwina isa kang manggagamot at di isang durugista kahit na ipinapayo mo'y droga sa botika kahit paano'y di ka matotokhang ng buwitre sapagkat ikaw ay nanggagamot lamang ng pobre kahit paano'y di ka matotokhang ng salbahe kahit na ikaw ay walang natatanggap na sobre sa iba'y nakakatulong ka pa sa panggagamot di ka nagdodroga tulad ng karamihang senglot kabutihan sa kapwa ang iyong idinudulot kabuti man ang tumutubo sa bundok na panot ituloy mo ang panggagamot kung iyan ang misyon tupdin mo ang iyong inaadhika't nilalayon ingatan mo ang kalusugan ng iyong kanayon at kung makakaya'y ingatan mo ang buong nasyon - gregbituinjr. * matapos masaksihan ang isang gamutan sa nayon

Nagmumukhang pera, nawawala ang pagkatao

nagmumukhang pera, nawawala ang pagkatao ganyan pala ang asal ng isang kakilala ko "perahin mo na lang iyan" ang bukambibig nito gayong inalok ng pagkain ng kanyang amigo pabiro mang sambit, tila walang delikadesa "perahin mo na lang" ang laging sinasambit niya pabiro man, nakakasira rin ng araw siya gayong seryoso ang alok ng pagkain sa kanya ang kakilala ko bang ito'y isang pataygutom na kahit pabiro, ang pagkatao'y nilululon tila sa salapi'y naglalaway animo'y leyon na agad sasagpangin sinumang kaharap niyon "perahin mo na lang" kahit gaano ka kahirap ay huwag mong sasambitin sa sinumang kaharap maliban kung bato ang sa iyo'y pinatatanggap tama lang kaysa perang naging bato ang malasap - gregbituinjr.

May itsura nga iyang kaldero, ikaw pa kaya

ang sarili mo'y huwag mong ituring na kawawa dahil tingin mo'y wala kang itsura lalo't dukha dahil turing mo sa sarili'y isang hampaslupa may itsura nga iyang kaldero, ikaw pa kaya sabi ng nanay mo, guwapo ka kahit maitim aniya, para kang rosas na kaysarap masimsim sabi pa, ikaw ang liwanag sa gabing kaydilim ganyan ka ipagtanggol ng nanay mong naninimdim may itsura ka, lalo na't puso mo'y anong ganda mag-ayos ka't magsuklay ng buhok, magsipilyo ka maligo ka, magdamit ka, at magpabango ka pa at gupitin mo rin ang kuko sa kamay mo't paa labhan mong maigi ang damit mo nang di bumantot kusuting maigi ang pantalon mong isusuot ang polo o blusa mo'y plantsahin upang di gusot ang kutis mo'y alagaan nang di kamot ng kamot kaya huwag mong kaawaan ang iyong sarili magtiyaga ka lamang, magsipag at magpursigi baka sa pagsisikap mo'y may isang mabighani ang sipag mo't tiyaga ang sa kanya'y bumalani - gregbituinjr.

Pambungad sa isang munting librito

PAGHAHANDOG kaibigan, ang mga tulang narito't sanaysay sa inyo po'y aking taospusong iniaalay upang kahit paano'y ating mapagnilay-nilay anong magagawa upang mundo'y sagiping tunay ito'y munti kong handog sa sarili nating wika pagkat nagkakaunawaan sa ating salita lalo't wika ng dayo'y di tagos sa puso't diwa maliban marahil sa mga sadyang pinagpala ang talumpati ni Greta Thumberg ay isinalin upang mas maunawaan ng kababayan natin nang sa Kongreso ng Amerika'y kanyang sambitin na usapin sa nagbabagong klima'y bigyang-pansin nariyan ang isang tula tungkol kay Gina Lopez may sanaysay rin sa awitin ng Asin at Bee Gees kina Tita Odette Alcantara, tula’y binigkis Rachel Carson, Barry Commoner, environmentalist may mga tulang katanungan at palaisipan na dapat masagot, may isyung dapat matugunan imbes isda'y plastik ang nabingwit sa karagatan bakit pagsusunog ng basura'y dapat wakasan bakit

