Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Disyembre, 2025

Kanin at toyo lang sa pananghalian

Imahe
KANIN AT TOYO LANG SA PANANGHALIAN minsan, ganito lamang ang pananghalian lalo na't walang-wala talagang pagkunan minsan, maayos ang agahan o hapunan pag nakaluwag-luwag, na bihira naman maraming salamat sa nakauunawa sa kalagayan naming mga walang-wala mga maralitang madalas naglulupa upang makausap lamang ang kapwa dukha minsan, kanin at toyo; minsan, may kamatis minsan nama'y tuyong hawot na maninipis kung walang toyo o asin, madalas patis ganyan ang tibak na Spartan kung magtiis buti't walang sakit na siyang mahalaga sa mga rali'y dumadalo pa talaga katawan nama'y di pinababayaan pa kumakain ng gulay, okra, kalabasa - gregoriovbituinjr. 12.04.2025

Tungkulin nating di manahimik

Imahe
TUNGKULIN NATING DI MANAHIMIK batid mo nang korapsyon ang isyu ng bayan subalit pinili mong manahimik na lang huwag makisali sa rali sa lansangan dahil tingin mo, ikaw lang ay madasaktan ito na lang ang meron tayo: boses,  TINIG kung galit ka rin sa korapsyon,  IPARINIG ang mga kurakot ang nagpapaligalig sa ating bayan, dukha'y winalan ng tinig pakinggan natin ang lumalaban sa korap si  Catriona Gray , talumpati'y magagap si  Ka Kokoy Gan , na tinig ng mahihirap si  Atty. Luke Espiritu  kung mangusap dinggin mo ang tinuran ni  Iza Calzado na talumpati'y tagos sa pusò, totoo pakinggan mo ang tinig ni  Orly Gallano ng lider-maralitang  Norma Rebolledo ilabas mo rin ang galit mo sa korapsyon at likhain ang bagong kasaysayan ngayon huwag nang manahimik sa silid mong iyon makipagkapitbisig tayo't magsibangon - gregoriovbituinjr. 12.04.2025 * litrato kuha ng makatang galâ sa Bahâ sa Luneta, Maynila, 11.30.2025

Pagsasabuhay ng pagiging pultaym

Imahe
PAGSASABUHAY NG PAGIGING PULTAYM ako'y isang tibak na Spartan gaya noong aking kabataan sinabuhay ang pagiging pultaym bilang makata't tibak ng bayan ang prinsipyo'y simpleng pamumuhay pakikibaka'y puspusang tunay sa ganyan ang loob ko'y palagay sa prinsipyo ako pinatibay pag sa pagiging tibak nawalâ di na ako ang ako, tunay ngâ sa anumang rali, laging handâ pagkat lingkod ng obrero't dukhâ di lang ako tibak sa panulat kundi sa gawâ at nagmumulat sa rali makikita mong sukat kahit magutom o magkasugat tumubo't laki sa aktibismo ang makatang rebolusyonaryo hangad ay lipunang makatao na lahat ay nagpapakatao ako'y ako, oo, ako'y tibak sistemang bulok ay ibabagsak pinagtatanggol ang hinahamak kahit ako'y gumapang sa lusak - gregoriovbituinjr. 12.04.2025

Pagtindig sa balikat ng tandayag

Imahe
PAGTINDIG SA BALIKAT NG TANDAYAG "If I have seen further, it is by standing on the shoulders of giants. (Kung mas malayò pa ang aking natanaw, iyon ay dahil sa pagtayô sa balikat ng mga tandayag.)" ~ Isaac Newton  isa iyon sa natutunan kong prinsipyo mula sa agham na hanggang ngayon, dala ko sa rali man o pagkathâ ng tula't kwento sa paglalakad man ng kilo-kilometro sa paglalakbay man habang sakay ng barko sa pangibang bayan sakay ng eroplano nasa balikat ng tandayag o higante nakatayong kaytatag, búhay man ay simple kayraming paksa'y yakap sa araw at gabi kayraming isyu kayâ sa bayan nagsilbi sa mga walang-wala, laging sinasabi: sistema'y baguhin, nang walang inaapi nakatindig pa rin ako ng buong tapat sa balikat ng tandayag at nagmumulat sa masa na pakikipagkapwa'y ikalat dapat ikulong na 'yang mga rapong bundat na pondo ng bayan ang kanilang kinawat bitayin sila kung kulong ay di na sapat - gregoriovbituinjr. 12.04.2025 * litrato mula sa google

