Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Enero, 2023

Pagkilos

Imahe
PAGKILOS ako'y makatang laban sa pribadong pag-aari ng kagamitan sa produksyon ng mapang-aglahi sa sistemang kapitalismo't masasamang budhi kumilos upang madurog ang naghaharing uri pribadong pag-aari ang ugat ng kahirapan at sanhi rin ng pagsasamantala't kaapihan dapat nang tanggalin iyan sa kamay ng iilan nang maging pag-aari iyan ng buong lipunan pagkakapantay sa lipunan ang panawagan ko na walang pagsasamantala ng tao sa tao adhika'y pakikipagkapwa't pagpapakatao at ilagay sa tuktok ang dukha't uring obrero sinasabuhay ko ang prinsipyong iyan at mithi ayokong maging kaisa ng mapang-aping uri pag ako'y nagkaroon ng pribadong pag-aari lagyan ako ng tingga sa ulo, kung maaari di iyan pakiusap, iyan ay katalagahan dahil lumaban sa mapagsamantala't gahaman iyan ako, ako'y iyan, para sa uri't bayan taasnoo akong kikilos hanggang kamatayan - gregoriovbituinjr. 01.31.2023

Sa paglalakad

Imahe
SA PAGLALAKAD samutsari ang nakikita sa paligid karetelang hila't babaeng tumatawid ang nagliliparang ibon sa himpapawid mensaherong may mga sobreng ihahatid kagagaling ko lang noon sa isang rali nang sa paglalakad ay may napagmumuni nasa isip ang bayan imbes na sarili kaya patuloy ang pagkilos araw-gabi may isang metrong inilaan sa bangketa upang ang tao'y may malakaran talaga may sangmetro ring inilaan sa kalsada para naman sa mga nagbibisikleta nakapinta sa pader ay kaygandang mural at sa pinanggalingan ko'y kayraming aral pakikibakang masidhi't ano't kaytagal dapat tanikala'y lagutin na ng punyal kayraming paksa sa aking harap at likod mga nagalugad ay may lungkot at lugod may unat at baluktot, tuwid at pilantod na nais kong ipinta sa mga taludtod - gregoriovbituinjr. 01.31.2023

Salamat, nakabigkas din ng tula

Imahe
SALAMAT, NAKABIGKAS DIN NG TULA mabuti't sa solidarity night ng manggagawa ay nabigyang pagkakataong bumigkas ng tula sa pagitan ng pulutan at alak nakakatha wala mang binabasa'y agad akong nakatula marahil dahil kabisado ko ang mga isyu ng mga kauri kaya isip ay di nablangko di ko man naisulat ang nasa diwa't loob ko ay may tugma't sukat pa ring bumigkas nang totoo kaysaya ng buong gabi't punong-puno ng awit nakabigkas lang ng tula nang makata'y mangulit nagkakatagayan na kasi kaya nakahirit at nasabi rin ang sa kapitalismo'y parunggit masaya nang nakatula sa kanilang harapan kaya pinagbuti ang pagbigkas nang may tugmaan sa pumalakpak, nais ko kayong pasalamatan makata'y di binalewala't inyong pinakinggan - gregoriovbituinjr. 01.30.2023 * ang makatang gala ay nakatula sa solidarity night ng ika-9 na Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Baguio City, 01.28.2023

Ang masasabi

Imahe
ANG MASASABI mananatiling tutula kahit laging walang-wala sa langit nakatingala sa kisame'y tutunganga gawain mang walang sahod kaya buhay ay hilahod yaring pluma'y hinahagod marahil hanggang sa puntod patuloy na inaalam ang lipunang inaasam magsamantala'y maparam bagamat may agam-agam patuloy sa adhikain at sa atang na tungkulin tutupdin bawat layunin lalo't dakilang mithiin iyan lang ang masasabi upang tuluyang iwaksi yaong sistemang salbahe at talagang walang silbi - gregoriovbituinjr. 01.30.2023

Niloloob

Imahe
  NILOLOOB “There is no greater agony than bearing an untold story inside you.”  ~ Maya Angelou, I Know Why The Caged Bird Sings animo'y nagsisukob dini sa niloloob bawat isyung marubdob sa kung saan nalublob ibon ay umiiyak doon sa hawlang pilak ramdam ay napahamak laya'y asam na payak nababahaw ang tinig tila may nakabikig ayusin na ang katig kung maglayag ang ibig patuloy ang pagsuyo bagamat walang luho pagkat sinta'y kasundo kapanalig, kapuso patuloy man ang digma sa gahama't kuhila lagutin nating sadya ang gintong tanikala - gregoriovbituinjr. 01.30.2023

Di pansarili lang

Imahe
DI PANSARILI LANG minsan lang tayo mabuhay tapos isip lang ay pansarili, kapos dapat ay isang lipunang lubos ang matayo nang walang hikahos di pamilya lang, di bukas mo lang di sa pansariling pakinabang di rin para sa trapo't iilan kundi para sa bukas ng bayan wala tayong ipagmamalaki kung nabuhay lang na pansarili; sa ating uri, tayo'y magsilbi at sa higit na nakararami buong lipunan ang babaguhin sistemang bulok ay palitan din lipunang makatao'y likhain para sa kinabukasan natin - gregoriovbituinjr. 01.29.2023 * kinatha sa ikalawang araw ng ika-9 na Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Baguio City, Enero 28-29, 2023

Diwang hatid

Imahe
DIWANG HATID nakagagalit ang awit at talumpati lalo't tinatalakay ay isyu ng uri patuloy na yumayaman ang naghahari bulok na sistema'y sadyang kamuhi-muhi makinig sa kanila'y nakapanginginig dama mong napakainit kahit malamig ibang-iba ang hagod ng kanilang tinig talagang sa mga buktot na'y nang-uusig pasasalamat sa pahatid ninyong diwa talagang dama ito naming mga dukha dapat nang itayo ng uring manggagawa ang lipunang makataong tunay na pita aming napakinggan ay isinasapuso kahit sa mahabang paglalakbay ay hapo tuloy pa rin ang pakikibaka't pagsuyo kamtin ang pangarap na di dapat maglaho - gregoriovbituinjr. 01.29.2023 * kinatha sa ikalawang araw ng ika-9 na Pambansang Kongreso ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Baguio City, Enero 28-29, 2023

Kauri

Imahe
KAURI isa akong manggagawa noon, inyong kauri na tagagawa ng floppy disc, Hapon ang may-ari sa kumpanyang PECCO ang pinag-ugatan ng binhi sa pagkamanggagawa'y doon nagmula ang mithi ngala'y Precision Engineered Components Corporation sa Alabang, at machine operator ako roon unang trabaho, talubata pa lang ako noong taon nang isinabatas ang kontraktwalisasyon tatlong taon doon, nag-resign, umalis, nag-aral sa kolehiyo ay naging aktibistang marangal kalahati ng buhay sa aktibismo nagtagal tatlong dekada nang ang kauri'y itinatanghal niyakap ko ang prinsipyo ng pagpapakatao ang Kartilya ng Katipunan ay sinusunod ko niyakap ang makauri't sosyalistang prinsipyo nang lipunang makatao'y itayo ng obrero sulong, kauri, kamanggagawa, tuloy ang laban bakahin ang mga mapagsamantala't gahaman upang kamtin ng bayan ang hustisyang panlipunan at itayo ang asam na makataong lipunan - gregoriovbituinjr. 01.28.2023 * isinulat sa unang araw ng ika-9 na Pambansang Kongreso ng Buklur

Pagpapatuloy

Imahe
PAGPAPATULOY patuloy ang pagsama sa rali kahit gaano tayo ka-busy lalo't sa isyu'y di mapakali matapos na ito'y mapaglimi lumaki sa ganitong lipunan na may pinagsasamantalahan lalong yumayaman ang mayaman at dukha'y nananatiling ganyan kaya huwag mo kaming sisihin kung patuloy sa aming layunin matugunan ang mga usapin na pawang lumalamon sa amin takot man, nagiging walang takot upang maituwid ang baluktot upang tuligsain ang kurakot mapalitan ang sistemang buktot - gregoriovbituinjr. 01.27.2023 * litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa harap ng DOLE Intramuros, Maynila, 01.19.2023

Pagpapakatao

Imahe
PAGPAPAKATAO pawiin natin ang sistemang di makatao pagkat iyan ang dahilan ng maraming gulo hindi na ba iiral ang pagpapakatao? aanhin ba natin ang kayamanan sa mundo? manghihiram lang ba lagi tayo ng respeto sa kayamanan kaya nang-aangkin ng todo? wala na bang puwang ang pagiging makatao kaya nais lagi'y may pag-aaring pribado? dinadaan lagi sa digmaa't kayamanan ang mga usapin, tingnan mo ang kasaysayan na dulot, imbes kaunlaran, ay kamatayan imbes magpakatao'y nakikipagdigmaan di na makuntento sa kung ano ang mayroon aanhin mo ang yaman? para maghari ngayon? para lamang tawagin kang isang panginoon? at mamamatay ka lang pagdating ng panahon! - gregoriovbituinjr  01.26.2023

Huwag ninyong hanapin sa akin ang hindi ako

Imahe
HUWAG NINYONG HANAPIN SA AKIN ANG HINDI AKO huwag ninyong hanapin sa akin ang hindi ako at ako'y hubugin sa kung anong kagustuhan n'yo hinahanap ninyo sa aki'y ibang pagkatao ang matagumpay na negosyante o asendero nagpapatakbo ng kumpanyang limpak kung kumubra na tingin sa obrero'y hanggang kontraktwal lang sila masipag na kalabaw ang tingin sa magsasaka na bigay ninyong sahod ay mumo lang, barya-barya na ang trato sa mga maralita ay alipin na ang tingin sa mga dukha'y pawang palamunin di kaya nitong budhi ang inyong mga pagtingin ang hindi ako'y huwag ninyong hanapin sa akin tanggap kong isa lang akong hamak na mamamayan ngunit prinsipyado't may taglay na paninindigan nahanap ko na ang aking lugar sa ating bayan landas kong pinili sa harap man ni Kamatayan kumikilos akong tibak ng uring manggagawa at isang mandirigma ng hukbong mapagpalaya ito ako, iyan ako, sana'y inyong unawa di n'yo mababago ang pagkatao ko't adhika - gregoriovbituinjr. 01.2

Ang hanap

Imahe
ANG HANAP hinahanap ko kung saan ba may silbi sa bayan sa kapwa dukha, uring manggagawa, mamamayan ngunit di hanap ang pansariling kaligayahan na kakain lang, tutulog lang, pulos pahinga lang pagkat di ako tamad, anong sipag kong totoo isang araw isang tula ay masaya na ako tumangan ng bandera o plakard sa parlyamento ng lansangan o magsulat ng pahayag sa isyu di ko maisip bakit ang mata'y pinapupungay kung saan matapos ang gawain ay laging tagay mas nais ko pang sa aklatan o bukstor tumambay bakasakaling may matututunang maging gabay ah, napakapayak lamang ng aking hinahanap na lipunang makatao'y maitayo nang ganap mapuno man iyon ng mga sakripisyo't hirap masaya nang makapagsilbing walang pagpapanggap - gregoriovbituinjr. 01.25.2023

Dalawang aklat

Imahe
DALAWANG AKLAT dalawang aklat itong pambihira hinggil sa isang lider-manggagawa na naitago ko pala sa takba nakita ang akala'y nawawala oo, noon nga siya'y naabutan ako pa'y nasa grupong Kamalayan at napuntang Sanlakas at Bukluran at sa mga pagkilos sa lansangan sulatin niya'y pag-ukulang pansin upang ilapat sa panahon natin o marahil ito pa'y paunlarin nang muling maipalaganap man din basahin muli yaong counter-thesis at namnamin ang anghang nito't tamis nang manggagawa'y magkabigkis-bigkis nang maralita'y di na nagtitiis - gregoriovbituinjr. 01.24.2023 * Ang una'y nabili ko noong Agosto 11, 2006 sa pambansang opisina ng Partido ng Manggagawa (PM), 300 pahina. * Ang ikalawa'y aking sinaliksik, tinipon at isinaaklat noong 2009, at muling nilathala noong 2017, 112 pahina. Inilunsad sa UP Bahay ng Alumni noong Pebrero 6, 2009, sa ikawalong anibersaryo ng pagpaslang kay Ka Popoy.

Alaga

Imahe
ALAGA nakatulog na ang aming alaga na dalawang kuting at inang pusa matapos nilang manghuli ng daga at nabusog sa twalya'y nagsihiga nakatitig lang akong di mainip sa kanilang anong sarap ng idlip ano kayang kanilang panaginip o kaya'y ang mga nasasaisip matutulog na rin ako't antok na sa panaginip kaya'y magkikita silang tanging bigay ko'y mga tira aba'y babalitaan na lang kita - gregoriovbituinjr. 01.24.2023

Pahinga

Imahe
PAHINGA minsan, di ko maisip ang gagawin baka diwa muna'y pagpahingahin animo'y maysakit at suliranin at di magawa-gawa ang balakin madalas kinakapoy ang katawan baka loob ay pinanghihinaan magpahinga lang ba ang kasagutan o may inspirasyong dapat tanganan pati mga salita'y di mahagod nasungaba pati pananaludtod pantig at saknong ay napipilantod nanghihina ang tuhod at gulugod may kung anong nakadagan sa dibdib sa mga laman may naninibasib magpahinga muna kaya sa liblib o magkampo kaya sa isang yungib - gregoriovbituinjr. 01.23.2023

Basurahan sa dyip

Imahe
BASURAHAN SA DYIP Zero Waste Month  ngayong Enero uy, may buwan palang ganito nakakatuwa pagsakay ko ng dyip sa madla'y may abiso "Throw your trash here"  ang nakasulat uy, itapon mo raw ang kalat sa basurahan doong sukat abisong unawa ng lahat ay, salamat sa mga tsuper sa kalinisan, kayo'y eager tungkulin din pala ng drayber na kalikasa'y di ma-murder - gregoriovbituinjr. 01.22.2023

Paalala

Imahe
PAALALA huwag kang lalampas sa guhit baka mahuli ka't magipit nagpatintero noong paslit aral ba nito'y nakaukit? ang limang daang pisong multa aba'y anong sakit sa bulsa anong laro mo nang bata pa sa patintero'y natuto ba? kaysarap na laro ng paslit tatayain mo silang pilit aba'y huwag ka nang makulit mahuli'y huwag magagalit - gregoriovbituinjr. 01.21.2023

Pinangarap ko 'to

Imahe
PINANGARAP KO 'TO ang pinangarap ko'y di materyal na bagay tulad ng kotseng ipagyayabang na tunay kundi kalagaya't sistemang pantay-pantay kaya nakikibaka'y iyan yaring pakay ang pinangarap ko'y di pawang mga seksi sa akin ay sapat na ang isang babae na laging kasama, kasangga, kabiyahe sa mundong itong sa hirap at dusa'y saksi ang pinangarap ko'y di mag-ari ng yaman upang kilalanin at maghari-harian maikli lang ang buhay kaya bakit iyan sayang lang ang buhay kung pulos kasiyahan ang pinangarap ko'y ginhawa ng marami na walang nagsasamantalang tuso't imbi ang nais ko'y nagsisilbi sa uring api sa pakikibakang ito'y di magsisisi ang pinangarap ko'y ang esensya ng buhay na kahulugan nito'y nadama mong tunay na may nagawa ka pala kahit mamatay para sa iyong kapwa sa saya ma't lumbay - gregoriovbituinjr. 01.20.2023

Libo-libong hakbang man

Imahe
LIBO-LIBONG HAKBANG MAN kailangan ko bang lakarin ang sanlibong hakbang upang umani ng kaing ng manggang manibalang upang marating ang bundok at tagtuyot na parang upang di maligaw sa pasikot-sikot na ilang kahit libo-libong hakbang pa'y aking lalakarin limampunglibo, sandaang libo, sang-angaw man din kung tungong tagumpay ng nakasalang na usapin kung iyan ang paraan upang kamtin ang mithiin upang malutas lang ang mga sigalot at sigwa lalakarin milyong hakbang man na may paniwala mananaig tayo sa kabila ng dusa't luha ang daan man patungo roon ay kasumpa-sumpa - gregoriovbituinjr. 01.19.2023

Nalirip

Imahe
NALIRIP minsan, kailangan kong gawin ang nasasaisip isulat kara-karaka ang anumang nalirip bagamat may mga salitang di basta mahagip pag dadalo ng pulong, sakyan ang mabilis na dyip o kaya'y magbisikleta kung daan ay masikip bago pa umulan, pasakan ang butas sa atip kung magbagyo mang kaylakas ng hangin kung umihip yaong mga nasalanta'y tulungan at masagip maraming tungkulin sa bayan, huwag lang mainip masa'y organisahing may prinsipyong halukipkip lalo't manggagawa'y kasanggang walang kahulilip ah, ano pang gagawin bago tuluyang umidlip may natakpang isyu bang dapat tanggalan ng takip kung meron, sabihan ako't ang mensahe'y ilakip - gregoriovbituinjr. 01.19.2023    

Kalikasan

Imahe
KALIKASAN lubhang matarik ang mga bangin na dulot ng bawat kong panimdim na ninais ko pa ring akyatin huwag lamang abutin ng dilim anong sarap damhin ng amihan sa nilalakaran kong putikan ngunit kalbo na ang kabundukan wala nang hayop sa kagubatan winawasak na ng pagmimina ang katutubong lupain nila kalikasa'y di na makahinga sa kaytitinding usok sa planta mga basura'y lulutang-lutang sa matinding klima'y nadadarang natutuyot na ang mga parang nakatiwangwang ang lupang tigang O, Kalikasan, anong ganda mo ngunit sinisira ka ng tao pinagtutubuan kang totoo at kung gumanti ka'y todo-todo Ikaw, Kalikasan, pag nagngitngit ay ramdam namin ang pagngangalit ulan ay kaytinding ilang saglit lulubugin kaming anong lupit - gregoriovbituinjr. 01.19.2023

Dalawang larangan

Imahe
DALAWANG LARANGAN kayraming gawain sa kilusan at panitikan tungkulin sa dalawang pinagkakaabalahan na sa iwing buhay ko'y mga piniling larangan na talagang niyakap at tutupdin ng lubusan mga larangang wala mang matanggap na salapi ay masayang nagsisilbi sa bayan at sa uri hanap kong esensya ng buhay, naritong masidhi para sa daigdigan, tutupdin ang minimithi inaalay ang mga tula sa pakikibaka upang lipunang makatao'y itayo ng masa kwento't sanaysay ay pinagbubutihang talaga upang kamtin ang asam na panlipunang hustisya ninais kong magkaroon ng sariling El Fili nobela ng buhay ng higit na nakararami kung saan sa dulo, manggagawang di mapakali ang dudurog sa sistemang bulok at pang-aapi kanilang itatayo ang lipunang makatao na walang pagsasamantala ng tao sa tao na ang pribadong pag-aari't anumang perwisyo ay tuluyan nang kakalusin ng uring obrero bata pa'y pinaglimian hanggang aking magagap pinag-aralan ang lipunan, ngayo'y nagsisikap upang abutin ng uri't ng

Kwento

Imahe
KWENTO maihahanay sa pandaigdig ang manunulat nating magaling tunghayan ang pintig nila't tinig at talaga namang nagniningning basa-basahin ang kwentong lokal na may danas na sa atin taal kwentong banyaga'y may mabubungkal ibang ideya, kultura't asal may mga kwentong katatakutan, kababalaghan, katatawanan, alamat, o sikolohikal man, tunay na buhay, at panlipunan tila nilibot natin ang mundo sa samutsaring danas at kwento animo'y kalakbay nila tayo sa bawat punto at kuro-kuro inilalarawan ang kultura ng ibang lahi't matantong sila pala'y tao ring ating kagaya nagkakaiba lang ng sistema batirin ang danas ng may-akda sa mga kwento nilang kinatha anong pangarap nila't adhika bakit inakda'y kahanga-hanga - gregoriovbituinjr. 01.18.2023

Ang larawan

Imahe
ANG LARAWAN animo'y painting ang larawan nang makunan sa dapithapon anong ganda ng paraluman sa iwing puso'y naglimayon para bang sadyang iginuhit ng isang mapagpalang kamay ang litratong kaakit-akit sa mata kong tigib ng lumbay - gregoriovbituinjr. 01.17.2023

Paghahanap

Imahe
PAGHAHANAP nakatunganga lang sa kawalan may dinadalumat na anuman animo'y lawin sa kalawakan kapag lumilipad ang isipan may madadagit bang bagong paksa tila baga laging nanghuhula at naroroong nakatulala hinihintay humupa ang sigwa madalas ganyan ang pakiramdam tila may usaping di maparam kung bakit laging may pagkabalam siya lamang ang nakakaalam bakit ba mundo'y puno ng ganid? baluktot pa ba'y maitutuwid? bakit maging sa pagsulat umid? ano bang dapat nating mabatid? kayraming katanungan sa mundo kung di masagot, nasisiphayo; nang susing salita'y di mahango ay unti-unti siyang naglaho - gregoriovbituinjr. 01.17.2023 * litratong kuha ng makatang gala sa Rizal Park sa Maynila, 12.30.2022

Inspirasyon

Imahe
INSPIRASYON may ilang makatang inidolo na may sari-sarili nang aklat binabasa ang kanilang libro baka sa katha'y may madalumat silang tinitingala sa ulap lalo't kaytitinding manaludtod na sa puso't diwa'y yumayakap upang tula'y di pila-pilantod William Shakespeare na makatang Ingles, si Robert Frost na Amerikano, ang makatang Persyanong si Hafez, ang sa digmaa'y saksing totoo yaong dalawang nobelang tula: kay Batute'y  "Sa Dakong Silangan" pati  "Ang Mga Anak-Dalita" na kay Patricio Mariano naman kung matatanaw man ang anino ng mga makatang inspirasyon ay dahil binasa silang todo masundan ang yapak nila'y layon - gregoriovbituinjr. 01.17.2023 * mga aklat sa litrato'y ilan lang sa nasa aklatan ng makatang gala

Tarang magtanim ng sibuyas

Imahe
   TARANG MAGTANIM NG SIBUYAS buti pa'y magtanim ng sibuyas kaysa bumili na lamang nito baka ito na ang tamang landas nang di hirap sa taas ng presyo animo ang bulsa na'y nabutas nandaya ba ang mangangalakal? sibuyas na'y ginawang alahas ang dating mura'y ano't nagmahal? talagang nais ko nang magmura ang sibuyas na nagpresyong ginto paano malutas ang problema upang di naman tayo manlumo ah, mabuti pang tayo'y magtanim ng sibuyas, di man magsasaka upang malutas na ang panimdim at baka ito na'y mapamura - gregoriovbituinjr. 01.16.2023

Mag-iinang pusa

Imahe
MAG-IINANG PUSA masdan mo ang mag-iinang pusa sarap na sarap sa tirang isda na sa kanila'y biyayang sadya mula sa isang mapagkalinga hayop man sila'y parang tao rin na naghahanap ng makakain madalas pang sa iyo'y titingin kung may pagkain para sa kuting pusang galang tambay sa bakuran mag-iinang walang hiwalayan kumakain sila'y pinagmasdan sa ganoong tagpo'y binidyuhan - gregoriovbituinjr. 01.16.2023 * mapapanood ang bidyo sa: https://www.facebook.com/tulatulatnigregoriovbituinjr/videos/731306411570988

Minsan

Imahe
MINSAN minsan, nang magbakay ng sasakyan ay aking nakatagpo si pinsan doon kami'y nagkakumustahan hanggang magyaya siyang inuman dahil kayrami pang lalakarin ay tumanggi sa yaya sa akin sa susunod na lang, sabi ko rin at akong bahala sa inumin dumating ang dyip, siya'y sumakay habang ang ruta ko'y hinihintay patuloy lang akong nagbabakay nang may binibining nakasabay kaysarap ng aking pakiramdam tila nawala ang dinaramdam para bang problema ko'y naparam animo nais kong magparamdam mabuti't dumating na rin ang dyip nang makatapat siya't mahagip ng mata kong nais nang umidlip ah, siya'y isa lang panaginip - gregoriovbituinjr. 01.15.2023

Nais ko nang umuwi

Imahe
NAIS KO NANG UMUWI nais ko nang umuwi sa bayan kong tinubuan na kaytagal na panahon ding di ko nagigisnan upang madalaw ang mga kapatid ko't magulang kumustahin sila't kina ina'y magbigay-galang kaytagal kong asam ang muli naming pagkikita lalo ang pagpapalitang-kuro namin ni ama kapwa retiradong empleyado sila ni ina habang ako'y isang mapagpalayang aktibista nahasa ako noon sa mga sermon ni inay at sa pangaral ni itay na aking naging gabay bilin nilang kung anong gusto ko'y magpakahusay dahil ako ang pipili nitong ikabubuhay pinili kong magpakahusay bilang manunulat maging makata't sa maraming isyu'y nag-uulat maging aktibistang sa mga api'y nagmumulat nang lipunang makatao'y itayo nilang sukat nais kong umuwi, tulad ni Rizal sa Calamba tulad ni Bonifacio, na pinaslang ng kuhila nais kong umuwing kasama'y manggagawa't dukha nais ko nang umuwi sa kamay na mapagpala - gregoriovbituinjr. 01.15.2023

Pagmumuni

Imahe
   PAGMUMUNI di ko hintay na magnaknak ang sugat ng salita habang iniinda ang sariling galos at iwa di ko hintay magdugo muna ang noo ko't diwa upang mapiga't kumatas ang asam na kataga di tahimik gayong ang hanap ko'y katahimikan sa kapaligirang punong-puno ng sigalutan di payapa gayong ang hanap ko'y kapayapaan ng puso't diwang umaasam ng kaginhawahan ninanais kong madalumat ang ibig sabihin ng karanasan sa mga madawag na landasin ng karahasan sa mundong ginagalawan natin ng karaingan ng maraming naghihirap pa rin anong kawastuhan sa gawang pagsasamantala? upang bumundat pang lalo ang tiyan nila't bulsa ang mga api ba'y may aasahang santo't bida? gayong may magagawa kung sila'y magsama-sama nadarama rin ba natin ang sugat ng daigdig? dahil tila ba ito'y halos mawalan ng pintig? sapat ba ang salita sa tula upang mang-usig? o mga api'y magsikilos na't magkapitbisig? - gregoriovbituinjr. 01.15.2023

Nakakaluha

Imahe
NAKAKALUHA nakakaluha na ang presyo ng sibuyas lalo't pag hiniwa mo sa mata'y kakatas ito'y mahal pa sa sampung kilo ng bigas o kaya'y dalawampung lata ng sardinas mahal nitong presyo'y paano malulutas? paanong sa ganito, masa'y maliligtas? anong sistema na ang ating binabagtas? kung solusyon dito'y di pa natin mawatas sa bulsa't tiyan ng kuhila mababakas ang pagbundat dahil sa mahal na sibuyas sadyang maluluha ka pag iyong namalas masa'y wala nang maaliwalas na bukas wala bang solusyon ang mga santo't pantas? talaga bang ganyang sistema na ang batas? kailan ba kapitalismo'y magwawakas? upang magmura naman ang tindang sibuyas - gregoriovbituinjr. 01.14.2023 * litrato mula sa Editoryal ng  Taliba ng Maralita , opisyal na publikasyon ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2022, p.3 * litrato mula sa Kolum ni Sen. Risa Hontiveros sa pahayagang Abante, Enero 14, 2023, p. 6

Si Muning

Imahe
SI MUNING tila siya di mapakali at animo'y may sinasabi ano raw gawa ko kagabi habang may dilag na katabi at ibinalik ko ang tanong kumusta ang bigay kong labong tila siya'y bubulong-bulong buti pa ang isda at tutong sa gayong punto ng usapan ay agad nagkaunawaan ibigay ko ang kahilingan siya'y hahaplusin ko naman kayganda ng mga pangarap na bawat isa'y nililingap patuloy lang tayong mag-usap at nang magkatulungang ganap - gregoriovbituinjr. 01.14.2023

Sa ika-149 anibersaryo ng TFDP

Imahe
SA IKA-49 ANIBERSARYO NG TFDP Task Force Detainees of the Philippines, mabuhay kayo! sa pang-apatnapu't siyam ninyong anibersaryo taospuso kaming nagpasasalamat sa inyo kayong sa bilanggong pulitikal nag-asikaso ang inyong mga ginagawa'y trabahong marangal lalo sa mga bilanggong sa loob na'y kaytagal di man sila kaanu-ano, kayo'y nagpapagal katuwang sa paglaya ng bilanggong pulitikal habang kami'y nasa loob, kayo'y nakasubaybay na hanggang sa paglaya, kami'y tinulungang tunay kaya sa inyong lahat, taasnoong pagpupugay mga lumayang PPs ay may panibagong buhay nawa'y magsilago ang itinanim ninyong binhi upang ating kapwa'y di maapi at maduhagi adhikain ninyo sa puso nawa'y mamalagi at muli, sa inyong anibersaryo'y bumabati - gregoriovbituinjr. 01.13.2023

Tara, mag-zero waste na

Imahe
TARA, MAG-ZERO WASTE NA zero waste month pala ang Enero na nagpapaalalang totoo lumalala ang lagay ng mundo dahil sa kagagawan ng tao tapon ng tapon dito at doon kung saan-saan lang nagtatapon anong dapat nating maging tugon kung sa basura'y di makaahon masdan ang daigdig at magnilay magsuri tayo't magbulay-bulay at ang maaksayang pamumuhay ay dapat na ngang baguhing tunay huwag hayaang pulos basura, upos at plastik ay maglipana mundo'y bahay mo't tahanan nila kaya huwag hayaang dumhan pa ecobag, di plastic bag, ang gamit linisin palagi ang paligid upang tayo'y di magkakasakit zero waste ay dapat nating batid simulan nating gawing panata zero waste lifestyle ay isadiwa gawin natin kahit tayo'y dukha para sa bukas ng mundo't madla - gregoriovbituinjr. 01.12.2023

Huwag sayangin ang panahon

Imahe
HUWAG SAYANGIN ANG PANAHON kahit sa pagbibigay ng anumang edukasyon sa mga kapwa dukha o manggagawa man iyon kung isa lang o lima ang nagbigay ng panahon tuloy ang pag-uusap at di natin ipo-pospon nagbigay sila ng panahon at ikaw din naman subalit di umabot sa sampung inaasahan aba'y sayang ang panahon kung ipagpapaliban kapwa nagbigay ng panahon, ituloy na iyan iyan ang kaibahan pag may dapat pagpapasya na quorum ay inaasahan kaya dadalo ka "Huwag sayangin ang panahon,"  sabi sa Kartilya ng Katipunan, isang aral na sadyang kayganda bilin ng ating mga ninuno'y ating aralin upang sa anumang labana'y di basta gapiin ang Kartilya ng Katipunan ay pakanamnamin pagkat ito'y pamanang Katipunero sa atin - gregoriovbituinjr. 01.11.2023 * "Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan nay di na muli pang magdadaan." ~ mula sa Kartilya ng Katipunan * litrato mula sa kawing na: https://www.facebook.com/ph

Kung ako'y uuwi

Imahe
KUNG AKO'Y UUWI nais kong umuwing di talunan mula sa mahabang sagupaan nais kong umuwing di luhaan at di namatayan sa bakbakan kaya pagsikapan ang gagawin batay sa prinsipyo't adhikain ang estratehiya'y unawain at mga taktika'y pagbutihin nais kong umuwing di sugatan na sa pagbaka'y walang iwanan kung uuwi'y napagtagumpayan yaong mga ipinaglalaban mandirigma man kami'y may puso nakadarama rin ng siphayo may pangarap ding ayaw gumuho may pagsinta ring ayaw maglaho - gregoriovbituinjr. 01.11.2023

Ang maging masaya

Imahe
ANG MAGING MASAYA nagtatrabaho ako kung saan ako masaya at kung di na ako masaya, ako'y aalis na tulad sa yakap kong prinsipyo bilang aktibista na may dahilan palang mabuhay at makibaka anong sarap mabuhay nang may ipinaglalaban kaysa naman magpakalunod sa kasaganaan ang esenya ng buhay ay di pangsarili lamang magpakabundat habang iba'y nasasagasaan ipapakita ko pa ba kung ako'y nalulungkot o mukha'y maaliwalas kahit pulos sigalot aktibistang Spartan ay di basta babaluktot kundi matatag sa harap man ng mga balakyot maging masayang tao ka kaysa masayang ka, pre! binabalewala ka man o isinasantabi kahit mahirap lang ay patuloy na nagsisilbi sa dukha't manggagawa, ito'y buhay na may silbi - gregoriovbituinjr. 01.10.2023

Ang bata

Imahe
ANG BATA minsan, kasama ko'y munting bata na nasa aking puso't gunita na sa pagkakatayo'y napatda sa haging ng awtong nagwawala buti't naging listo sa pagtawid sa kalsada't ang mensaheng hatid ay pag-ingatan mo ang kapatid o anak upang di mangabulid sa gayong paglatag ng kadimlan malamlam ang tanglaw sa tawiran ako lang ang kanyang sinusundan habang kamay niya'y di ko tangan marahil ako ang batang iyon na sa putik nais makaahon baka isa pang batang may misyon upang sa dusa masa'y iahon dapat masagip ang batang munti upang di bagabagin ang budhi nais ko lang tuparin ang mithi na sa loob ko'y nananatili - gregoriovbituinjr. 01.10.2023

Sa barberya

Imahe
SA BARBERYA magpagupit ka, sabi ni misis pagkat siya'y di na makatiis sa aking baduy na porma't bihis di bagay sa katawang manipis baka may lihim na nang-uuyam subalit sinong nakakaalam ngunit iba yaring pakiramdam porma'y kaykisig sa gunam-gunam gayunman, magpapagupit ako lalo na't iyon ang kanyang gusto alam mo, lahat ay gagawin ko mapasaya lang siyang totoo sa umpisang buhok ko'y gupitin ang kwentong barbero na'y diringgin pelikula't pulitika man din kanilang komento'y iisipin kwentong barbero'y ano't kaysaya habang inaahit ang patilya para ka nang nakinig ng drama o ng balita, nakakagana - gregoriovbituinjr. 01.10.2023 * litratong kuha ng makatang gala sa Bagong Kalsada sa Laguna

Pagbabasa

Imahe
PAGBABASA paano ba natin tutugunin ang di matingkalang suliranin paano ba tayo gugutumin ng mga tanong na sapin-sapin kung saan-saan naghahagilap ng katugunang nais mahanap ah, magbasa't baka may kumislap na ideya sa isa mang iglap (di mo man sala ang sala nila palaging ikaw ang nakikita katusuhan nila'y gumagana huwag papayag maalipusta) tanong ay di laging nilulumot pagkat ito'y tiyak na may sagot na sa kawalan biglang susulpot na dapat ay agad mong masambot kaya pagbasa'y bigyang panahon baka may sagot na suson-suson kislap ng diwa kung malululon ay baka diyan na makaahon - gregoriovbituinjr. 01.10.2023

Pasakit

Imahe
PASAKIT di na madalumat ang pasakit naitatanong na lang ay bakit habang nadarama yaong lupit lumalabas sa bibig ay impit bakit ganyan ang nararanasan wala nang puwang ang kaalwanan tila may balaraw sa likuran kaya ano nang kahihinatnan payapa sila'y biglang nilusob at lupain nila'y kinubakob nagkamali ba sila ng kutob binira'y loob at niloloob may pag-asa pa bang makalaya sa pangil at kuko ng kuhila saloobin nila'y lumuluha ah, wala na nga bang magagawa - gregoriovbituinjr. 01.09.2023

Pakiusap

Imahe
PAKIUSAP nais kong tugunan ang bawat nilang pakiusap tutugon nang tunay nang hindi mukhang nagpapanggap baka raw sa kanila'y may maitulong nang ganap anong puno't dulo? baka sa diwa'y may kumisap nag-aakala ba silang ako'y may magagawa? o ako lang kasi ang nariyang animo'y handa? gayunman, gagawin ko basta makakayang sadya pagkat tibak akong di marunong magbalewala o baka dahil makata'y maraming naiisip na nalalagay sa katha ang mga nalilirip tingin nila'y baka may katugunang nasisilip sa pinapakiusap nila't isyung halukipkip paki naman, pre, baka kaya mong gawin, paki lang patulong naman, baka magawa mo ito, pinsan pre, tropa, kosa, utol, kasama, katoto, igan mga nakikiusap, kahit tulong ko'y munti man sabi nga, pagpapakatao'y di dapat maglaho at pakikipagkapwa ang pagtugon sa siphayo salamat sa tiwala, kung napipisil ng puso sa pagtugon sa pakiusap sana'y di mabigo - gregoriovbituinjr. 01.08.2023