Batid mo ba bakit bawal magsunog ng basura

batid mo ba bakit bawal magsunog ng basura lalo na't mayorya nito'y plastik na naglipana pag sinunog ay nakasusulasok sa hininga pagkat plastik ay mula sa latak ng gasolina may batas nang ang mga basura'y bawat sunugin pagkat naglalabas ito ng matinding dioxin usok nito'y may epekto sa kalusugan natin na pag iyong nalanghap tiyak magiging sakitin ang dulot pa nito'y kemikal na nakalalason benzo(a)pyrene at polyaromatic hydrocarbon na dahilan din ng kanser at ibang sakit ngayon kaya huwag nang magsunog nang maiwasan iyon nasa atin kung aalagaan ang kalusugan di lang ng sarili kundi ng pati kababayan di lang ng pamilya kundi ng kapwa mamamayan kaya pagsusunog ng basura'y ating iwasan - gregbituinjr.

Ang panghuhuli ng langaw

akala niya marahil, siya si Pat Morita ang guro sa Karate Kid na isang pelikula huhuli ng langaw sa pamamagitan ng chopstick ginagaya niya iyon, ganoon siya kabagsik minsan pag may langaw huhulihin niya ng kamay wala siyang magawa't di niya mahuling tunay naiinis kasi sa langaw na padapu-dapo kaya kinakamay pag walang makitang pamalo aba, makakahuli pa kaya siya ng langaw gamit ang kamay sa langaw na bigla lang lilitaw di naman siya baliw, siya lang ay nagagalit sa dami ng ginagawa'y may langaw na makulit kahit na sino naman sa langaw ay maiinis masakit silang tumusok baka di mo matiis ang mabuting gawin, maglinis ng kapaligiran at tanggalin ang anumang kanyang pamumugaran - gregbituinjr.

Sonetong may taludturang 2-3-4-3-2

Imahe
SONETONG MAY TALUDTURANG 2-3-4-3-2 Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Eksperimentasyon ko sa paglikha ng soneto ang may ibang paraan ng saknungan at bilang ng taludtod. Kay Petrarch o Italian sonnet ay may tigapat na taludtod sa una't ikalawang saknong, at tigatlo sa ikatlo't ikaapat na saknong, o 4-4-3-3, at may padrong A-B-B-A, A-B-B-A, C-D-E, C-D-E. Kay Shakespeare o English sonnet naman ay may tigapat na taludtod sa unang tatlong saknong at dalawang taludtod naman sa ikaapat na saknong, o 4-4-4-2, at may padrong A-B-A-B, C-D-C-D, E-F-E-F, at G-G. Ang mga unang gawa kong soneto ay sa ganyang padron ko sinunod. Subalit sa ngayon, napag-isip-isip kong gumawa ng sonetong may taludturang 2-3-4-3-2. Kaya may limang saknong ito. Ang una't ikalimang saknong ay may tigalawang taludtod. Ang ikalawa't ikaapat na saknong ay may tigatlong taludtod. At ang ikatlong saknong ay may apat na taludtod. Ang mga nalikha kong sonetong naririto'y may

Maghimagsik ka, maralita

Maghimagsik ka, maralita (taludturang 2-3-4-3-2) maghimagsik ka, O, maralita, maghimagsik ka di habampanahong naghihirap ka't nagdurusa bakit kayo nagtungo sa lungsod mula sa liblib bakit kahit mahirap ay kinakaya ng dibdib bakit ba sa dukha'y walang nag-aalalang tigib ang turing sa inyo'y iskwater sa sariling bayan gayong sa bansang ito'y taal kayong mamamayan dito kayo isinilang, ito'y inyong tahanan wala mang sariling lupa'y dito naninirahan bakit kayo tumira sa lugar na mapanganib bakit tinitira kayong parang damo't talahib bakit sistemang bulok sa inyo'y naninibasib di habampanahong nagdurusa ka't humihibik napapanahon na upang ikaw ay maghimagsik - gregbituinjr.

