Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Oktubre, 2025

Kumilos ka

Imahe
KUMILOS KA umiyak ka magalit ka at kung di ka kumikilos eh, ano ka? dinastiya at burgesya trapong imbi namburiki ng salapi mula kaban nitong bayan silang mga manlilinlang at kawatan kaya pulos sila korap humahangos pag panggastos at panustos ang usapin nais nilang  bayan natin ay korapin at linlangin makibaka kumilos ka baguhin na iyang bulok na sistema - gregoriovbituinjr. 10.16.2025 * litrato kuha sa Mendiola, Maynila, Oktubre 2, 2025

Wakasan ang oligarkiya!

Imahe
WAKASAN NA ANG OLIGARKIYA! pusò ng oligarkiya'y talagang halang pati kakainin ng dukha'y sinasagpang sa buwis nga ng bayan sila'y nakaabang ugali nila'y mapanlinlang, mapanlamang katulad din nila ang mga dinastiya na ginawa nang negosyo ang pulitika iisang apelyido, iisang pamilya sila lang daw ang magaling sa bayan nila tingni, kung ikaw sa bansa nakasubaybay oligarkiya't dinastiya'y mga anay silang ang  bayan natin ay niluray-luray kaban ng bayan ang ninakaw at nilustay huwag na tayong maging pipi, bingi't bulag sa kanilang yamang di maipaliwanag wakasan na ang kanilang pamamayagpag sa pagkaganid nila'y dapat nang pumalag - gregoriovbituinjr. 10.16.2025 * litrato kuha sa Luneta, Maynila, Setyembre 21, 2025

Basura, linisin!

Imahe
BASURA, LINISIN! "Basura, linisin! Mga korap, tanggalin!" panawagan nila'y panawagan din natin dahil  BASURA plus KORAPSYON equals BAHA mga korap ay ibasura nating sadya kayraming kalat, upos, damo, papel, plastik! walisin na lahat ng mapapel at plastik! oligarkiya't dinastiya, ibasura! senador at kongresistang korap, isama! may korapsyon dahil may Kongresista Bundat kaban ng bayan ang kanilang kinakawat at may korapsyon dahil may Senador Kotong na buwis ng mamamayan ang dinarambong tarang maglinis! baligtarin ang tatsulok! sama-samang walisin ang sistemang bulok! O, sambayanan, wakasan na ang korapsyon! kailan pa natin gagawin kundi ngayon! - gregoriovbituinjr. 10.15.2025 * litrato kuha sa Luneta, Setyembre 21, 2025

May madaling araw na ganito

Imahe
MAY MADALING ARAW NA GANITO I ako'y biglang naalimpungatan nang may kumaluskos sa pintuan ang balahibo ko'y nagtayuan di mawari ng puso't isipan II tila ba may kung sinong yumugyog nang selpon ko'y sa sahig nahulog at di na ako napagkatulog hanggang maamoy ang mga hamog III ala-una ng madaling araw at dama ko ang kaytinding ginaw pagbangon, tila may nakatanaw matapang kong binuksan ang ilaw sino bang nagmamatyag sa akin tiningnan saan mata'y nanggaling paglingon ko'y may isang imahen litrato ng sinta'y nakatingin IV natulog nang mag-aalas-dos na matapos sa kompyuter magtipa ganyan ang gawain ko tuwina madaling araw na ay gising pa at nag-alarm clock ng alas-sais pagkat maliligo't magbibihis kakain ng kaunti't aalis kulang sa tulog, trabaho'y labis - gregoriovbituinjr. 10.15.2025

Maging magsasaka sa lungsod

Imahe
MAGING MAGSASAKA SA LUNGSOD halina't tayo'y magtanim-tanim upang bukas ay may aanihin tayo man ay nasa kalunsuran mabuti nang may napaghandaan baka di makalabas at bahâ lepto ay iniiwasang sadyâ noong pandemya'y di makaalis buti't may tanim kahit kamatis ipraktis na ang urban gardening nang balang araw, may pipitasin alugbati, talbos ng kamote okra, papaya, kangkong, sayote magtanim sa maliit mang pasô, sa lata, gulong na di na buô diligan lang natin araw-araw at baka may bunga nang lilitaw - gregoriovbituinjr. 10.14.2025 * litrato kuha sa Villa Immaculada, Intramuros, Maynila, Oktubre 4, 2025

Tanggalin na ang pork ng mga baboy

Imahe
TANGGALIN NA ANG PORK NG MGA BABOY tanggalin na ang pork ng mga baboy silang dinala tayo sa kumunoy ng kahirapa't pagiging kaluoy tanggalin na ang pork ng mga baboy tanggalin na ang pork ng mga trapo lalo't masa'y kanilang niloloko lalo't masa nama'y nagpapaloko sa mga mayayamang pulitiko tanggalin na ang pork ng mga iyon lalo't dulot nito'y pawang korapsyon sa flood control nina Senador Kotong at Kongresista Bundat sa paglamon tanggalin na ang pork ng mga korap na mga pulitikong mapagpanggap lalo't baha'y ating kinakaharap na sa bayan ay talagang pahirap - gregoriovbituinjr. 10.14.2025 * litrato mula sa kawing na:  https://www.facebook.com/photo/?fbid=1243836657790369&set=a.654145666759474  