Naharang bago mag-Mendiola

Imahe
NAHARANG BAGO MAG-MENDIOLA naharang bago mag-Mendiola matapos ang mahabang martsa mula Luneta sa Maynilà araw ng bayaning dakilà subalit di kami natinag mahaba man yaong nilakad mga barb wire ang nakaharang container pa'y nakahambalang takot na ang mga kurakot bantay saradong mga buktot habang masa'y nagsidatingan kurakot, ikulong! hiyawan "PNP, protektor ng korap!" at mga trapong mapagpanggap sigaw iyon ng masang galit mga kurakot na'y ipiit - gregoriovbituinjr. 12.03.2025 * bidyo kuha noong 11.30.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1GYjGbj1yK/  

Buti't may tibuyô

Imahe
BUTI'T MAY TIBUYÔ kulang ang pamasahe kahapon mula Cubao patungong Malabon upang daluhan ang isang pulong buti't nagawang paraan iyon di ako nanghingi kaninuman di rin nakabale sa sinuman talagang walang mahihiraman buti't mayroong mapagkukunan sa aking tibuyô o alkansya na pinag-iipunan tuwina doon muna nanghiram ng pera dagdagan na lang pag umalwan na minsan ganyan ang abang makatâ upang marating pa rin ang madlâ sa pulong na dinaluhang kusà di umabsent sa misyong dakilà - gregoriovbituinjr. 12.03.2025 * ang tibuyô ay salitang Batangas sa Kastilang alkansya

Paglahok sa rali

Imahe
PAGLAHOK SA RALI bakit di ka pupunta sa rali? dahil lang wala kang pamasahe? kung ako, sisimulang maglakad nang makarating at mailadlad ang plakard na laman yaong isyu ng bayan, at makalahok ako sa rali, wala mang pamasahe gagawan ng paraan, ganire o ganyang sanhi, walang alibay lalakarin ang mahabang lakbay mahalaga ang prinsipyong tangan pamasahe'y gawan ng paraan mahalaga'y lumahok sa rali kahit kapos pa sa pamasahe ikulong na 'yang mga kurakot! lahat ng sangkot, dapat managot! - gregoriovbituinjr. 12.03.2025 * kasama sa litrato si David D'Angelo, dalawang beses na tumakbong Senador * salamat sa kumuha ng litrato, kuha noong 11.30.2025 sa Luneta

Bahâ sa Luneta, 11.30.2025

Imahe
BAHÂ SA LUNETA, 11.30.2025 bahâ sa Luneta ng galit na masa laban sa kurakot at lahat ng sangkot bumaha ang madlâ upang matuligsâ  yaong mga buktot na nangungurakot sa kaban ng bayan imbes paglingkuran ang masa, inuna ay sariling bulsa ikulong ang lahat ng trapong nabundat sila'y panagutin sa ginawang krimen ang nakaw na pondo ibalik sa tao trapong mandarambong ay dapat ikulong - gregoriovbituinjr. 12.03.2025 * ang litrato'y kuha ng makatang galâ

Hapunan ko'y potasyum

Imahe
HAPUNAN KO'Y POTASYUM taospusong pasasalamat sa nagbigay nitong potasyum tiyak na rito'y mabubundat bigay mula sa isang pulong dalawang turon ang narito at dalawang tila maruya kailangan talaga ito ng katawan kong kaynipis nga pampalakas daw nitong puso pati na ng mga kalamnan pangontrol ng presyon ng dugo pabalanse rin ng katawan kaya di na ako nagsaing di na rin bumili ng ulam dahil sapat na itong  saging na sa gutom ko'y nakaparam salamat sa potasyum na bigay sapagkat may panghapunan na upang makakatha pang tunay ng tulang tulay ko sa masa - gregoriovbituinjr. 12.02.2025

Ano ang lihim ng kalihim o sekreto ng sekretaryo?

Imahe
ANO ANG LIHIM NG KALIHIM O SEKRETO NG SEKRETARYO? ano nga ba ang inililihim ng kalihim, o ng sekretaryo? salitang sadyâ bang isinalin ng direkta, lihim at sekreto? kung nagpi-preside ay presidente dahil ang pangulo ang pang-ulo nasa katawagan ang mensahe nasa salitâ kung sila'y sino tulad ko, sekretaryo heneral ng dalawa kong organisasyon iyan ang titulo nang mahalal sa samahang may bisyon at misyon magtago ng lihim ang kalihim na may kinalaman sa samahan mangalap ng datos na malalim mga isyu't problema ng bayan may sekreto rin ang sekretaryo na sadyang kapaki-pakinabang yaong pagsusulat ng minuto kaalaman ng masa'y malinang marami pang lihim ang kalihim mga sekreto ng sekretaryo bakit kaya siya naninimdim? masakit ba'y ang pusò o ulo? - gregoriovbituinjr. 12.02.2025