Nais kong magtanim ng puno upang may mapitas

Nais kong magtanim ng puno upang may mapitas (taludturang 2-3-4-3-2) nais kong magtanim ng puno upang may mapitas nang sa gayon ang pamilya'y may makakaing prutas simulan nating bungkalin ang lupang pagtatamnan ng iwing pag-ibig sa ating lupang tinubuan nang magbunga ito ng mabubuting mamamayan ang lupang tinubuang dinilig ng luha't dugo kaya dapat ibunga'y namumunong matitino at itanim ang binhing may ginhawang mabubuo na ibubunga'y kapayapaa't pagkakasundo itanim ang punong may prinsipyong makatutulong na di kayang tibagin ng sinumang tuso't buhong nang asam na makataong lipunan ay yumabong itanim ang magbubunga ng masarap na prutas upang mga kakain ay lumusog at lumakas - gregbituinjr.

Soneto sa dukha

Soneto sa dukha (taludturang 2-3-4-3-2) tinuturing kayong iskwater sa sariling bayan sapagkat dukhang walang sariling lupa't tahanan kaya tinataboy kayong animo'y mga daga ng naghahari-harian at masisibang pusa wala kasi kayong pribadong pag-aari, wala dangal ng burgesya'y nasa pribadong pag-aari yaman ng uring elitista'y pinagmamapuri tuklasin mo, maralita, bakit may naghahari pribadong pag-aari ang sanhi bakit may uri suriin mo't pag-aralan ang takbo ng sistema ng lipunang animo'y may totoong demokrasya na paraan ng kapital upang magsamantala maralita, di ka iskwater sa sariling bayan lumaban ka't itayo ang makataong lipunan - gregbituinjr.

Soneto sa organisador

Soneto sa organisador (taludturang 2-3-4-3-2) Animo'y agila kang naroon sa himpapawid Na sa kalawakan ay may kung anong ihahatid Gayong isa kang langay-langayang nakikibaka Organisador na hangad baguhin ang sistema Rebolusyonaryong kumikilos para sa masa Ginagampanan mo ang itinalagang tungkulin At tinataguyod ang niyakap na simulain Nasa isip paano magtagumpay sa layunin Isinasagawa ang bawat misyong dapat tupdin Sa anumang samahan, kapwa'y iyong nililingap At lagi kang kasama ng masa sa dusa't hirap Di ka basta aatras sa labang inyong kaharap Organisador kang maalam sa taktika't pihit Risko man at problema'y kaharap sa bawat saglit - gregbituinjr.

Soneto sa minumutya

Soneto sa minumutya  (taludturang 2-3-4-3-2) alam mo bang ikaw lang ang pinakamamahal ko dahil nag-iisa ka lang, giliw, sa mundong ito ikaw ang mutya kong nasa alon ng panaginip sa mga modelo ba'y sinong iyong kahulilip upang larawan mo sa puso ko'y mahalukipkip lagi mo akong dinadalaw sa aking pangarap narito ako, naghihintay ng iyong paglingap nawa'y masilayan kita't puso'y di na maghirap ah, mababaliw ba ako pag di kita nahanap bakit ba nakapagkit ka dini sa aking isip ngunit ganda mong di masilaya'y di ko malirip sa kahibangang ito ba ako pa'y masasagip alam mo bang ikaw lang ang pinakaiibig ko pagkat nag-iisa ka lang, sinta, sa aking mundo - gregbituinjr.

Ako'y Aktibistang Sosyalista, Nakikibaka

A ko'y aktibistang sosyalista, nakikibaka K asama ang uring manggagawang nagkakaisa T ungo sa pagtatayo ng lipunang sosyalista I big kong maisakatuparan ang adhikain B ansang ito'y maging malaya sa pagkaalipin I turo ang landas ng paglayang dapat tahakin S osyalista akong lumalaban para sa uri T anging uring manggagawa ang dapat manatili A t wastong buwagin ang elitistang paghahari N ais nating sistema'y yaong nagpapakatao G awin ang wasto, sistemang bulok ay binabago S osyalismong itatayo'y lipunang makatao O rganisahin natin ang lahat ng maralita S abay organisahin din ang uring manggagawa Y amang ito ang niyakap na prinsipyo't adhika A tin nang palitan ang kapitalismong gahaman L abanan din ang pagsasamantala ng iilan I takwil ang paangyuyurak sa ating karapatan S amahan ang uring manggagawang nakikibaka T ungo sa pagtatayo ng lipunang sosyalista A tin nang tahakin ang landas ng pagkakaisa - gregbituinjr.