Proyektong 'ghost' flood control

Imahe
PROYEKTONG 'GHOST' FLOOD CONTROL pulos buhangin, konting semento? sa flood control, o wala nga nito? bakit baha pa rin sa bayan ko? bakit 'ghost' ang kanilang proyekto? di pala climate change ang dahilan sa flood control kundi kurakutan  dapat mapanagot ang sinumang bitukang halang na nagpayaman konggresista't senador na suspek na sa pera ng bayan ay adik dapat sa piitan na isiksik at huwag tayong patumpik-tumpik nakaiiyak, nakalulungkot ang nangyayari't kayraming salot na lingkod bayang dapat managot ikulong na lahat ng kurakot baguhin na ang sistemang bulok  pagkat kabuluka'y di pagsubok kundi gawain ng mga hayok na sa salapi'y pawang dayukdok - gregoriovbituinjr. 10.14.2025 * litrato kuha sa Luneta sa Maynila, Setyembre 21, 2025

Pagninilay

Imahe
PAGNINILAY i di nagkakasakit ang bakal kahit kalawang pa'y kainin isa itong magandang aral mula ating salawikain ii isa lang akong maralita na nakikipagkapwa-tao kasangga rin ng manggagawa na sadyang nagpapakatao iii bulsa ng korap na bumukol ay dahil sa sistemang bulok sa korapsyon talaga'y tutol panagutin ang mga hayok iv ang oligarkiya'y kalawang ang dinastiya'y kalawang din na sinisira'y ating bayan sagpang pati ating kakánin - gregoriovbituinjr. 10.14.2025

Sa sinta

Imahe
SA SINTA oo, matatag ako pagdating sa rali subalit ako'y tumatangis gabi-gabi tula't rali lang ang bumubuhay sa akin minsan, nais kong kumain, di makakain subalit ganito lang ako, aking sinta habang patuloy na nagsisilbi sa masa hamo, balang araw, magkikita rin tayo pag umabot sa edad na pitumpu't pito o marahil walumpu't walo o di kayâ sandaang taon, kahit abutin ng sigwâ nais ko pa kasing may nobelang matapos tungkol sa mundo ng maralita't hikahos kung paano gibain ang sistemang bulok upang uring obrero'y ilagay sa tuktok nagkakilala naman tayong ako'y tibak na pinagtatanggol ang mga hinahamak siyang tunay, lalagi ka sa aking pusò ako'y ganoon pa rin naman, walang luhò sa katawan, naaalala kitang lagi iniibig ka pa rin ng puso kong sawi - gregoriovbituinjr. 10.13.2025

Ang Paghahanap kay Tapat

Imahe
ANG PAGHAHANAP KAY TAPAT di ko nabili ang nasabing aklat dahil bulsa ko'y butas at makunat napapanahon pa naman ang aklat pamagat:  Ang Paghahanap Kay Tapat magkakilala kami ng may-akdâ lumipas na'y tatlong dekada yatà ngayon, may matagumpay siyang kathâ si  Bert Banico , kaygaling na sadyâ si Tapat ba'y mahahanap pa? saan? sa gobyernong pulos katiwalian? sa DPWH? sentro iyan ng mga kickback sa pondo ng bayan sa Senado bang sanay sa insertion? sa Kongreso bang tadtad ng korapsyon? sa kontraktor bang malaki ang patong? sa kapulisang praktis na'y mangotong? sa mga paring kunwa'y lumilingap? sa pulitikong tuso't mapagpanggap? sa mga kabataang nangangarap? o sa isang mayang sisiyap-siyap? mukhang siya'y wala sa Pilipinas sa lupa nina Maganda't Malakas wala noong panahon pa ni Hudas si Tapat ba'y nasa Landas ng Wakas? - gregoriovbituinjr. 10.13.2025 * litrato mula sa google

Paalala sakaling magkalindol

Imahe
PAALALA SAKALING MAGKALINDOL naglindol, kayâ payò ng mga kasama ay huwag manatili sa mga gusaling gawa ng DPWH at kontraktor at baka mabagsakan ng kanilang gawâ dahil sa mga ghost project ng flood control dahil patuloy pa ring bahâ sa Bulacan dahil sa korapsyon sa DPWH wala nang tiwalà ang bayan sa kanila baka nga pulos substandard na materyales ang ginamit dahil kinurakot ang pondo ng bayan, ibinulsa ng mga buwaya kaya materyales talaga'y mahuhunâ katiwalian nila'y parang tubig bahâ hahanap at hahanap ng mapupuntahan habang ang masa naman ay nakatungangà walang ginagawâ, hay, walang ginagawâ Oktubre na, wala pang nakulong na corrupt! nganga pa rin ba pag dumating ang  The Big One ? ikulong na ang mga kurakot! ikulong! kung maaari lang, bitayin sila ngayon! - gregoriovbituinjr. 10.13.2025 * litrato mula sa kinasapiang messenger group

Pagsisikap

Imahe
PAGSISIKAP narito pa rin akong / lihim na nagsisikap upang tupdin ang aking / mga pinapangarap nagbabakasakaling / may ginhawang malasap kahit laksang problema / itong kinakaharap kayâ patuloy akong / kumakathâ ng kwento, tulâ, dulâ, sanaysay / bilang paghahandâ ko upang unang nobela / ay makathang totoo at maipalathala't / maging ganap na libro mabuti't may Talibâ / ng Maralitâ pa rin upang maikling kwento / ay malathala man din dalawang pahinâ lang / kung papel ay tiklupin Taliba'y publikasyon / nang dukha'y may basahin salamat sa nagla-like / ng aking mga kathâ sanaysay, dulâ, kwento, / lalo na't mga tulâ  pagkat tula'y tulay ko / sa sambayana't dukhâ  sa kanila nanggaling / ang sa kwento ko'y diwà - gregoriovbituinjr. 10.12.2025

Lutang sa hangin

Imahe
LUTANG SA HANGIN "Pagsubok ba ng Diyos ang katiwalian?" aba'y nainis ako't siya'y nasigawan: "Gawain iyon ng sa gobyerno'y kawatan na ninakawan nila'y tayong taumbayan!" nakahiligan niya'y pawang pamahiin na gawa ng demonyo ang lahat ng krimen di lapat sa lupa, diwa'y lutang sa hangin "Pag-aralan mo ang lipunan!" aking bilin dating adik siyang nais magbagong buhay ngunit lutang din sa hangin ang gumagabay dapat kongkretong suri sa kongkretong lagay ng bayan, aralin ang mga isyu't ugnay ipagpaumanhin kung nainis sa kanya bagamat ayos lang naman ang tanong niya dapat ko lamang pagpaliwanagan siya ng lapat sa lupang kasagutan talaga - gregoriovbituinjr. 10.12.2025

Kaming mga tibak na Spartan

Imahe
KAMING MGA TIBAK NA SPARTAN kaming mga tibak na Spartan malulugmok lang sa kamatayan at di sa anumang karamdaman na prinsipyo naming tangan-tangan kaya katawa'y pinatatatag ang puso't diwa'y di nangangarag ginagamot ang sariling sugat lunas ay agad inilalapat kumakain ng sariwang gulay nang laman, diwa't puso'y tumibay sariwang buko ang tinatagay habang patuloy sa pagsasanay nabubuhay na kaming ganito at ganito kami hanggang dulo tuloy sa paglilingkod sa tao lalo sa dukha't uring obrero - gregoriovbituinjr. 10.12.2025

ALTANGHAP (ALmusal, TANGhalian, HAPunan)

Imahe
ALTANGHAP (ALmusal, TANGhalian, HAPunan) pritong isda, talbos ng kamote okra, bawang, sibuyas, kamatis pagkain ng maralita'y simple upang iwing bituka'y luminis sa katawan nati'y pampalusog nang makaiwas sa karamdaman puso't diwa man ay niyuyugyog ng problema ay makakayanan iwas-karne na'y patakaran ko hangga't kaya, pagkain ng prutas ay isa pang kaygandang totoo pagkat iinumin mo ang katas aba'y oo, simpleng pamumuhay at puspusan sa pakikibaka dapat tayo'y may lakas na taglay lalo na't nagsisilbi sa masa - gregoriovbituinjr. 10.12.2025

Maging bayani ka sa panahong ito

Imahe
  MAGING BAYANI KA SA PANAHONG ITO maging bayani ka / sa panahong ito laban sa korapsyon / ng mga dorobo bahâ sa probinsya't / lungsod nating ito pagkat ibinulsa / mismo nila'y pondo ng bayan, trapo ngâ / ang mga kawatan na 'naglilingkod' daw / sa pamahalaan aba'y senador pa't / konggresista iyan at mga kontraktor / ang kasabwat naman masa'y niloloko / nitong mga hayok sa salapi, masa'y / di dapat malugmok subalit di sapat / ang sanlibong suntok sa mga nilamon / ng sistemang bulok tuligsain natin / lahat ng kurakot at singilin natin / ang dapat managot ipakulong natin / ang lahat ng sangkot at tiyaking sila'y / di makalulusot sa panahong ito / ay maging bayani unahin ang bayan, / at di ang sarili singilin ang trapong / kunwari'y nagsilbi panagutin natin / silang tuso't imbi - gregoriovbituinjr. 10.12.2025 * litrato kuha sa Foro de Intramuros, Oktubre 11, 2025, sa aktibidad ng grupong Dakila

Ang taong pinili mo, kaysakit pag nawala sa iyo

Imahe
ANG TAONG PINILI MO, KAYSAKIT PAG NAWALA SA IYO (Sa ikaapat na DEATH Monthsary ni misis) ang taong pinili mo, kaysakit pag nawala sa iyo pinili ko ang aking asawa, pinili niya ako sumumpâ sa mayor, sa tribu, sa altar, sa kasaysayan na magsasama sa ginhawa, hirap, saya't kalungkutan kumpara sa magulang at kapatid, mas ramdam ang sakit pag nawala ang minamahal mo't sinamahan sa gipit kaysa mga taong kinagisnan ngunit di mo pinili na minahal mo rin ngunit marahil di gayon kahapdi ipagpaumanhin, iyan ay sarili ko lang pananaw nami-miss ko siya't di mapagkatulog sa gabi't araw tunay ngang ibang-iba ang kapangyarihan ng pag-ibig napapanaginipan ko pa ang maganda niyang tinig sa rali nga'y mandirigmang Spartan akong nakatayô na sa pag-iisa, lumuluha ako't nakatalungkô - gregoriovbituinjr. 10.11.2025

Dalamhati, pighati, lunggati, luwalhati

Imahe
DALAMHATI, PIGHATI, LUNGGATI, LUWALHATI (Sa ikaapat na DEATH Monthsary ni misis) anong lungkot ng buhay nang mawala ka na, sinta kahit na tanghaling tapat, mapanglaw ang kalsada mga rali ang bumubuhay sa akin tuwina bilang aktibistang Spartan pa'y nakikibaka ay, nadarama ko ngayon ay biglaang pagbagsak di ng aking katawan, kundi ng puso ko't utak mabuti nga't di pa ako gumagapang sa lusak pagkat may rali't tula pang sa puso'y nakatatak patuloy pa rin ang dama kong pagdadamhati nilalakasan man ang loob ay pulos pighati ang makita ka't makasamang muli ang lunggati baka pag nangyari iyon, dama na'y luwalhati - gregoriovbituinjr. 10.11.2025

Kaylayo man ng kanyang libingan

Imahe
KAYLAYO MAN NG KANYANG LIBINGAN (Sa ikaapat na DEATH Monthsary ni misis) kung sa Maynila lang nakalagak si misis, tiyak na araw-araw ko siyang dadalhan ng bulaklak ngunit hindi, ako'y namamanglaw kaylayo ng kanyang sementeryo na sa pamasahe'y talo pa ngâ lalo't tungkulin ko'y nasa sentro de grabidad dini sa Maynila libingan ay nasa lalawigan habang ako'y narito sa lungsod at kumikilos para sa bayan sa isyu't laban nagpatianod madadalaw sambeses, santaon at doon na rin ako kakathâ nitong mga taludtod at saknong na handog ng makatâ sa mutyâ kaylayo man ng kanyang libingan ngunit sa puso ko'y buhay siya naririto sa kaibuturan ang diwata't tanging sinisinta - gregoriovbituinjr. 10.11.2025

Mga gurô ang nasa headline ngayon

Imahe
MGA GURÔ ANG NASA HEADLINE NGAYON pawang mga gurô ang headline ngayong araw sa dalawang diyaryo, gurong dapat tanglaw magkaibang balitang karima-rimarim mga suspek ay gurô, biktima'y gurô rin sa una, dalawang guro'y nangmolestiya ng mga estudyante, dalawa'y buntis na sa ikalawa, guro't syota ay nagtalo dahil daw sa nakawalang alagang aso bunga nito'y pinaslang ng tibô ang gurô yaong balat at tinalupan ay naghalò pawang mga balitang di mo maiisip dahil pag guro'y respeto agad ang lirip  hustisya sa mga biktima nawa'y kamtin at mga suspek ay madakip at litisin - gregoriovbituinjr. 10.10.2025 * mga ulat mula sa pahayagang Abante Tonite at Pang-Masa, Oktubre 10, 2025, p.1 at 2

Gulay sa hapunan

Imahe
GULAY SA HAPUNAN iwas-karne at mag-bedyetaryan pulos gulay muna sa hapunan ganyan ang buhay ng badyetaryan batay sa badyet ang inuulam sa katawan natin pampalakas ang mga gulay, wala mang gatas may okra, kamatis at sibuyas pulos gulay na'y aking nawatas iyan ang madalas kong manilay upang kalamnan nati'y tumibay payo rin ito ng aking nanay kaya kalooban ko'y palagay sa hapunan, ako'y saluhan n'yo at tiyak, gaganahan din kayo - gregoriovbituinjr. 10.10.2025

Paglahok sa Black Friday Protest

Imahe
PAGLAHOK SA BLACK FRIDAY PROTEST isa lamang ako sa mamamayang galit ekspresyon ang  Black Friday Protest  sa paggiit ng hustisya para sa dukha't maliliit na tinig ay kayhabang panahong winaglit panahon nang maparusahan at ikulong ang mga lingkod bayan daw ngunit ulupong mga kongresista't senador na nangotong pati kontratistang ginawa tayong gunggong kahit ako'y nag-iisa, tiyak lalahok sa takbo ng kasaysayan nang mailugmok ang sistemang bulok at pulitikong bugok nang uring manggagawa'y ilagay sa tuktok simpleng tibak man ako at abang makata pag nabago ang sistema'y saka huhupa ang galit nitong bayan sa trapong kuhila ngayon, tabak ni Andres muna'y hinahasa - gregoriovbituinjr. 10.10.2025

Tatlong herbal na inumin

Imahe
TATLONG HERBAL NA INUMIN di naman iinumin nang sabay magkasunod o isang tunggaan may pagitan itong isang oras mainit na tubig lang ang sabay sayang kung tubig ay iinitin kada oras sa takure namin kaya tatlong baso'y pagsabayin ngunit di lang sabay iinumin isang baso'y salabat o luya dahon ng guyabano ang isa isa nama'y sambasong bawang pa inuming pampalakas talaga iyan na ang aking iniinom gabi, umaga, tanghali, hapon hay, kayrami pang trabaho't misyon dapat katawa'y malakas ngayon - gregoriovbituinjr. 10.10.2025    

Baha sa tapat ng bahay

Imahe
BAHA SA TAPAT NG BAHAY kaylalaki ng patak ng ulan dito pa rin ba'y ghost ang flood control? tingni, nagbaha na sa lansangan flood control ba'y paano ginugol? batid na ng bayan ang korapsyon na likha ng mga lingkodbayan talagang loko ng mga iyon ibinulsa ang pera ng bayan ay, wala ba silang mga budhi kung meron man, budhi'y sakdal itim dapat nang lunurin sa pusali silang budhi'y kakulay ng uling sa lumalaban, ako'y saludo upang mabago na ang sistema itayo'y lipunang makatao mga kurakot, parusahan na! - gregoriovbituinjr. 10.10.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/2353627365076958

Dahil sa misyong dakila

Imahe
DAHIL SA MISYONG DAKILA parang araw-araw na lang, lagi akong tulala subalit dapat ipakita kong ako'y masigla kahit hindi, sapagkat ako'y isang mandirigma at nalulutas iyon, dahil may misyong dakila iyon ang bumubuhay sa akin sa araw-gabi nakapagpapasigla pa ang pagdalo sa rali kaya sa anumang laban, di ako nagsisisi na kabilang ako sa mga sa bayan nagsilbi tulad ko'y ang mandirigmang Ispartang si Eurytus na hanggang sa huling sandali'y nakibakang lubos di gaya ng Ispartang duwag, si Aristodemus kinahiya ng kanyang lipi, di nakipagtuos kumikilos pa ako't patuloy na lumalaban upang tuluyang mapawi ang mga kabulukan ng sistema't itatag ang makataong lipunan iyan ang dakila kong misyon hanggang sa libingan - gregoriovbituinjr. 10.09.2025

BOTO, BOGO, BOFO

Imahe
BOTO, BOGO, BOFO Buy One, Take One: BOTO Buy One, Get One: BOGO Buy One, Free One: BOFO iba'y ibang daglat sa bibilhing sukat iyan nga ba'y sapat na pawang pakulô nang tinda'y lumagô nang sila'y tumubò pag binili'y isa may libre pang isa may kita na sila ang  BOTO  ng masa sana'y di ibenta sa tusong burgesya BOTO  mo'y butatâ pag nanalo na ngâ ay trapong kuhilà  - gregoriovbituinjr. 10.09.2025 * litrato mulâ kung saan-saan

Ako'y bato

Imahe
AKO'Y BATO ako'y bato, apo ni Batute na pagtula'y tungkulin at mithi pinaliliwanag anong sanhi bakit sistema'y nakamumuhi bagamat bato ay batong buhay idinaraan na lang sa nilay ang kinakatha kong tula'y tulay sa sinapupunan hanggang hukay ako'y bato ay di naman kalbo kahit minsan ay nagdedeliryo pag si misis pinuntahan ako anong sarap ng pakiramdam ko pananim niya'y dinidiligan ng mga luha ko't kalungkutan na balang araw, lalago naman upang bunga'y mapakinabangan - gregoriovbituinjr. 10.09.2025    

Sa tambayan

Imahe
SA TAMBAYAN nasa Fiesta Carnival muli ako, O, sinta doon sa dati, sa tinatambayan ko madalas muling kumakatha habang naaalala kita tayo'y nag-usap anong panonooring palabas oo, madalas, doon mo ako pinupuntahan agad magkukwento ka pagkagaling sa trabaho kaytamis ng ngiti mo't agad akong susulyapan habang ako nama'y nakikinig sa iyong kwento ako'y nag-iisa na lang sa Fiesta Carnival habang inaalagata ang nakaraan natin habang doon sa tabi-tabi ay nagmiminindal aba'y anong sarap pa ng ating mga kutkutin hanggang dito na lang muna, O, diwata ko't irog nagunita ka lang ng pusong nagkalasog-lasog - gregoriovbituinjr. 10.08.2025

Mukhang Senior na kasi si Junior

Imahe
MUKHANG SENIOR NA KASI SI JUNIOR sa dulo ng ngalan ko'y may Junior aba'y mukha na raw akong Senior kaya pamasahe imbes kinse sa minibus, singil nila'y dose bago mag-Senior, ilang taon pa ngunit nangalahating siglo na aba'y dapat wala pang diskwento ngayon, meron na't ubanin ako salamat naman at nakatipid ang mula sektor ng sagigilid kung may Senior I.D., di nagtanong na sana'y masasagot ko iyon di pa ako Senior, sasabihin ko't diskwento'y tiyak babawiin - gregoriovbituinjr. 10.08.2025

Tarang mag-almusal

Imahe
TARANG MAG-ALMUSAL patibayin ang katawan at busugin din ang tiyan kumain na ng agahan upang di ka panghinaan mahirap kung walang kain kung maraming lalakarin dahil baka ka gutumin ay baka maging sakitin tara munang mag-almusal upang di babagal-bagal at din rin hihingal-hingal sa daraanan mang obal dapat tumatag ang isip na kayraming nalilirip busog ay may halukipkip at lakas ang kahulillip - gregoriovbituinjr. 10.08.2025

Kami'y mga apo ni Leonidas

Imahe
KAMI'Y MGA APO NI LEONIDAS kami'y mga apo ni Leonidas mandirigmang lumalaban ng patas mandirigma ang tinahak na landas marangal, sa labanan ay parehas katulad ko'y Ispartang si Eurytus maysakit man ay lumaban ng lubos nang sa Thermopylae, siya'y inulos hanggang mga mandirigma'y naubos di gaya ng isang Ispartang duwag na ang sariling buntot ay nabahag si Aristodemus na nangangarag sa digma'y umuwi, di nakibabag kami'y mga aktibistang Spartan na laging handâ sa anumang laban na misyon ay baguhin ang lipunan nang ginhawa'y kamtin ng buong bayan - gregoriovbituinjr. 10.07.2025 * litrato mula sa google

Kwento ng dalawang wish

Imahe
KWENTO NG DALAWANG WISH nag-ala-Kara David na si Bishop ngunit iniba lang ang pangungusap kay Kara, mamatay lahat ng korap na birthday wish ko na rin sa hinagap kay Bishop Soc, kung siya'y mamamatay mga korap sana'y maunang tunay kina Kara't Bishop, wish nila'y lantay mula sa pusò, may galit na taglay poot sa lahat ng mga kurakot sa kaban ng bayan, dapat managot bantayan, dapat walang makalusot ipakita natin ang ating poot mamatay lahat ng mga tiwali trapo't dinastiya'y dapat magapi - gregoriovbituinjr. 10.08.2025

Magwawakas din ang Nakbâ

Imahe
MAGWAWAKAS DIN ANG NAKBÂ mulâ ilog hanggang dagat lalaya rin ang Palestine gagapiing walang puknat ang mga hudyong salarin magwawakas din ang Nakbâ mananakop ay iigtad at magiging isang bansâ silang malaya't maunlad kaya nakiisa ako sa pakikibaka nila narito't taas-kamao upang sila'y lumaya na - gregoriovbituinjr. 10.07.2025 * Nakbâ - sa Arabiko ay catastrophe o malaking kapahamakan

Sino bang modelo sa katha kong tulâ?

Imahe
SINO BANG MODELO SA KATHA KONG TULA? sino bang modelo sa katha kong tulâ? gayong pwede rin namang talagang walâ minsan, pakikiusapan mo ang madlâ kung pwede ba silang litratuhang sadyâ madalas din namang bantulot ang masa sa rali, malilitratuhan talaga pag ayaw makuhanan, bakit nandyan ka? lalo't maraming kamera at masmidya pag may kinunang may plakard, aba'y gusto pag ayaw, makata na lang ang modelo na sa pagtula mismo'y nakalitrato kaysa maghanap pa ng kung sino-sino pagkat di na pipilitin ang sarili "hoy, ikaw muna'y maging modelo rini" sa litkuran o background na sinasabi upang agad maparating ang mensahe walang magawa kundi makata na lang upang yaring tula ay may katibayan na pag binasa, totoo pala naman yaong sa tula'y isinasalarawan - gregoriovbituinjr. 10.07.2025

Resign All!

