Mga Post

E-Jeep pala, hindi Egypt

Imahe
E-JEEP PALA, HINDI EGYPT "Sumakay kami ng Egypt!" Sabi ng kaibigan kong dating OFW. "Buti, dala mo passport mo." Sabi ko. Agad siyang sumagot. "Bakit ko naman dadalhin ang passport ko, eh, sinundo ko lang naman ang anak ko upang mamasko sa iyo." "Sabi mo, galing kayong Egypt.." Ani ko. "Oo, e-jeep ang sinakyan namin punta rito." "Ah, 'yung minibus pala ang tinutukoy mo. E-jeep, electronic jeep, at hindi bansang Egypt." @@@@@@@@@@ e-jeep at Egypt, magkatugmâ isa'y sasakyan, isa'y bansâ pag narinig, singtunog sadyâ kung agad mong mauunawà ang pagkagamit sa salitâ pagkalitô mo'y mawawalâ ang dalawang salita'y Ingles mundo'y umuunlad nang labis sa komunikasyon kaybilis bansang Egypt na'y umiiral sa panahong una't kaytagal nasa Bibliya pang kaykapal bagong imbensyon lang ang e-jeep kahuluga'y electronic jeep kuryente't di na gas ang gamit - gregoriovbituinjr 01.10.2026

Pahayagang Baybayin

Imahe
upang pagkaisahin ang puso't diwa natin pahayagang Baybayin ay ating proyektuhin - tanaga-baybayin gbj/01.10.2026

Humaging sa diwa

Imahe
HUMAGING SA DIWA madaling araw pa rin ay gising sa higaan ay pabiling-biling dapat oras na upang humimbing ngunit sa diwa'y may humahaging di ko mabatid yaong salita na nais magsumiksik sa diwa mababatid ko rin maya-maya at agad ko nang maitutula marahil dapat muling umidlip baka naroon sa panaginip ang salitang nais kong malirip o baka naritong halukipkip ayaw akong dalawin ng antok subalit nais ko nang matulog - gregoriovbituinjr. 01.10.2026

Di sapat ang tulog

Imahe
DI SAPAT ANG TULOG matutulog na ng alas-diyes mabuti iyan sa kalusugan ngunit nagigising ng alas-tres ng madaling araw, madalas 'yan limang oras na tulog ba'y sapat? gayong walong oras yaong payò bakit alas-tres na'y magmumulat? walong oras bakit di mabuô? buting gumising ng alas-sais mabuti iyon sa kalusugan sa walong oras ay di na mintis maganda pa sa puso't isipan  subalit tambak ang nalilirip  pag nagising ng madaling araw isusulat agad ang naisip kakathâ na kahit giniginaw - gregoriovbituinjr. 01.09.2026

Sa 2nd Black Friday Protest 2026

Imahe
SA 2ND BLACK FRIDAY PROTEST 2026 di mapapawi ang galit ng sambayanan laban sa mga nangungurakot sa kaban ng bayan, buwis na dinambong ng iilan para sa sarili lang nilang pakinabang dapat magpatúloy pa ang pakikibaka laban sa mga kurakot at dinastiya upang masawata na ang pananalasa ng kurakot, patuloy tayong magprotesta kahit di sabay-sabay o marami tayo ipakitang sa buktot galit na ang tao kurakot, buktot, balakyot, pare-pareho silang dapat managot, dapat makastigo sa pangalawang  Black Friday Protest  ng taon patuloy pa rin nating isigaw:  IKULONG na 'yang mga kurakot, trapong mandarambong! huwag hayaang tumakbo pa sa eleksyon! - gregoriovbituinjr. 01.09.2026

