Huwag hayaang magsasaka'y mawalang tuluyan

HUWAG HAYAANG MAGSASAKA'Y MAWALANG TULUYAN

ang magtanim ay di biro't maghapong nakayuko
anang isang awiting Pinoy, tanong ko naman po
paano kung wala nang magtanim, ito'y di biro
paano kung magsasaka'y tuluyan nang maglaho

magsaka'y gawa lang ba ng matatanda sa nayon
pagkat magsaka'y di gusto ng bagong henerasyon?
palipasan na lang ba ng senior citizen ngayon
ang magsaka sa lupa't maputikan man maghapon?

paano na itong bigas sa panahong darating
kung pawang matatanda na ang magsasaka natin?
paa'y ba'y magpuputik kaya ayaw sa bukirin
baka sabihin ng dilag, binata'y marurusing

di ba't mas mabuting ang palad nati'y magkalipak
tanda ng sipag at kayang buhayin ang mag-anak
mabuting magsikap, mag-araro man sa pinitak
di gawaing masama't di gumagapang sa lusak

halina't magsuri't pag-aralan itong lipunan
ang pagsasaka'y sagot pa rin sa kinabukasan
huwag hayaang magsasaka'y mawalang tuluyan
dapat kahit kabataan, ang araro'y tanganan

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom