Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Hunyo, 2025

Sa huling araw ng Hunyo

Imahe
SA HULING ARAW NG HUNYO pulos sulat di maawat pulos tulâ ang mahabâ ang pasensya habang masa ninanasa ay hustisya iyan pa rin ang gagawin tatapusin ang labahin magsasampay magninilay kahit panay  luha't lumbay diwa'y tuon sa nilayon inspirasyon yaong misyon basahin mo ang akdâ ko kahit ako ay ganito pag nahagip ang nalirip naiisip ang nasagip tapusin na ang giyera mundo nawa'y pumayapa - gregoriovbituinjr. 06.30.2025

Keychain

Imahe
KEYCHAIN tila isa na niyang pamana ang keychain na may aming larawan ito'y isang remembrance talaga na aking dapat pakaingatan gagamitin ko na rin ang susi sino pa nga bang gagamit nito? mga Mulawin ba't mga Sangre? gayong sila'y nasa ibang mundo ang keychain ay naroon sa kitchen kung pakikinggan mo'y magkatugma keychain, nasa kitchen, walang chicken sa pagtutugma'y nakatutuwa buti't itong aking diwa'y gising sa panahong kaysarap magsulat mamaya'y tiyak nang mahihimbing upang bukas muli ay magmulat - gregoriovbituinjr. 06.30.2025

Bagong gupit, bagong pagharap sa buhay

Imahe
BAGONG GUPIT, BAGONG PAGHARAP SA BUHAY pagdating sa lungsod, plano kong magpagupit tanda iyon ng bagong pagharap sa buhay semikalbo ang sa barbero ay sinambit at ako nama'y ginupitan niyang tunay haharapin ang buhay nang wala si misis haharap sa buhay nang wala ang kabiyak hindi araw-gabing laging paghihinagpis dapat patuloy ang buhay sa tinatahak bagamat may lumbay sa kanyang pagkawala subalit minsan nga'y aking naitatanong ilang taon kaya bago muling sumigla? tulad ng puno bang taon din kung yumabong? magpapatuloy ang buhay, titindig ako haharapin anumang sigwa ang dumatal ayaw ni misis na napapabayaan ko ang sarili, salamat sa payo ni mahal - gregoriovbituinjr. 06.29.2025

Subic, sakop pa ba ng U.S.?

Imahe
SUBIC, SAKOP PA BA NG U.S.? natanggal higit tatlong dekada na ang base militar ng Amerika may panukala mga solon nila: Subic ay gawing imbakan ng bala Pilipinas ba'y kanila pang sakop? ang ating bansa ba'y bahag ang buntot? ay, tayo pa ba'y kanila pang sakop? balita itong nakabuburaot di ba't iyang base na'y pinatalsik kasama na pati ang Clark at Subic bantang digmaan ay kanilang hibik habang tayo rito'y nananahimik panukala nila'y ating tutulan halina't kumilos na, kababayan baka madamay pa ang mamamayan sa gerang di naman natin digmaan - gregoriovbituinjr. 06.29.2025 * ulat mula sa pahayagang Abante, Hunyo 29, 2025, pahina 3

Lias Bridge sa NLEX

Imahe
LIAS BRIDGE SA NLEX pangitain na naman ba ito galing kaming Lias, nakita ko nang bumiyahe na galing Baguio: ang  "Lias Bridge"  at ang  "Tapat sa'yo" oo, mahal, at nakita ko yaon kinunan ko ng litrato iyon nang nasa NLEX kami kahapon ano kayang kahulugan niyon nalibing na sa Lias si mahal katapatang siya'y pupuntahan ang sa puso't diwa nakakintal sa undas at kanyang kaarawan  di lilimutin yaong pangako sa mundo man, siya na'y naglaho - gregoriovbituinjr. 06.29.2025

Alapaap

Imahe
ALAPAAP kaybilis man nitong sasakyan di matinag ang alapaap sa kanyang kinatatayuan subalit nais kong magagap arukin ang kadahilanan ng paghele ng mga ulap parang kidlat ang kamatayan na kinuha sa isang iglap kanina'y kausap mo lamang ngayon ay nawala nang ganap sanaysay kong sinulat naman ay kulang na sa pangungusap - gregoriovbituinjr. 06.29.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1HdNCfNGAo/  

Pagkatha

Imahe
PAGKATHA ang pagkatha'y kawili-wili ngunit pagbabakasakali sapagkat madalas madugo ang pinagdaanang proseso dugo't pawis ang kumakatas animo'y ritwal ng pag-utas mainit ay nangangaligkig pinagpawisan sa malamig itim na tinta'y pumupula at sa kwaderno'y nagmamantsa kayraming dukhang humihibik na parang kandilang tumirik sinulat ang dama ng api  siniwalat ang namumuni - gregoriovbituinjr. 06.29.2025