Tila mga halimaw na ang naglipanang plastik

Imahe
tila mga halimaw na ang naglipanang plastik na saan mang panig ng mundo'y naglipanang lintik na kinakain ng mga isdang di makahibik ibon at ibang hayop man sa plastik natitinik tinatapon ng mga taong akala mo'y tanga kung saan-saan, sa sasakyan, sa dagat, kalsada mabuti't may ibang ibinobote ang basura upang di malunod sa plastik ang kanyang pamilya isisiksik ang mga plastik sa boteng plastik din bakasakaling solusyon itong kayang likhain ngunit iilan lang ang may ganitong adhikain upang kahit paano? kahit paano'y may gawin! wala pa silang sanlibo, plastik ay bilyun-bilyon kaunti lang sila kumpara sa laksang polusyon ano nang gagawin sa plastik na naglilimayon kung plastik sa bote'y di naman talagang solusyon - gregbituinjr.

Ang aklat na "Green Hopes: The Future of Political Ecology"

Imahe
ANG AKLAT NA "GREEN HOPES: THE FUTURE OF POLITICAL ECOLOGY" Maikling sanaysay ni Gregorio Bituin Jr. Nabili ko ang aklat na "Green Hopes: The Future of Political Ecology" sa Book Ends Bookshop sa Lungsod ng Baguio noong Hunyo 5, 2019, sa mismong paggunita ng World Environment Day. May turo si misis hinggil sa ecobrick na nakaiskedyul doon kaya nabili ko ang 169-pahinang libro sa araw na iyon, sa halagang P150.00. Paliwanag sa likod na pabalat ng aklat: "This book is a clear and vigorous manifesto for political ecology - a 'green' alternative to traditional political movements and doctrines. It examines the core values and principles which underlie political ecology, as well as the key problems it must address if it is to become a force of hope for the future." Ang aklat ay salin mula sa wikang Pranses, at isinulat ng Pranses na si Alain Lipietz. Isinalin naman ito sa Ingles ni Malcolm Slater. Inilathala ito ng Polity Press noong 199

Humihibik yaring pusong gutom sa katarungan

humihibik yaring pusong gutom sa katarungan habang nakatitig sa langit na mata'y luhaan tila napipi ang dila sa pusod ng lansangan lungsod ay tila naging mapanglaw na kasukalan mga nagmamahal ay naging sakbibi ng lungkot matitigas na ulo'y tila biglang nagsilambot imbes sa batas, sa punglo tinatapos ang gusot nangangating daliri'y bakit ba nakalulusot di ba malutas ang masalimuot na problema? kaya pagpaslang na lang ba ang kalutasan nila? paano ang usapin ng panlipunang hustisya? at paano ang karapatang pantao ng masa? dapat maging makatarungan, may wastong proseso may tamang paglilitis at sa tao'y may respeto nais nating may hustisyang panlipunan sa mundo at di punglo ang lulutas sa samutsaring isyu - gregbituinjr.

Noon, takdang aralin ko'y sa kubeta ginagawa

noon, takdang aralin ko'y / sa kubeta ginagawa sapagkat tahimik doon, / dama ko'y payapang diwa ngayon, sa kubeta pa rin / naman ako tutunganga habang nagsasalsal ako'y / may kung anong kinakatha maya-maya'y isusulat / sa papel ang nasa isip habang nakaupo roon / sa trono't nananaginip ano bang nasa pagitan / niyang alulod at atip baka naman may siwang na't / may mata pang naninilip kaysarap namang magbasa / nitong aklat sa kubeta tila baga dinuduyan / ako nito sa tuwina pagkat mga aklat itong / nagbibigay ng pag-asa sa masang api't biktima / din ng pagsasamantala mahalaga ang kubeta / sa bawat kong pagmumuni ito'y isang pahingahang / sa akin kumakandili dito nilalatag bawat / pagbaka sa mang-aapi tumambay ka sa kubeta't / tiyak di ka magsisisi - gregbituinjr.