Pasasalamat

Imahe
PASASALAMAT salamat sa nagla-like sa tulâ dahil sa inyo, gising ang diwà at harayà ng abang makatâ kahit tigib ng lumbay at luhà kayo, ang masa, ang inspirasyon upang ipagpatuloy ang misyon sa wikang Filipino at nasyon upang tuparin ang nilalayon mapagkumbaba akong saludo sa inyo, kapwa dukha't obrero kung wala kayo, walâ rin ako salamat, pagpupugay sa inyo! tunay ngang ang masa ang sandigan nitong makatâ para sa bayan kayrami nating pinagsamahan at marami pang pagsásamáhan - gregoriovbituinjr. 01.09.2026

Pagtitig sa kawalan

Imahe
PAGTITIG SA KAWALAN minsan, nakatitig sa kawalan sa kisame'y nakatunganga lang o nakatanaw sa kalangitan kung anu-anong nasa isipan paligid ay ikutin ng mata at kayrami nating makikita isyu, balita, bata, basura mga paksâ, mga nadarama madalas ay walang nalilirip nais lang pahingahin ang isip nang katauhang ito'y masagip sa lumbay at dusang halukipkip narito lang akong nakatanaw sa malayò, walang tinatanaw tilà ba ang diwa'y di mapukaw para bang tuod, di gumagalaw - gregoriovbituinjr. 01.08.2026

Kape at pandesal

Imahe
KAPE AT PANDESAL tarang magkape at pandesal sa umaga habang patuloy ang buhay na may pag-asa na nangangarap ng panlipunang hustisya para sa bayan, uring paggawa, at masa dapat may laman ang tiyan bago magkape upang katawan ay maganda ang responde kainin ang sampung pandesal na binili habang inaatupag ang katha't sarili buting nakapag-almusal bago pumasok sa trabaho, sa pagsulat man nakatutok manuligsa ng kurakot at trapong bugok at kumilos din laban sa sistemang bulok kayraming paksa't isyung nakatitigagal ay, tara na munang magkape't magpandesal upang busóg sa pagkilos, di nangangatal upang sa anumang laban ay makatagal - gregoriovbituinjr. 01.08.2026

Parang lagi akong nagmamadali

Imahe
PARANG LAGI AKONG NAGMAMADALI madalas, animo'y nagmamadali na sa bawat araw dapat may tula parang oras na lang ang nalalabi sa buhay ko kaya katha ng katha palibhasa'y pultaym ang kalagayan bilang tibak na Spartan, maraos lang ang araw at gabing panitikan kung ang mga dukha'y walang pagkilos kung may pera lamang sa tula, tiyak may pambayad sa tubig at kuryente bayaran ang utang na sangkatutak bilhin ang gustong aklat sa estante subalit tula'y bisyong walang pera kahit mayaman sa imahinasyon sadyang dito'y walang kita talaga makata'y maralita hanggang ngayon sana'y makatha ko pa rin ang plano kong nobelang kikita ng malaki pangarap na pinagsisikapan ko iyon man lang ay maipagmalaki - gregoriovbituinjr. 01.07.2026 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/r/16i2vk7xMX/  

Ang diwatang si Makabósog

Imahe
ANG DIWATANG SI MAKABÓSOG may diwatang ngalan ay  Makabósog na nagpapakain sa nagugutom lalo't dukha'y nais niyang mabusog kaysa kinakain ay alimuom kayraming mga pulubi sa daan namamalimos at bukas ang palad halal na trapo'y walang pakialam nakikita na'y di magbukas palad pagkat di nila batid kung botante ang pulubi nang ayuda'y mabigyan di tiyak na iboto ng pulubi kaya kanilang pinababayaan si  Makabósog  ay nasaan kayâ nasa lumang lipunang Bisayà ba? walâ bang kamatayan ang diwatà? kung namatay, buhayin natin sila! buhayin sa mga kwento't alamat nitong bayan at gawing inspirasyon mga dukha'y magsikap at magmulat upang may makain ang nagugutom hanggang bulok na sistema'y baguhin ng nagkakaisang dukha't obrero ang pagsasamantala'y papawiin itatayo'y lipunang makatao - gregoriovbituinjr 01.07.2026 * Makabosog - mula sa Diksiyonaryong Adarna, p.558    