Pagbabalik sa lungsod

Imahe
PAGBABALIK SA LUNGSOD  nakabalik na sa Maynila itong pagod kong puso't diwa mula sa nayon ng diwata kong minumutya, namayapa kapayapaan sana'y kamtin ng magulong daigdig natin ng rumagasang mga talim ng nadaramang suliranin suliranin sana'y malutas sa mga hidwa makaalpas kahit sa panahong taglagas kamtin ang sa sakit ay lunas magkalunas ang karamdamang sanhi'y pait pag nalasahan dapat suriin, pag-isipan nang makamit ang kasagutan  - gregoriovbituinjr. 06.29.2025  

Kayraming talbos sa likodbahay

Imahe
KAYRAMING TALBOS SA LIKODBAHAY dumaan muna ng bahay sa La Trinidad na pitong kilometro lang mula sa Baguio doon na muna nagpalipas ng magdamag pagkat sa biyahe'y kaytindi nga ng bagyo dumating kagabi, at dito na natulog at ngayong umaga'y maaga nang gumising sa likodbahay ay kaylalago ng talbos ng kamote, pang-almusal na uulamin mamaya kami maglalakbay pa-Maynila kasamang bibiyahe'y mga kamag-anak ni misis, at nagnilay matapos lumuha ng tahimik habang ako na'y nakagayak kayraming talbos sa likodbahay na iyon buti kaya'y mamitas at magdala niyon - gregoriovbituinjr. 06.28.2025

Balakin

Imahe
BALAKIN magpasa ng bukrebyu at sanaysay sa publikasyon tulad ng Liwayway  sa pagsusulat ay magpakahusay kwento, pabula, tula'y gawing tulay katha ng katha, kathang walang humpay ituloy ang gawaing pagsasalin  ituloy din ang yakap na tungkulin ituloy kung may proyektong nabinbin ituloy na bayaran ang bayarin ituloy ang pantibak na gawain naririto akong abang makata  upang kumatha ng nobela't tula Liwayway, Taliba ng Maralita mga isyu ng manggagawa't dukha kaharap man ay sangkaterbang sigwa - gregoriovbituinjr. 06.28.2025

Pagtula

Imahe
PAGTULA tula ang tugon ko sa depresyon kung di na makatula paglaon baka ako na'y dinaklot niyon at paano na makababangon tula ng tula, anumang paksa sa paligid, isyu man ng madla tula ng tula, tula ng tula ang gagawin ng abang makata depresyon nang mawala si misis luha ko'y bumabalong na batis durog na puso na'y nagtitiis sa pagkagupiling ba'y lalabis? buti't may pagtula akong sining diwa'y kumakatha kahit himbing isusulat na lang pag nagising ang liyab at kirot ng damdamin - gregoriovbituinjr. 06.28.2025

Paglisan sa Lias

Imahe
PAGLISAN SA LIAS lilisan muna pansamantala upang magtungo sa kalunsuran buhay na ito'y ganyan talaga may nauuna, may naiiwan  subalit ako'y magbabalik din upang dalawin ang kanyang puntod undas, bagong taon at bertdey din kahit ang sapatos ko na'y pudpod  bagamat di masabing paalam kundi hanggang pagkikitang muli maghihilom din ang pakiramdam sa loob ma'y naroon ang hapdi lilisan ngunit muling babalik ang sa kwaderno'y isasatitik  - gregoriovbituinjr. 06.27.2025

Pulutang isda

Imahe
PULUTANG ISDA tumagay kaming pulutan ay isda pritong galunggong o kaya'y tilapya madaling araw ito ang ginawa habang kwatro kantos ang tinutungga ulam: galunggong kaninang umaga kahit tanghali, ulam pa rin siya kahit hapon, iyon pa rin talaga pagdating ng gabi'y pinulutan na kaysimple lang ng buhay, may tanggero kaylumbay man ng nararamdaman ko mahalaga'y makisamang totoo sa kamag-anakan ni misis dito pakikisama'y sadyang importante sa panahon ngayong di mo masabi ngunit patuloy na tutula kami lalo na't pagtula sa kinakasi - gregoriovbituinjr. 06.27.2025

Pagtagay

Imahe
PAGTAGAY nakita ko silang tumagay bihira man akong bumarik habang nadarama ang lumbay nanilay ay sinasatitik kwarto kantos tinagay namin silang sa lamay nagsitulong kamag-anak ni misis man din na kasama pa hanggang ngayon di gaya doon sa Maynila pinapaikot ng tanggero dito'y tatagay ka lang sadya kung gusto, kanya-kanyang baso tanging masasabi'y salamat sa katagay, sa lahat-lahat - gregoriovbituinjr. 06.27.2027

Unang pagdalaw sa sinta

Imahe
UNANG PAGDALAW SA SINTA matapos ang pasiyam, saka nakapunta sa puntod ng tanging asawa't sinisinta at sinunod ko ang tradisyon ng pamilya dito sa Barlig para sa aking asawa hinaplos ko ang kanyang puntod at umusal ng pangungusap na tigib ng pagmamahal ng pagsasama sa mundong di man matagal sa problema, sa saya, maging sa ospital higit pitong taon mula ikasal kami nag-ibigang walang anumang pagsisisi kaming tinalaga ng tadhana, ang sabi kaming nag-ibigan pa rin hanggang sa huli salamat, Libay, sa kaytamis mong pag-ibig kahit sa puntod mo'y nais kong iparinig - gregoriovbituinjr. 06.26.2025 * dumalaw sa puntod ng ika-3:29 ng hapon at umalis doon nang pumatak na ang ulan

Ulap sa anyong wolfo

Imahe
ULAP SA ANYONG WOLFO tila ang ulap ay may anyong wolfo di lobo na aakalaing balloon napitikan lang ng kamera rito habang namamahinga bandang hapon ang taguyod ko'y wikang Filipino na isa ko nang niyakap na misyon tulad ng wolfo na pinapauso upang ibahin sa lobo na balloon animo'y wolfo ang aking nakita na anyo ng naroong alapaap na agad kong kinuhanan talaga upang sa sining ay itulang ganap tila wolfo'y nakatitig sa akin gabayan ba ako'y kanyang tungkulin? - gregoriovbituinjr. 06.26.2025

Apoy

Imahe
APOY nagluluto ba ng inapuy o niluluto ay sinangrag napatitig ako sa apoy nakatulala, di tuminag nakakatula ng nalirip na araw-gabing ginagawa anumang makita't maisip na isyu't paksa'y kumakatha karaniwan man ang usapin o pambihira man ang isyu agad na iyong ninilayin nang malikha'y tula o kwento sinangrag pala ang ininit na inagahan ko't ininom sa sarap ako'y napapikit nag-almusal na rin at gutom - gregoriovbituinjr. 06.26.2025 * mapapanood ang maikling bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/19F9gSyAxe/  

Siling pasiti

Imahe
SILING PASITI kayraming siling pasiti sa bundok  na mas maanghang sa siling labuyo kaylilinggit, ngunit tiyak uusok ka sa anghang pag nalasap mong buo sa toyo't kamatis, hinalo namin upang tilapya't talbos ay sumarap pasiti ay pampaganang kumain baka matupad ang mga pangarap pasiti ay tumutubo sa ilang pinanguha nang pumunta ng ilog bagamat sadyang kaytindi ng anghang sa inuulam ay iyong isahog kung kapoy ka, kumain ng pasiti at gaganahan ka sa ganyang sili - gregoriovbituinjr. 06.25.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1JJDVz8vCA/  

Likhang gripo sa bundok

Imahe
  LIKHANG GRIPO SA BUNDOK tinusok lang sa pagitan ng bato ang palapa ng saging, naging gripo may panghugas na pag nag-isis tayo ng mga pinggan, kawali, kaldero tubig ay mula roon sa palayan na pampalusog sa mga halaman kung iinumin ito'y pakuluan ingat at baka masira ang tiyan kung magbabanlaw matapos maligo sa ilog at matanggal yaong hapo suliranin animo'y maglalaho bagamat may problema pang naghalo O, Kalikasan, salamat na tunay sa lahat ng iyong mga binigay salamat sa pinalago mong palay upang bayan ay talagang mabuhay - gregoriovbituinjr. 06.25.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/18HGD36CUc/  

Pangunguha ng cherry tomato

Imahe
PANGUNGUHA NG CHERRY TOMATO sa landas na malapit sa ilog tanim ay mga cherry tomato aba'y kaysarap lalo na't hinog ang mumunting kamatis na ito kaysarap din nitong ipang-ulam kasama mga nahuling isda na iniluto at sinabawan at tiyak, mabubusog kang sadya habang iyo pa ring naririnig yaong tubig na lumalagaslas mga palay din ay nakatindig ilang linggo pa bago magapas sa mga bigay ng kalikasan  kami rito'y nagpapasalamat sa mga tanim ditong anuman sa tubig, ilog, ulan, salamat  - gregoriovbituinjr. 06.25.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1Ap8Cisznu/  

Lagaslas sa dalisdis

Imahe
LAGASLAS SA DALISDIS may munting talon sa inakyat na dalisdis sa kabundukang kanina'y aming nilandas katiwasayan sa puso'y walang kaparis payapang diwa'y akin namang nawatas bagamat narito pang nagdadalamhati lagaslas ay musikang kaysarap pakinggan ngunit kakayanin ko, puso man ay sawi at pagkatulala yaong nararamdaman nasa bundok pa't patuloy na nagninilay ay, kayrami pang utang na dapat bayaran nagmumuni-muni sa kabila ng lumbay ang bawat suliranin ay may kalutasan nakatitig sa kawalan, kaylayong tingin habang amihan ay tila may ibinubulong  habang dumadampi sa pisngi ko ang hangin kapanatagan ng loob ang isusulong - gregoriovbituinjr. 06.25.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/16kK6fc9Gs/  

Makatâ, makatao, makatayo

Imahe
MAKATÂ, MAKATAO, MAKATAYO  "Poets are the unacknowledged legislators of the world." ~ Percy Byshe Shelley "Poetry is an echo, asking a shadow to dance." ~ Carl Sandburg  "Poetry should also contain steel and poets should know how to attack." ~ Ho Chi Minh nag-iisang ispesyi ang tao na kaiba sa hayop at ibon na kaiba sa isda't dinasour na kaiba sa reptilya't mammal na kaiba sa tilas at kagaw na kaiba sa lamok at bangaw subalit bakit nagpapatayan inagaw ang lupang Palestinian nagdigma ang Israel at Iran cold war ng Russia at America digmaan ng Pakistan at India West Philippine Sea, nais ng China kaming makata'y ito ang samo: tayo'y dapat maging makatao huwag sakim, maging makatayo unahin kagalingan ng tao itigil ang gera doon, dito nag-iisang ispesyi lang tayo - gregoriovbituinjr. 06.25.2025 * ang pamagat ay mula sa isang aktibidad hinggil sa karapatang pantao * litrato mula sa google

Angep

Imahe
ANGEP may angep o fog sa kabundukan sa kalapit lang nitong tahanan kaya umaga'y kayginaw naman at nanginginig itong katawan tumatagos sa suot kong jacket ang nadaramang ginaw, subalit narito't binidyuhan ang angep upang maitula ang naisip ang kapaligiran pa'y mahamog ang musika'y tilaok ng manok mamaya'y muling tutungong ilog upang sa pagligo'y makilahok ay, angep, tila anghel sa ulap sa akin animo'y nangungusap: matutupad ang pinapangarap na unang nobela'y maging ganap - gregoriovbituinjr. 06.25.2025 * angep - fog sa Ilokano * bidyong kuha ng makatang gala na mapapanood sa kawing na:  https://fb.watch/AI2EVyG3ac/  

Tilaok ng manok

Imahe
TILAOK NG MANOK madaling araw na aba'y gumising ka mag-uumaga na pagtilaok nila ako na'y tumayo antok na'y naglaho anumang nahulo ay isulat na po tila paglalambing nang ako'y ginising mula sa paghimbing at pagkagupiling ako pa'y nahagok at napapalunok nang magsitilaok itong mga manok  dapat nang maghanda sa muling pagkatha ng tula't pabula gising na ang diwa - gregoriovbituinjr. 06.25.2025 * munting bidyong kuha ng makatang gala na mapapanood sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/14x9stKv5y/  

Gansal sa madaling araw

Imahe
GANSAL SA MADALING ARAW ikaw pa rin ang nasa isip tila ako'y nananaginip sa dibdib ika'y halukipkip  sinta kong walang kahulilip nagising ng madaling araw lalo't dama ko'y anong ginaw bumangon, binuksan ang ilaw habang nasa diwa ko'y ikaw bawat araw ko'y kakayanin iyon ang nais mong gagawin ko, katawan ko'y palakasin at unang nobela'y tapusin pag madaling araw babangon at isip na'y naglilimayon maraming kabanata roon ay pagtalakay sa kahapon  - gregoriovbituinjr. 06.25.2025 * GANSAL - katutubong tulang may siyam na pantig bawat taludtod

Imortal

Imahe
IMORTAL sa akin, ikaw na'y imortal ganyan kita ituring, mahal sa puso ko, ika'y espesyal na nilagay ko sa pedestal nasa dampi ka nitong hangin nasa ulap sa papawirin akin kitang titingalain bituin sa gabing madilim di mauubos ang salita kahit maupos ang kandila imortal ka sa puso't diwa at buhay ka sa aking tula ang buti mong taglay palagi ang kaysarap hagkan mong labi ang kaygandang mukha mo't ngiti sa puso ko'y mananatili - gregoriovbituinjr. 06.24.2025 * larawan mula sa google