Imahe
RESIGN ALL! iyan ang tindig namin -  Resign All! bulsa ng korap nga'y bumubukol dinastiya pa'y pinagtatanggol ng mga kurakot sa flood control lahat ng korap, dapat managot korapsyon nila'y katakot-takot mag-resign na ang lahat ng sangkot parusahan lahat ng kurakot kaya huwag na tayong bumoto sa walang mapagpiliang trapo pulos kinatawan ng negosyo, oligarkiya't burgesyang tuso pinaglaruan ang mamamayan sa kalunsuran at lalawigan ibinulsa ng mga kawatan ang pondong nakalaan sa bayan kaya mag-resign na silang lahat RESIGN ALL!  ang sigaw nami't sumbat gobyerno na'y mapanglaw na gubat serbisyo'y ninenegosyong sukat - gregoriovbituinjr. 10.07.2025

Panagimpan

Imahe
PANAGIMPAN madaling araw, ako'y nagising mula sa mahabang pagkahimbing tila ba may kung anong parating bumalikwas sa pagkagupiling ginising ako ng mga hiyaw ng taumbayang nagsipalahaw: "ikulong ang mga magnanakaw!" sa kanila, ako'y nakisigaw sa korapsyon, tao'y nililipol ng mga trapo sa ghost flood control putik ang sa mukha'y kinulapol ng mga kurakot na masahol sa hayop, dukha'y pinipilipit masa'y hustisya ang ginigiit ay, totoo ang kanilang galit sa banig tumayo akong pilit sa aking budhi, ako'y sumumpâ sasamahan ko ang api't dukhâ sa kanilang pakay na dakilà palitan ang sistemang kuhilà - gregoriovbituinjr. 10.07.2025

Guyabano tea

Imahe
GUYABANO TEA dahon ng guyabano at mainit na tubig paghaluin lang ito nang lumakas ang bisig at buo mong kalamnan na ang lasa'y kaysarap tanim lang sa bakuran di na ako naghanap guyabano na'y tsaa inumin nang lumusog paggising sa umaga o bago ka matulog tikman, guyabano tea madaramang lalakas at di ka magsisisi kalusugan mo'y wagas - gregoriovbituinjr. 10.06.2025

Ako'y raliyista

Imahe
AKO'Y RALIYISTA  ako'y talagang raliyista ng higit nang tatlong dekada na laging laman ng kalsada patuloy na nakikibaka upang baguhin ang sistema magbabago pa ngâ ba ako? sistema'y binabago ako? o sistema'y dapat mabago? hustisya sana ang matamo ng dukha't ng uring obrero itatag ang lipunang patas, may pagkakapantay, parehas ikulong ang burgesyang hudas, oligarkiyang talipandas, dinastiya'y dapat magwakas tulad kong tibak na Spartan ay patuloy na lalabanan ang mga mali't kabulukan  upang makataong lipunan ay maitatag nang tuluyan - gregoriovbituinjr. 10.06.2025

Puna ni Marcelo

Imahe
PUNA NI MARCELO anong tinding puna ni kasamang Marcelo na tanda ko pa't tagos sa diwa't pusò ko "bakit di ka nila-like ng kolektibo mo?" punang yumanig sa buo kong pagkatao noon nama'y di ko iyon iniintindi katha lang ng katha, sa pagkilos nawili ngayon lang natantong wala akong kakampi dumaan ang birthday, wala silang nasabi ngunit sila'y akin pa ring inuunawà kaya ganyan sila'y ako rin ang maysalà kasi ako'y di nila kaututang-dilà kasi ako'y laging abala sa pagkathâ salamat, Marcelo, manggagawa sa Rizal tunay kang kapatid sa rebolusyo't dangal puna mo'y tama't humihiwang tila punyal sa pusong nagdugo na't tila ba napigtal puna mo'y bumaon ng kalalim-laliman  sa aking pusò bilang tibak na Spartan  simpleng tanong na sumugat sa katauhan ito'y punang dadalhin ko hanggang libingan  - gregoriovbituinjr. 10.06.2025

