Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Pebrero, 2026

Tutulan ang imperyalistang giyera!

Imahe
TUTULAN ANG IMPERYALISTANG GIYERA! bakit natin dapat tutulan ang digmaang bunsod ng katakawan sa kapangyarihan na hangad manakop ng ibang kalupaan ganyan ang imperyalismo ng kasibaan! ang sabi'y dahil sa doktrinang Monroe nila lahat ng bansa sa Amerika'y kanila kanila raw ang buong Latin America soberanya ng bansa'y binalewala na tayo bang mamamayan, payag sa ganito? ito na nga ba'y rurok ng kapitalismo? na ang kaytaas na yugto'y imperyalismo? wala namang pakinabang ang bayan dito! imbes na kapayapaan ang tinatahak sa digmaan, tiyak mga dugo'y papatak at maraming inosenteng mapapahamak ating isigaw: imperyalismo, ibagsak! sa ating mga mamamayan ng daigdig huwag hayaang busalan ang ating bibig tutulan natin ang giyera't panlulupig ng imperyalista't tayo'y magkapitbisig! - gregoriovbituinjr. 02.02.2026 * litrato kuha ng makatâ sa harap ng Senado, 01.22.2026

Tuloy lang sa pagkathâ

Imahe
TULOY LANG SA PAGKATHÂ tuloy lang sa pagkathâ samutsari mang paksâ manggagawa at dukhâ dilag, nimpa, diwatà kahit na kalusugan nitong pangangatawan kahit na kalungkutan ng loob at isipan pagkat sa pagsusulat at pagtulâ namulat nanariwà mang sugat o luhà mang maalat tititig sa kisame baka merong mensahe sa lumbay man sakbibi ito'y isasantabi basta makathâ lamang ang nanilay sa ilang sa tula'y nalilibang ang diwa man ay lutang - gregoriovbituinjr. 02.02.2026

Di pa ubos ang tinta ng aking panulat

Imahe
DI PA UBOS ANG TINTA NG AKING PANULAT di pa ubos ang tinta ng aking panulat kayâ habang may tinta pa'y sulat ng sulat lalo't hilig ko'y magbasa ng dyaryo't aklat bata pa'y ito na ang sa akin nagmulat habang may tinta ang pluma'y kathâ ng kathâ animo'y walang pagkapagod yaring diwà laging nagsusumigasig na makalikhâ ng mga obrang nagmumulâ sa harayà panatà sa sarili'y magsusulat lagi ng mga kwento't tulâ, iyan na ang gawi anuman ang paksang nanilay o nasuri anong puno't dulo, anong epekto't sanhi marahil, tumanda ma't magmistulang laos para mang kandilang marahang nauupos sa putik man ay umahon o dumausdos kakathâ pagkat pusò ko'y ito ang utos - gregoriovbituinjr. 02.02.2026

Nakatulog sa pagod si alagà

Imahe
NAKATULOG SA PAGOD SI ALAGÀ nakita kong natutulog na sa gamit ko si alagang kaytagal nawalâ sa bahay mukhang pagod at nakatulog agad ito na kung pagmasdan mo'y tila di mapalagay gamit kong pawang mga tambak na diyaryo habang nakasalansan yaong mga aklat baka siya'y nananaginip ng adobo o kaya'y tulingan o sapsap na pinangat dumating siya habang pusikit ang dilim minsan, umuuwi ring walang halukipkip madaling araw na, ako'y tutulog na rin at muling kakatha ng nasa panaginip buti't siya'y di naguguluhan tulad ko na di malaman anong sisimulang kwento - gregoriovbituinjr. 02.02.2026

Ang di ko masabi

Imahe
ANG DI KO MASABI marami akong nais sabihin subalit di ko naman masabi pluma ang tumutulong sa akin sa mga di dapat isantabi bagamat ang bawat tula'y tulay sa pagitan ng maraming puwang tilà baga ako'y naglalakbay sa mga masusukal na ilang minsan, nasasabi sa megaphone ang puna sa di katanggap-tanggap minsan, nabibigkas sa microphone ang maiilap na pangungusap ngunit madalas, di ko masabi ang wala sa loob kong panimdim kung paanong ang dapat masabi ay nasa loob kong mataimtin - gregoriovbituinjr. 02.02.2026

Sa unang araw ng Pambansang Buwan ng Sining

Imahe
SA UNANG ARAW NG PAMBANSANG BUWAN NG SINING ngayon ko naalala't sa ulat nakita  aba'y  Pambansang Buwan ng Sining  na pala narito lang sa bahay, talagang abala anumang tungkol sa sining, di nakapunta ngunit ayos lang, may araw pa namang iba buong araw kasing tinutukang totoo ang pagle-layout ng susunod kong libreto ng higit apatnapung tula't isang kwento na ilulunsad sa  a-Beynte ng Pebrero na  World Day of Social Justice  ang petsang ito kasabay ng  Buwan ng Sining  ilulunsad ang libreto ng akdang hustisya ang hangad tinipon kong sariling katha'y ilalantad sa madlâ upang sabihing dapat umusad ang sigaw ng hustisya, sa dugô man babad ang literatura'y isa sa pitong sining kayâ bawat kong pagtula'y isa ring sining kahit ang pagtingalâ sa mga bituin sa langit ay sining ng pagnilay sa dilim kathâ ng kathâ, dama man ay paninimdim - gregoriovbituinjr. 02.01.2026 * litrato kuha ng makatang galâ nang minsang magawi sa Mandaluyong

Tatlong nakadaupang palad na kongresista laban sa korapsyon

Imahe
3 NAKADAUPANG PALAD NA KONGRESISTA LABAN SA KORAPSYON Maikling anekdota at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Noong kinakampanya ko ang  Disyembre 9, World Anti-Corruption Day , upang kumilos ang tao o magrali laban sa korapsyon, tatlong kongresista ng party list ang aking nakasalamuha. Ito'y sina  Kamanggagawà Partylist Rep. Elijah San Fernando, FPJ Panday Bayanihan Partylist Rep. Brian Poe, at Kabataan Partylist Rep. Renee Co . Pawang nasa kabataan pa at unang beses umupo sa Kongreso, nanalo nitong Halalan 2025. Nagkita kami ni  Rep. Eli Fernando  noong Nobyembre 8, 2025 sa Pasig nang maging tagapagsalita siya sa ginanap na  Musika, Tulâ at Sayaw Laban sa Korapsyon , at ako naman ay isa sa mga naimbitahang tumulâ. Agad niyang bungad sa akin nang magkita kami ay  "Condolence" . Ibig sabihin, kahit matagal na kaming di nagkikita ay nalaman pala niyang namatay ang aking asawa. Mahigit sampung taon din marahil kaming di nagkita at nagkausap. Nasa kilusang estudya...

Gawain din ang pagtungangà

Imahe
GAWAIN DIN ANG PAGTUNGANGÀ madalas tumungangà sa kawalan nakatingin sa walang tinitingnan o nakatitig sa di matitigan habang naglalakbay ng malayuan ganyan ang gawain ng manunulat sa kisame't langit nakamulagat kung saan-saan tinta'y kinakalat upang magawa ang asam na aklat naglalakad ng kilo-kilometro nang wastong salita'y nasok sa ulo makita ang wala sa diksyunaryo makasalamuhà ang mga tao nang tamang pangungusap ay makathâ malikha'y magandang larawang diwà nang maisulat ang akmang talatà nang matapos ang isang kabanatà - gregoriovbituinjr. 02.01.2026