Soneto sa pagkakape

Imahe
SONETO SA PAGKAKAPE kaylamig sa madaling araw kaya napabangon sa ginaw at ngayong umaga'y nagkape habang isip ay pinutakte ng samutsaring naninilay habang dama ang pagkalumbay may asukal kaya tumamis ang kape, ingat, diabetes ay baka naman manligalig dapat patuloy pang tumindig habang katawan pa'y malakas dapat katawan pa'y lumakas tara, tayo'y magkape muna lalo't maginaw ang umaga - gregoriovbituinjr. 06.24.2025    

Nakakapanibago ang lahat

Imahe
NAKAKAPANIBAGO ANG LAHAT nakakapanibago ang lahat ay, di na pangkaraniwang araw ang araw-araw na di ko sukat akalaing lalaging mapanglaw binubuhay na lang ang makatâ ng kanyang kasipagang tumulâ na samutsari ang pinapaksa para kay misis, para sa madla kaylambing niyang ngiti'y wala na di na marinig ang kanyang tawa kayakap matulog ay wala na nilalambing-lambing ko'y wala na buti't may Taliba pa ring dyaryo na daluyan nitong tula't kwento para sa dukha't uring obrero na asahan pong itutuloy ko sa uri't bayan pa'y maglilingkod sariling wika'y itataguyod ikampanyang itaas ang sahod kahit ang sapatos ko na'y pudpod - gregoriovbituinjr 06.23.2025

Pagkakape ng sinangrag

Imahe
PAGKAKAPE NG SINANGRAG kung tapuy ay rice wine, ang  sinangrag ay  rice coffee , bigas na sinangag hanggang masunog, pinakuluan sa tubig nang maging kape naman tatak sa tasa, may sinasabi naroon ay  "This is you. This is me." nagsinangrag umaga at gabi sa sarap nito'y di magsisisi isa lamang sa natutunan ko kaysarap, nalasahang totoo panlinis pa raw ng tiyan ito pampatatag ng katawa't buto noong araw, walang gatas kundi am mula sa bagong aning palay man nabuhay rito ang kabataan kaya malalakas ang katawan maganda ang epekto sa ating kalusugan, kaygandang inumin natutunang ito'y gagamitin upang ang iba'y makainom din - gregoriovbituinjr. 06.23.2025

Salaginto

Imahe
SALAGINTO niyayakap daw ako ni misis dahil sa salaginto sa damit na bihira nga raw na makita sabi sa akin ng kanyang kuya bagamat di ako maniwala sa pamahiin, tila tulala sa mga ikinwento sa akin na kung totoo'y aking dadamhin ito nga kaya'y pagpaparamdam? baka halik ng pamamaalam? may dalawang tulos ng kandila parang kami, ako'y napaluha dinalaw ng salaginto ngayon upang marahil, may ibubulong: ang pag-ibig ko'y lalaging buo damhin mo't iya'y di maglalaho - gregoriovbituinjr. 06.22.2025

Bakit dukha'y dapat mulatin at mag-alsa?

Imahe
BAKIT DUKHA'Y DAPAT MULATIN AT MAG-ALSA? "It is also in the interests of the tyrant to make his subjects poor... the people are so occupied with their daily tasks that they have no time for plotting." ~ Aristotle SURVIVAL VS RESISTANCE pinananatili nga bang mahirap ang mahirap? interes raw ito ng namumunong mapagpanggap pinauso ang ayuda, kunwari'y lumilingap upang iyang masa, mga tusong trapo'y matanggap siklo ng buhay ng dukha'y magtrabaho't kumain di nakikitang trapo'y sanhi ng pagkaalipin sa kalagayang ito, dapat dukha pa'y mulatin nang pampulitikang kapangyarihan ay agawin aba'y ayon kay Aristotle, wala raw panahon ang mahihirap upang maglunsad ng rebolusyon ilang siglo na palang napuna, mula pa noon subalit ito'y nangyayari pa rin hanggang ngayon dapat bang tigpasin ang ulo ng kapitalismo? obrero'y hahatian ba ng tubo ng negosyo? paano mumulatin ang nagdaralitang ito? paano magkaisa ang dukha't uring obrero? paano mababago ang...

Imbes "pero" ay "ngunit" o "subalit"

Imahe
IMBES "PERO" AY "NGUNIT" O "SUBALIT" nagsisimula si Kara David sa "Pero" sa pagsusulat daw ng iskrip bilang intro na salitang Kastilang iniiwasan ko pagkat may katumbas sa wikang Filipino madalas sa aking pagkatha'y ginagamit na imbes na "PERO" ay "NGUNIT" o "SUBALIT" ito'y BUT sa Ingles na palagi kong bitbit kaya "pero" ay iniiwasan kong pilit baka sasabihin nilang ako'y purista wikang Filipino'y tinangkilik talaga kaya magtataguyod nito'y sino pa ba? kundi ang gaya kong dukha't lingkod ng masa gamit sa maralita't uring manggagawà imbes na sa gahaman, burgesya't kuhilà halina't itaguyod ang sariling wikà at nang matangkilik ang katutubong diwà - gregoriovbituinjr. 06.22.2025 * bidyo mula sa pahina ni Kara David sa kawing na:  https://fb.watch/Ank48PGUH_/   * paksa'y Scriptwriting Tips: Episode 4 - The Power of 'Pero' in Writing Your Introduction

Sa pangungulila, ako'y naghihintay (salin)

Imahe
SA PANGUNGULILA, AKO'Y NAGHIHINTAY Nakita ko ang Igorot version ng awiting  "In Grief I'm Waiting"  sa isa pang songbook na walang pamagat kundi table of contents ang nasa harap na pahina. Binubuo iyon ng 192 pahina. Ang nasabing awit ay Bilang 652 na nasa pahina 190. Katabi niyon ang Igorot version ng Grace Before Meals at Grace After Meals. Dahil Ingles ang pamagat ay hinanap ko ang English version sa table of contents. Ang bersyong Ingles ay Bilang 269 na nasa pahina 79. Nilitratuhan ko ang bersyong Igorot at bersyong Ingles habang isinalin ko naman ang bersyong Ingles sa wikang Filipino, na tulang may labindalawang pantig bawat taludtod, bagamat walang caesura o hati sa gitna ng taludtod. Narito ang aking pagkakasalin: Sa pangungulila, ako'y naghihintay Habang nasa malayo ka, aking sinta Ang aking puso'y tigib ng pagmamahal Na napakamaluwalhati't matapat Iniluha ko ang mga pinangarap Na matagal pa rin kitang magsasama Hanggang sa pagbabalik mo, pag-ibi...

Dalawang tulos ng kandila

Imahe
DALAWANG TULOS NG KANDILA may dalawang tulos ng kandila sa tabi ng kanyang hinimlayan habang naritong sinasariwa ang aming mga pinagdaanan tila nakatindig lang ang apoy di makasayaw dito sa silid habang dama ko'y kapoy na kapoy at luha sa pisngi'y nangingilid tila kami ni misis ang tulos ng kandila, magkasama lagi, na balang araw ay mauupos ngunit pagsinta'y mananatili sing-init ng apoy ang pag-ibig di magmamaliw kahit maglaon na mananaig kahit malamig ay, kahit malamig ang panahon - gregoriovbituinjr. 06.21.2025

Yuyeng Bituin Ken Bulan

Imahe
YUYENG BITUIN KEN BULAN Sa isang aklat ng awit mula sa Kayan, Tadian, Mountain Province, ay natunghayan ko sa isang awiting Ilokano ang isang taludtod na animo'y paramdam sa akin. Ito'y nasa Awit blg. 239, pahina 99, sa ikalawang taludtod ng ikalawang saknong, na ang nakasulat: Yuyeng bituin ken bulan (Sa di maarok na bituin at buwan) - salin ko Inawit iyon ng mga matatanda habang nakaburol si misis, habang ako'y nakikinig nang mataman. Pamagat ng awit ay "Inggat Tungpal Tanem (Hanggang sa dulo ng libingan)". Isa lang iyon sa halos limampu o animnapung kantang kanilang inawit sa burol mula sa songbook na may 286 na awitin. Ang nabanggit na taludtod ay malapit sa akin. Pagkat Yuyeng ang palayaw ng aking ama noong kabataan niya sa Batangas. Gregorio o Yuyeng siya. Gregorio Bituin o Yuyeng Bituin, kaya pag nagbabakasyon ako sa nayon ni ama, ang tawag sa akin ng mga pinsan at kababata ay Junior Yuyeng, pagkat junior niya ako. Kaya nang makita ko ang "Yuyeng bitui...