Aralin ang bilnuran - tanaga-baybayin

Imahe
aralin ang bilnuran upang sa sukli't bayad sa dyip na sinasakyan matiyak tamang lahat gbj/01.07.2026 * bilnuran - aritmetika * ambag sa proyektong tanaga-baybayin

Dalawang plato pa rin tayo sa kaarawan mo

Imahe
DALAWANG PLATO PA RIN TAYO SA KAARAWAN MO dalawang plato pa rin ang inihanda ko sa kaarawan mo, mahal, tig-isa tayo bagamat alam kong ako lang ang kakain naisip kong ang handa'y pagsaluhan natin pagbati ko ay maligayang kaarawan wala ka na subalit ikaw pa'y nariyan wala mang keyk, ipagpaumanhin mo, sinta pagkat keyk ngayon higit presyong Noche Buena binilhan ka ng paborito mong adobo tayo lang dalawa ang magsasalo-salo bagamat ako lang talaga ang uubos datapwat ako lang mag-isa ang uubos sinta kong Libay, tigib man ako ng luhà happy birthday ang bati ng abang makatâ - gregoriovbituinjr. 01.06.2026

Sa iyong ika-42 kaarawan

Imahe
SA IYONG IKA-42 KAARAWAN saan ka man naroroon maligayang kaarawan ninamnam ko ang kahapon na tila di mo iniwan oo, nasa gunita pa ang mapupula mong labi akin pang naaalala ang matatamis mong ngiti tulad ng palaso't busog ni Kupido sa puso ko binabati kita, irog sa pagsapit ng birthday mo muli, pagbati'y tanggapin sa puso ko'y ikaw pa rin - gregoriovbituinjr. 01.06.2026

Madaling araw

Imahe
MADALING ARAW tila ako'y nagdidiliryo di naman masakit ang ulo baka nananaginip ako nagtataka, anong totoo? kahit nagugulumihanan tila batbat ng kalituhan ako'y tumayo sa higaan at kinuha ang inuminan ako ba'y nakikipaghamok sa mga kurakot sa tuktok agad naman akong lumagok ng tubig, at di na inantok madilim pa pala't kayginaw pagbangon ng madaling araw katawan ko'y ginalaw-galaw ay, sino kaya ang dumalaw? - gregoriovbituinjr. 01.06.2026

Kaypanglaw ng gabi

Imahe
KAYPANGLAW NG GABI ramdam ko ang panglaw ng gabi lalo ang nagbabagang lungkot sa kalamnan ko't mga pisngi na di batid saan aabot may hinihintay ngunit walâ subalit nagsisikap pa rin sa kabila ng pagkawalâ ng sintang kaysarap mahalin tila ba gabi'y anong lamlam kahit maliwanag ang poste at buwan, tila di maparam ang panglaw at hikbi ng gabi sasaya ba pag nag-umaga? o gayon din ang dala-dala? - gregoriovbituinjr. 01.05.2026

Luhà

Imahe
LUHÀ ang kinakain ko'y / mapait na luhà sapagkat ang sinta'y / kay-agang nawalâ ang tinatagay ko'y / luhang timbâ-timbâ na buhay kong ito'y / tila isinumpâ pasasaan kayâ / ako patutungò kung yaring sarili'y / tila di mahangò hinahayaan lang / na ako'y igupò ng palad at buhay / na di ko mabuô tanging sa pagkathâ / na lang binubuhos ang buong panahon / ng makatang kapos bagamat patuloy / pa rin sa pagkilos kasama ng masa't / obrerong hikahos napakatahimik / pa rin nitong gabi kahit may nakuro / ay walang masabi nakatitig pa rin / ako sa kisame habang sa hinagpis / pa rin ay sakbibi - gregoriovbituinjr. 01.05.2026