Sa laging nag-aaya na gabi-gabing mag-inom

Imahe
SA LAGING NAG-AAYA NA GABI-GABING MAG-INOM para raw makalimot sa aking pinagdaanan iyan ang payo sa akin ng isang manginginom noong birthday ko ay di ko raw siya tinagayan aba'y bakit ko tatagayan ang senglot na iyon dadamayan daw niya ako upang makalimot sa pinagdaraanang hapdi raw ng pagkawala ni misis sa sakit, siya rin daw ay nalulungkot kaya kaming dalawa raw ay magsitagay na nga kanyang sinabi'y palsong katwiran para sa akin bakit ko naman lilimutin ang tangi kong sinta gayong si misis ang diwatang laging sasambahin ayokong lumimot, nais ko siyang maalala mahirap kausap ang lasenggo o lasenggero na araw-gabi, may hawak na bote, naglalasing pabaya sa pamilya, tapos yayayain ako mas mabuti pang matulog ang sa kanya'y pasaring - gregoriovbituinjr. 10.04.2025

Pirmi na akong nakatayô sa LRT

Imahe
PIRMI NA AKONG NAKATAYÔ SA LRT oo, di ako umuupo sa LRT dahil mga silya roon ay pambabae dapat lang maging gentleman kaming lalaki kaya madalas ako'y tayô sa LRT nakapagtatakang lalaki'y umuupô gayong kayrami pang babaeng nakatayô para bang walang aral ang mga kulugô na di alam gumalang, sa asal ay hubô hoy, tila kapara mo'y tusong pulitiko  na nagpakabundat sa kaban ng bayan ko aba'y matuto kang tumayo't rumespeto sa bawat babaeng imahe ng nanay mo umupo pag may bakante o may sakit ka may kapansanan o kaya'y matanda ka na igalang bawat Marya Klara't Gabriela pag sila'y nakatayô, ibigay ang silya - gregoriovbituinjr. 10.05.2025 * LRT - Light Rail Transit * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/r/1LShmGezqb/  

Dinastiya, wakasan!

Imahe
DINASTIYA, WAKASAN! tama si Mambubulgar sa kanyang ibinulgar isang katotohanang masa ang tinamaan ang inihalal kasi ng maraming botante ay mula dinastiya mula isang pamilya iisang apelyido ang laging binoboto mga trapong kurakot na korapsyon ang dulot upang malutas iyan DINASTIYA, WAKASAN! ito'y napapanahon kung nais ng solusyon - gregoriovbituinjr. 10.04.2025 * komiks mula sa pahayagang Bulgar, 10.02.2025, p.5

Imbis iprito ang itlog, isapaw sa iniinin

Imahe
IMBIS IPRITO ANG ITLOG, ISAPAW SA INIININ imbis iprito ang itlog isapaw sa iniinin wala nang mantikang sahog sasarap pa itong kain payak na diskarte lamang nakatipid pang totoo sa paggamit nitong kalan o kuryente sa luto mo sapaw-sapaw lang sa kanin at may uulamin ka na walang hirap na lutuin parang sinapaw na okra salamat sa inyong payò nakatipid, walang luhò - gregoriovbituinjr. 10.03.2025 * may munting bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/r/16FsVaYcnw/  

Palayain ang Mendiola 216!

Imahe
PALAYAIN ANG MENDIOLA 216! noong Setyembre twenty-one, maraming dukha ang nasa  Mendiola , nakipagbakbakan na karamihan ay tinedyer, talubata ekspresyon ng galit sa mga kurakutan naalala ko ang  Nepal  at  Indonesia sa kanila, nagkaroon ng pagbabago sa  Nepal , niluklok ng mamamayan nila yaong unang babaeng pinunong ministro sa  Indonesia , putok na isyu'y pabahay ng mga mambabatas, sa rali binangga ng pulisya ang isang rider at namatay ang kaytinding gulo'y dito na nagsimula sa bansa, napatay ang isang  Eric Saber na umano'y di naman kasama sa rali hustisya na'y panawagan, ito na'y murder habang mga pulis, kayrami nang hinuli nasa dalawandaan, labing-anim yaong dinampot ng pulis, ito nga'y kahungkagan tingin ko, lehitimong galit sa korapsyon ang ipinakita ng mga kabataan kaya ngayong  Black Friday Protest , aking hiyaw: palayain na ang Mendiola Two-One-Six! hulihin ay mga Senador na nagnakaw sa kaban ng bayan, perang dapat ibalik - gregoriovbitui...

Di Rolls Royce ang tatak ng payong ko

Imahe
DI ROLLS ROYCE ANG TATAK NG PAYONG KO tag-ulan muli, kalsada'y bahâ magpapayong pagkat kailangan baka magkasakit pag nabasâ maging Gremlins, dadami ka niyan mabuti't may payong akong bago ngunit kung pupunahin ng masa di Rolls Royce ang tatak ng payong ko kundi LIFE na kaiba kay Sarah napanalunan ko lang ang payong sa asembliya ng Green Convergence nitong Setyembre, na nang umambon sa pag-uwi'y agad kong nagamit payong na ito'y di man binili ay di galing sa salbahe't switik payong na maipagmamalaki di galing sa ghost flood control project - gregoriovbituinjr. 10.03.2025