Yaring puso wari'y hinihiwa

Imahe
YARING PUSO WARI'Y HINIHIWA yaring puso wari'y hinihiwa ng pinong-pino, ng dusa't luha sapagkat kay-aga mong nawala kaakuhan ko'y di nakahanda noong tayo'y nasa ospital pa umaasa pa tayong dalawa na gagaling ka pa't lalakas ka matagal pa tayong magsasama ay, di ko pa mapaniwalaang ngiti mo'y di na masisilayan kundi sa alaala't larawan na lang, sinta, sa litrato na lang animo nadaganan ang dibdib ng sangkaterbang bato sa liblib na ilog, ang sugat ma'y naglangib ay balantukang sa luha'y tigib - gregoriovbituinjr. 06.20.2025 Talasalitaan: * langib - kusang takip sa sugat na gumaling * balantukan - gumaling na sugat ngunit di pa naghilom ang loob kaya masakit pa rin

Nakauwi ka na, aking sinta

Imahe
NAKAUWI KA NA, AKING SINTA  nakauwi ka na, sinta, sa Barlig ikaw na punong-puno ng pag-ibig habang ako'y tigib pa ng ligalig pagkat wala na yaring iniibig kaytagal ng ating pinagsamahan kinasal pitong taon ang nagdaan magkasamang bumuo ng tahanan pinaksa ka sa aking panulaan ikaw ang musa ng aking panitik nasa lansangan mang araw ay tirik sa paggawa'y walang patumpik-tumpik katabi ka'y gagawaran ng halik sa bahay ninyo'y nakauwi ka na sa tahanan ng iyong ama't ina O, Libay, laging nasa puso kita sinta, hanggang sa muling pagkikita - gregoriovbituinjr. 06.19.2025

Nilay

Imahe
NILAY di lang ilang araw pagod di lang ilang araw puyat  kundi ilang araw tulala ay, baka di lang ilang araw baka ilang linggong tulala baka ilang buwang tulala subalit dapat magpalakas at makapag-isip ng tama dapat huwag magpagutom huwag laging matutulala dinggin ang bawat paalala ni misis, sarili'y ingatan ay, di ko sukat akalaing kay-aga niyang mawawala sa edad apatnapu't isa ay kay-aga niyang nawala dalawang beses naospital  nang tumama sa kanya'y blood clot kung saan namuo ang dugo ang una'y sa kanyang bituka na nilunasan ng blood thinner ikalawa'y doon sa utak pagitan ng vein at artery pagsasama nami'y napugto nang kanyang buhay ay naglaho ay, di ko sukat akalaing kay-aga niyang mawawala  sa edad na kwarenta'y uno buhay niya'y agad naglaho - gregoriovbituinjr. 06.18.2025

Payo sa tulad kong Libra

Imahe
PAYO SA TULAD KONG LIBRA tinapik ako ng malamig na hangin tulad ng pagtapik ni misis sa akin habang may musika sa silid ng lumbay may naggigitara habang naglalamay di ako naniniwala sa horoscope subalit payo nito ay tila angkop gamot daw sa lungkot ang ihip ng hangin tulad ng tumapik na hangin sa akin nakahiligan kong bumili ng dyaryo nagsasagot ng palaisipan dito sa Bulgar, may horoscope itong katabi na minsan, mababasa ko ang sinabi oo, isa akong Libra, Oktubre Dos kaya horoscope ko'y binasa kong lubos salamat po sa payo nitong kaysidhi sa panahon ngayong nagdadalamhati - gregoriovbituinjr. 06.19.2025 * mula sa horoscope sa pahayagang Bulgar, June 17, 2025, p.9

Mga paalala ni misis

Imahe
MGA PAALALA NI MISIS bago mawala si misis ay kayrami niyang paalala: "Huwag kang magpupuyat" "Kumain ng tama sa oras" "Laging inumin ang vitamins" "Huwag magpatuyo ng pawis" "Huwag laging nasa initan" "Huwag magpagabi" "Alagaan ang sarili" "Laging mag-iingat" bilin niya'y mapagmahal na nais kong sundin naman at lagi kong tatandaan maraming salamat, mahal sa munti mong paalala lagi mo ring tatandaan lagi ka sa puso't diwa at mahal na mahal kita - gregoriovbituinjr. 06.17.2025

Gawaing pagsasalin

Imahe
GAWAING PAGSASALIN nang maiburol si ama  noong nakaraang taon may gawaing pagsasalin ako noong tinatapos nang ibinurol si misis na namatay din sa sakit may gawaing pagsasalin ako ngayong tinatapos nitong Marso'y inilunsad ang aklat kong isinalin ilang taong nakaraan ay tatlong aklat pambata magmula sa wikang Ingles ay isasa-Filipino maging tapat sa pagsalin at maunawaan ito pagsasalin ay trabaho kong pinagkakakitaan trabaho'y tuloy, panahon man ng pagdadalamhati may deadline, nais tapusin kahit nasa burol man din isang gawaing niyakap ng buong puso't layunin - gregoriovbituinjr. 06.17.2025