Nagkamali ako ng bayad, buti't ang konduktor ay tapat

Imahe
NAGKAMALI AKO NG BAYAD,  BUTI'T ANG KONDUKTOR AY TAPAT Akala ko'y baryang P20 + P5 + tatlong P1 equals P28 ang aking ibinayad sa konduktor. Buti't honest siya. Binigyan niya ako ng P5 sukli. Nagtaka ako. Sabi niya, binigay ko'y P33. At P28 lang ang pamasahe mula Monumento hanggang Cubao. Ang naibigay ko pala'y P20 + P10 + tatlong P1 equals P33. Imbes P5, ang naibigay ko pala'y baryang P10. Nalitô ako roon, ah. Nagawan ko tuloy ng tulâ ang karanasang ito: salamat sa konduktor na tapat binalik ang limang pisong labis di kasi ako naging maingat dahil nagbabayad ng mabilis bus carousel mula Monumento hanggang Cubao Main ang pamasahe ay dalawampu at walong piso ngunit sobra ang bigay ko, sabi naibigay ko'y trenta'y tres pesos imbes na bente otso pesos lang katapatan niya'y nakamenos sa pamasahe, di mapanlamang maraming namatay sa akala limang piso pala'y sampung piso kaya sobra'y binalik na sadya nagkamali ng akala ako kaya taos na pasasalamat ang...

Antok pa si alagà

Imahe
ANTOK PA SI ALAGÀ puyat pa, antok na si alagà lalo't gising siya buong gabi marahil sa paghanap ng dagâ tulog muna, ang sa kanya'y sabi marahil di pa rin siya gutom pagkain niya'y tinabi muna mga natira ko sa galunggong na talaga namang gusto niya sige lang, ikaw muna'y matulog at maghabi ka ng panaginip ano kayang magandang ihandog na tula't wala pang nalilirip  ako'y patuloy lang sa pagnilay sa samutsaring isyu ng bayan bakit bayan ay di mapalagay? sa laksng kurakot at kawatan! - gregoriovbituinjr. 12.02.2025 mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:  https://web.facebook. com/share/r/1BiHkwrVuT/

Dating plakard, petsa lang ang binago

Imahe
DATING PLAKARD, PETSA LANG ANG BINAGO dating plakard na gamit ng Nobyembre na binago lang, ginawang Disyembre di pa rin nagbabago ang mensahe ikulong na ang korap na salbahe wala pa kasing napaparusahan na nangurakot sa pondo ng bayan baka Pasko'y wala pa sa kulungan silang mga namburiki sa kaban paghandaan nati'y magandang bukas itayo ang isang lipunang patas kung saan ang tao'y pumaparehas wala nang trapong sa bayan naghudas Disyembre na, wala pang napipiit patuloy na pag-alabin ang galit ng masa sa korap na nang-uumit sa pondo ng bayan, buwis at badyet - gregoriovbituinjr. 12.01.2025     

Disyembre na, walâ pang nakukulong na kurakot

Imahe
DISYEMBRE NA, WALÂ PANG NAKUKULONG NA KURAKOT Disyembre na, walâ pang nakukulong na kurakot baka mag-Pasko tayong ngingisi-ngisi ang buktot masasaya pa rin silang ang mundo'y nililibot habang masa'y naghihirap pa rin, nakalulungkot kasya ba ang limangdaang piso sa Noche Buena? gaya ng ipinapayo ng gobyerno sa masa habang silang mga kabilang sa oligarkiya may pitong daang libong piso bawat kain nila pondo na ng bayan ang binuriki ng kawatan sana ngayong DIsyembre bumigwas muli ang bayan International Anti-Corruption Day, December 9 upang singilin ang mga pulitikong gahaman dahil sa mga kurakot, nalulunod sa bahâ ang mga kababayan nating nagdurusang lubhâ dapat managot sa bayan ang mga walanghiyâ dapat pagpalit ng sistema'y paghandaang sadyâ mag-Paskong nagrarali sa Mendiola, paskong tuyó hangga't walang makulong na korap ay di susuko ang bayan upang panagutin ang mga hunyangò at korap, pati na kanilang pinakapinunò - gregoriovbituinjr. 10.03.2025