Dalawang bayani: Carlos Yulo at Alex Eala

Imahe
DALAWANG BAYANI: CARLOS YULO AT ALEX EALA dapat bang pumili lang ng isa gayong parehong nag-ambag sila sa sports ng bansa't nakilala sa pinasok na larangan nila mahilig tayong isa'y piliin bakit? para ang isa'y inggitin? ang dalawa'y parangalan natin na bagong bayani kung ituring dapat ba isa'y pangalawa lang? gayong magkaiba ng larangan isa'y gymnast, isa'y tennis naman bakit isa ang pagbobotohan? ang isa'y di mababa sa isa Athlete of the Year sana'y dalawa Carlos Yulo at Alex Eala kinilala sa larangan nila nagningning ang kanilang pangalan dahil kanilang napagwagian ang laban, puso't diwa ng bayan kayâ kapwa sila parangalan! - gregoriovbituinjr. 01.05.2025 * ulat mulâ sa pahayagang Pilipino Star Ngayon at Pang-Masa, Enero 4, 2026, sa sports page

Magandang umaga

Imahe
MAGANDANG UMAGA! magandang umaga, kumusta na? pagbating kaysarap sa pandama tilà baga ang mensaheng dala paglitaw ng araw, may pag-asa saanmang lupalop naroroon batiin natin sinuman iyon nang may ngiti, panibagong hámon at baka may tamis silang tugon kasabay ng araw sa pagsikat ay narito muli't nagsusulat pagbati ko'y isinisiwalat magandang umaga po sa lahat! simulâ na naman ng trabaho muli, kakayod na naman tayo nawa'y mabuti ang lagay ninyo walang sakit at malakas kayo - gregoriovbituinjr. 01.05.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://web.facebook.com/share/r/1CCUh1PJVk/  

Balakyot - balatkayô ba?

Imahe
BALAKYOT - BALATKAYÔ BA? kayganda ng kanyang itinanong kung ang balakyot ba'y balatkayô? ah, marahil, dahil ang balakyot ay mapagbalatkayo at lilò sinagot ko siyang ang balakyot ay balawis, sukab, lilò, taksil at tumugon siyang gagamitin na rin niya ang salitang iyon pag mapagbalatkayong kaibigan matagal man bago mo malaman madarama mo ang kataksilan siya't lilo't balakyot din naman mapagkunwari't balakyot pala pinagsamaha'y sayang talaga kayhirap pag ganyan ang kasama na harapang pagtataksilan ka - gregoriovbituinjr. 01.04.2026

Anekdota sa polyeto ni Heneral Gregorio Del Pilar

Imahe
ANEKDOTA SA POLYETO NI HENERAL GREGORIO DEL PILAR Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr. Binabasa ko ang aklat ng mga sanaysay ni  National Artist Nick Joaquin  hinggil sa sampung bayani ng bansa sa aklat niyang  A Question of Heroes  nang mabasa ko ang isang anekdota hinggil kay Gregorio del Pilar, bago pa siya maging heneral. Nasa pahina 184 iyon ng nasabing aklat. Estudyante pa lang noon si Gregorio Del Pilar sa Ateneo nang maging kasapi ng Katipunan. Naroon siya sa bahay ng Katipunerong si Deodato Arellano sa Tondo nang iatang sa kanya ang tungkuling pamamahagi ng polyeto ng Katipunan. Noong minsang siya'y nasa Malolos na may dalang bulto ng polyeto ng paghihimagsik, ipinalit niya iyon sa kontra-rebolusyong polyeto ng Simbahan. Kaya noong sumapit ang araw ng Linggo, nakita ni Goyo na ipinamamahagi na ng kura ang kanyang ipinalit na polyeto. Ganyan pala kahusay mag-isip at kumilos si Gregorio Del Pilar, ang batang heneral ng himagsikan na napatay ...