Pang-aapi't pagsasamantala'y kamuhi-muhi

nakabubulahaw din ang bawat sigaw ng budhi sa kaibuturan ng puso'y dinig yaong tili nang sa bulok na sistema'y di raw tayo mamuhi huwag mong hayaang kapitalismo'y manatili habang manggagawa'y patuloy sa paglalagari habang lunas sa kahirapan ay patagpi-tagpi pang-aapi't pagsasamantala'y kamuhi-muhi dapat lang malipol ang tarantadong naghahari na nagyayabang dahil sa pribadong pag-aari langgasin mo ng bayabas ang sistemang kadiri habang nilalaspag ng kapitalismo ang puri ng aping obrerong dapat magbuklod bilang uri manggagawa, magkaisa, huwag maghati-hati hayaang magkapitbisig kayo't magbati-bati sa paraang iyan kayo tunay na magwawagi - gregbituinjr.

Popoy Lagman, Leninista

Imahe
POPOY LAGMAN, LENINISTA P opoy Lagman, na kilala ring Ka Popoy sa madla O rganisador na Leninista ng manggagawa P ilipinong rebolusyonaryo, tanyag, dakila O , bakit ba ikaw ay pinaslang nang walang awa Y inanig ang bayan sa iyong biglang pagkawala L eninistang nagturo sa amin ng rebolusyon A ng tagumpay ni Lenin noon, inaaral ngayon G urong tunay si Ka Popoy nang magawa ang layon M anggagawa, magkaisa kayo sa inyong misyon A ng itayo n'yo ang lipunang sosyalista ngayon N agkakaisang puso, diwa't prinsipyo'y di lingid L aban sa kapitalismong sadyang sistemang ganid E dukador ng obrerong ating mga kapatid N ang kawalan ng hustisya'y tuluyan nang mapatid I sang pagpupugay kay Ka Popoy ang aming hatid N agtataguyod ng Leninistang diwa't prinsipyo I sinasapuso'y tunay na diwang makatao S osyalistang lider siyang may pamanang totoo T ahakin ang landas ni Ka Popoy, ang Leninismo A t palakasin ang pagkakaisa ng obrero - gregbituinjr. 02.06.2020

Ako'y Katipunero ng makabagong panahon

ako'y Katipunero ng makabagong panahon na sa mga problema ng baya'y makakaahon kumikilos, nag-oorganisa ng dukha ngayon mula sa bukangliwayway hanggang sa dapithapon upang sila'y mamulat din upang magrebolusyon isinasabuhay ang Kartilya ng Katipunan upang maging mabuti sa kapwa tao't sa bayan upang isapuso ang magandang kaugalian binabasa't ninanamnan ang mga panuntunan upang maging gabay sa bawat pakikipaglaban dinidibdib ang dangal ng isang Katipunero iisa ang pagkatao ng lahat, ang prinsipyo sa Liwanag at Dilim na inakda ni Jacinto may disiplinang bakal at kabutihang totoo itinatayo ang isang lipunang makatao mananatiling ako'y Katipunero sa diwa, sa puso't dangal, kakampi ng dukha't manggagawa laban sa mang-aapi, tiwali't tusong kuhila aral ni Bonifacio'y niyakap at ginagawa ako'y Katipunerong sa pakikibaka'y handa - gregbituinjr.

Wala na silang nabibingwit na isda, wala na

wala na silang nabibingwit na isda, wala na at di na isda ang nabibingwit nila, plastik na bakit ganito, ang mga isda'y naging basura inaasam na pagkain ay wala na, wala na wala nang isda silang nabibingwit kundi plastik tinatanggal nila sa lambat ay plastik at putik sa mga basura ang lawa na'y namumutiktik sinong maysala, kanino mangingisda'y hihibik? tila baga ito sa mangingisda'y isang sumpa plastik na ba ang kapalit ng gutom nila't luha tila sa buhay nila'y may matinding nagbabadya mapalad silang makabingwit kahit konting isda ano nang dapat gawin sa ganitong kaganapan aba'y dapat malutas ito ng pamahalaan kung hindi naman ay magkaisa ang mamamayan nang isda't di plastik ang mabingwit sa katubigan - gregbituinjr.