Kay Libay, mula sa Kamalaysayan

Imahe
KAY LIBAY, MULA SA KAMALAYSAYAN naging bahagi rin si Libay ng  Kamalaysayan o  Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan bilang treasurer habang ako'y sekretaryo naman noon pa, bago pa kami ikasal nang tuluyan ang namayapang ama'y historyador kaya siya ay nag-training sa  NCCA  para sa historya o kasaysayan ng sariling pamayanan nila sa Mountain Province, isulat ang kanilang kultura habang sa akin ay Katipunan at Bonifacio ang mga sulating makasaysayan ng Supremo mga akda ni Gat Andres at Emilio Jacinto pati Kartilya ng Katipunan ay sinaulo pinapangarap naming ang bayan ay may liberty mula sa mga pagsasamantala't pang-aapi ngunit wala na, wala na ang aming si Liberty alay ay dasal  "From Your Kamalaysayan Family" - gregoriovbituinjr. 06.16.2025 * ang litrato ay kuha mula sa ibinigay ni kasamang Dado Sta. Ana kay Greg sa panahon ng pagdadalamhati * NCCA - National Commission on Culture and the Arts

Unang madaling araw ng lamay

Imahe
UNANG MADALING ARAW NG LAMAY ay, kagabi nga'y madali akong nahimbing sa upuan, madali rin akong nagising ng madaling araw, ang iba'y tulog na rin nagutom kaya bumangon ako't kumain nais kong pumikit ay di na makatulog nahiga lang sa bangkô, buti't di nahulog kundi'y lagapak ka't ang ulo'y mauuntog sa sahig, habang nangangarap ng kaytayog kayraming nagmamahal kay Libay, dumalaw kagabi, kaya tulog ko'y sadyang kaybabaw nalimutan ko pa ang jacket ko't kayginaw ay, ang higaan ng mahal ko'y tinatanaw ako'y naluluha, bakit nangyari ito? kanina'y buhay, ngayon, wala nang totoo - gregoriovbituinjr. 06.16.2025

Unang gabi ng lamay

Imahe
  UNANG GABI NG LAMAY hapon nang tumawag sa akin ang punerarya ready for viewing na raw, pwede na raw pumunta nakahiga na si misis sa kanyang himlayan habang ako'y nangangatal sa aking nagisnan di ako makapaniwala sa nangyayari loob ko'y lumuluha, di ako mapakali tulala pa rin, nagdatingan man ang marami sa labi ko'y walang lumabas, walang masabi nagdatingan ang mga Climate Walker sa lamay at pinadama ang kanilang pakikiramay noon nga si misis ay kanilang nasilayan nang maglakad kaming Maynila hanggang Tacloban ika nga namin, kami nga'y magkakaPAAtid adbokasya'y paglalakad, isyu'y hinahatid sa napupuntahan ay ipinauunawa tulad na lang ng isyung climate justice sa madla pasasalamat ko'y sa tula na lang dinaan nanginginig pa rin at nagugulumihanan nakakatula man, ako'y natulala pa rin wala na si misis ay di sukat akalain - gregoriovbituinjr. 06.15.2025

Pameryenda

Imahe
PAMERYENDA di ko pa nakikita ang burol kaya ako'y di makahagulgol sa bahay, kay-aga kong nagising puyat pa, idlip lang, di mahimbing anong meryenda sa mga dadalaw yaong mga nagmamahal kay Libay at agad nagtungo na sa grocery biscuits at cornick ang aking binili una, zesto ang naisip kong bilhin, plastik oo nga pala, ayaw ni misis ng plastik ayaw rin niya ng coke, sprite o softdrinks ang binili ko'y tubig na nasa plastik, ngeekkk wala pang water dispenser, aayusin pa subalit ang mahalaga'y may pameryenda sa mga dadalaw at sisilip sa kanya munting pameryenda'y pagpasensyahan muna - gregoriovbituinjr. 06.15.2025

Dad, Happy Father's Day po in Heaven

Imahe
DAD, HAPPY FATHER'S DAY PO IN HEAVEN Dad, Happy Father's Day po in Heaven Thanks po sa ginawa n'yo sa amin noong kayo pa po'y nabubuhay upang kami'y lumaking matibay aming edukasyon ay tiniyak at pinalaki kaming marangal natuto sa mga pangaral mo na tindigan ang aming prinsipyo sa gulang mong walumpu't dalawa nang sa ospital ay pumanaw ka mahigit isang taon na ngayon nang sa piling, mawala ka noon maraming maraming salamat, Dad at kami'y pinalaking matatag ngayon, ginugunita ka namin Dad, Happy Father's Day po in Heaven - gregoriovbituinjr. 06.15.2025 * litrato mula sa google