Paggising sa umaga

Imahe
PAGGISING SA UMAGA babangon sa umagang kaylamig mahamog kaya nangangaligkig iinatin yaring mga bisig hihilamusan ang mukha't bibig bibiling pandesal sa tindahan at sa bahay titimplahin naman ang kapeng barakong malinamnam nang sikmura'y agad mainitan matapos magkape, maliligo maghahanda saan patutungo gagawin ang mga pinangako nang sa kalauna'y di manlumo patuloy pa ring nagsusumikap tungo sa mga pinapangarap - gregoriovbituinjr. 01.08.2023

Samakatuwid

Imahe
SAMAKATUWID "Therefore" is a word the poet must not know. (Ang "samakatuwid" ay isang salitang di dapat mabatid ng makata.) ~ André Gide makata'y di raw dapat batid ang salitang "samakatuwid" tutula mang sala-salabid ang salita'y di nauumid mga paksa'y mailarawan may talinghaga't kainaman di man agad maunawaan ay mula sa puso't isipan anong dahilan, bakit kaya nabigkas iyon ng makata nasabi ba niyang may tuwa o habang siya'y lumuluha samakatuwid nga ba'y ano kaparehas ng "dahil dito" "alipala", at "bunga nito" "alalaong baga", at "ergo" tula ba'y may pilosopiya o ekspresyon lang ng pandama sa tula'y magpatuloy kita sa ating mga sapantaha - gregoriovbituinjr. 01.07.2023 * Si André Gide, (Nobyembre 22, 1869 - Pebrero 19, 1951, Paris), manunulat na Pranses, at ginawaran ng Nobel Prize for Literature noong 1947 .

Hustisya?

Imahe
HUSTISYA? ulat na ganito'y karaniwan na lamang ngunit di dapat ito'y maging karaniwan dapat bang "hustisya'y para lang sa mayaman"? hindi, sapagkat ito'y di makatarungan! pag mayaman, nakakaligtas sa hustisya pag mahirap, sa piitan mabubulok na sa bansa, hustisya ba'y ganyan ang sistema? para kang bago ng bago, ganyan talaga?! ngunit di iyan dapat maging ordinaryo di dapat tanggapin ng karaniwang tao pag mayaman ang may kasalanan, abswelto pag mahirap, taon-taon sa kalaboso pag ang ganyang sistema'y atin nang tinanggap sa hustisya ba'y aasa pa ang mahirap? ang ganitong sistema'y sadyang mapagpanggap na sa mayayaman lang sadyang lumilingap kaya may dahilan tayong nakikibaka upang baguhin na ang bulok na sistema na lipunang patas ay itayo talaga na umiiral ang panlipunang hustisya! - gregoriovbituinjr. 01.07.2023

Kape

Imahe
KAPE maginaw na umaga'y salubunging kayganda at agad magtitimpla nitong kape sa tasa pagkakape na'y ritwal bago pa mag-almusal nang sa gawa'y tumagal at di babagal-bagal kailangang bumangon kikilos pang maghapon tarang magkape ngayon bago gawin ang layon - gregoriovbituinjr. 01.07.2023

Tuloy ang laban

Imahe
TULOY ANG LABAN wala mang malay yaring isipan ay dama anong dapat ilaban: itong angkin nating karapatan na taal sa bawat mamamayan maging sa larangan ng panitik ay hinihiyaw ang bawat hibik ng mamamayang di man umimik ay dapat ilabang walang tumpik salamat sa mga aktibista kabayanihan ang gawa nila mapawi ang pagsasamantala tungong lipunang para sa masa sa kabuluka'y di mapakali sa nagbubulag-bulaga't bingi sa pagsasamantalang kaytindi tuloy ang laban hangga't may api ito na ang prinsipyong niyakap upang wakasan ang paghihirap ng uri't bayang ang pinangarap na lipunang patas ay maganap - gregoriovbituinjr. 01.06.2023 * litratong kuha ng makatang gala sa MET, sa pagdiriwang ng unang National Poetry Day, at ika-128 kaarawan ng makatang Jose Corazon De Hesus, aka Huseng Batute, 11.22.2022

Sa Luneta

Imahe
SA LUNETA tarang mamasyal sa Luneta kahit na tayo'y walang pera ang wika nga sa isang kanta pambansang liwasan talaga halina sa isang upuan sa Rizal Park, dating tambayan upang kita'y magkumustahan kumain at magkakwentuhan lalo't paligid ay kayhangin habang may saliw na awitin kayraming namamasyal man din na Bagumbayan din sa atin tara, doon tayo'y mamasyal kung saan binitay si Rizal upang pagkahapo'y matanggal at damhin yaring pagmamahal - gregoriovbituinjr. 01.06.2023 * litratong kuha ng makatang gala sa Luneta, Araw ni Rizal, 12.30.2022