Naninibasib na naman ang mga mapapalad

naninibasib na naman ang mga mapapalad na kumikita ng ginto sa samutsaring saplad inilista lang sa tubig ang kasalanang lantad sa pagpapakatao'y karaniwan silang hubad dugtong-dugtong ang libog ng nagbabating hunyango habang nasa diwa animo'y di niya makuro sa punong walang dahon, mga ibon ay dumapo tinutungkab ang sangang tila nagbabagang ginto sa may di kalayuan may nagbabadyang sakuna sadyang nakasusulasok na ang usok sa planta kaya nilalayuan iyon ng agila't maya iyon na yata ang tanda ng nagbabagong klima o, turan mo, sinta, kung saan tayo daratal habang nilalakbay natin ang maraming arabal naririyan kang animo'y diyosa sa pedestal sasambahin kitang tila ako'y makatang hangal - gregbituinjr.

Alagaan ang mundo

A lagaan natin itong mundong tanging tahanan L alo't klima'y pabagu-bago na sa daigdigan A ting labanan ang mapanira ng kalikasan G awaing pagprotesta'y tuloy laban sa minahan A t sa mga nakasusulasok na coal powerplant. A ng kalikasan din ay may karapatang mabuhay N gunit patuloy na winawasak, tayo'y magnilay A gad na pag-usapan ang bawat nating palagay N a makabubuti sa lahat, uri, sektor, hanay G ibain ang sistemang sadyang mapamuksang tunay. M undong ito'y alagaan, tanganan ang prinsipyo U sigin ang walang budhi't mapanirang totoo N awa para sa kagalinga'y magkaisa tayo D apat patuloy nating pangalagaan ang mundo O  hayaan ito sa kapitalistang barbaro? - gregbituinjr.

Mga tanaga sa dukha

K.P.M.L., pag-asa ng maralitang masa sistemang sosyalista ang adhikain nila nagtataas-kamao kaming mga obrero pangarap na totoo: gobyernong proletaryo pagkaisahing diwa sa lipunang malaya ang uring manggagawa at masang maralita maglulupa man ako't kumikilos ng husto ang tulad ko'y sinsero tungo sa pagbabago tapat akong umibig mahal, kita'y magniig ikukulong sa bisig ang sintang masigasig layon para sa bayan ay di suntok sa buwan hustisyang panlipunan dapat kamtin ng bayan sekretaryo-heneral man ako'y nagpapagal nawa ako'y tumagal sa laban, walang angal iyo bang matatanggap na tayo'y naghihirap kahit nagsusumikap iba'y nagpapasarap - gregbituinjr. * nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, publikasyon ng KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod), isyu ng Pebrero 1-15, 2020, p. 20

Pangitain ng makatang naging obrero

kayod ng kayod sa asam na milyung-milyong piso upang pagaanin ang buhay ng pamilya rito nais makawala sa kahirapang todo-todo kaya ang makata'y napilitang maging obrero at mababalewala na ang prinsipyong niyakap nagpalamon na sa sistema't naging mapagpanggap wala na sa katinuan pag iyong nakausap ang nangyayari animo'y di pa niya matanggap nangangarap kasi si misis na yumaman sila asam na umalwan ang buhay ng buong pamilya wala namang masama sa pinapangarap nila mabuti nga iyon upang lahat sila'y sumaya habang sa trabaho, makata'y nagmistulang robot wala nang mga tula, buhay na'y kabagot-bagot tulog na ang isip, laging puyat, nakalilimot tila sa bawat katanungan ay di makasagot sana ang trabaho'y may kaugnayan sa pag-akda magsulat sa magasin o mag-ulat ng balita pagkat nasa pagsusulat ang kanyang puso't diwa lalo na't siya'y makatang tunay na naglulupa - gregbituinjr.

Ilang pitik ng diwa nina Balagtas at Lenin

Balagtas: "sa loob at labas ng bayan kong sawi" noon pa'y "kaliluha'y siyang nangyayaring hari ani Lenin: "nangyayari'y tunggalian ng uri" "sa kongkretong kalagayan, dapat tayong magsuri" noon pa'y problema na ang kahirapan ng buhay dahil may naghaharing uring nagdulot ng lumbay di pinauunlad ang magsasakang nagsisikhay di umunlad ang manggagawang kaysipag na tunay patuloy na namumuno ang lilong pulitiko patuloy ang pananagana ng kapitalismo namamayagpag din ang mga negosyanteng tuso pigang-piga na ang lakas-paggawa ng obrero nais ng mga kapitalista'y "industrial peace" habang karapatan ng manggagawa'y tinitiris bawal magreklamo kung hindi'y dapat kang umalis karapatang mag-unyon ay agad na pinapalis dapat pag-aralan ang lipunang kinasadlakan aralin paano lipunang bulok ay palitan huwag tayong mabubuhay ng walang pakialam habang nagpapasasa sa yamang bayan ang ilan bakit ba tunggalian ng u

Sayang lamang ang buhay ko sa tahimik na buhay

sayang lamang ang buhay ko sa tahimik na buhay na sa nangyayari sa baya'y tila walang malay ayaw nang makialam gayong nakibakang tunay kasama'y mga manggagawa't maralitang hanay anong nangyari't nagbago, dahil ba nag-asawa? prinsipyo't niyakap na layon na ba'y isusuka? iisipin na lang sa buong buhay ay pamilya? at iiwanan na lang ang pagiging aktibista? hindi, ayaw kong maghintay na lang ng kamatayan! ayokong maburo sa bahay at isang luhaan! kasama pa rin ako sa pagbaka sa lansangan! at tupding maitayo ang pangarap na lipunan! oo, sayang ang buhay ko sa buhay na payapa habang tunggalian ng uri'y nariyan sa lupa nagpapasasa ang ilan habang bilyon ang dukha ganyang kalagayan ba'y iyo pang masisikmura? pinag-aralan ang lipunan, sinuri ang mundo patuloy pang nananalasa ang kapitalismo ako'y aktibistang kakampi ng uring obrero di ako tutunganga lang sa nangyayaring ito! - gregbituinjr.

Ang kuyog bilang pilosopiya ng katarungan

Imahe
ANG KUYOG BILANG PILOSOPIYA NG KATARUNGAN marami nang balitang kinuyog ng mamamayan ang mga salaring may ginawang krimen sa bayan sadyang kinuyog siya ng galit na taumbayan na nagtulong-tulong upang krimen ay mapigilan pakiramdam ng taumbayan, sila ang biktima sila ang hinoldap, ginahasa, at pinuntirya di ito hahayaang mangyari pa sa kanila taumbayan na ang sa kriminal ay nagsentensya maraming tao ang nagtulong-tulong kaya kuyog tulad nito ang bayanihan ng mga bubuyog napakarami, sama-sama, mundo'y inaalog animo'y bulkan silang sama-sama sa pagsabog anyo ng hustisyang pinakita ng Pilipino nagkakaisang pagkilos laban sa tarantado di man magkakakilala'y pipigilan ang gago upang mapiit dahil sa sala sa kapwa tao kuyog na'y isang pilosopiya ng katarungan naiibang hustisyang marahil taal sa bayan tulong-tulong sila pagkat di nila hahayaan na ang kriminal ay pagala-gala sa lansangan - gregbituinjr.

Sali, salit, salita

Imahe
SALI, SALIT, SALITA kahapon, unti-unti kong sinasalsal ang diwa magtatapos na ang buwan, wala pa ring nagawa unang araw ng panibagong buwan ay kakatha ng bukangliwayway, ilalarawan ang paglaya mula sa lumbay, karahasan, dugo, dusa't luha sumali ako sa ilang samahang kumikilos upang kalabanin ang anumang pambubusabos kahit salit-salitan, pamilya, kilusan, kapos kahit walang masasayang piging na idaraos upang baguhin ang sistemang dulot ay hikahos pag-ibig ang itinaguyod upang laya'y kamtin upang may kapayapaan sa puso't diwa natin at ngayon, yaring diwa'y patuloy na sasalsalin upang makatas ang mga salitang tutulain bakasakaling may bagong palad kitang dadamhin - gregbituinjr.