Kung paanong ayoko sa kulungan o ospital

kung paanong ayoko roon sa kulungan,
gayundin naman, ayoko rin sa ospital
mabuti pang mapunta na lang sa libingan
sapagkat naglingkod sa bayan ng anong tagal

ilang taon na, naranasan kong mapiit
dahil sa manggagawa'y tapat na naglingkod
higit dekada na, danas ko'y alumpihit
sa ospital, ulo ko'y tinahi't ginamot

ayoko nang mapiit sa kwartong kaydilim
na tila kabaong, dama mo'y walang hangin
ayoko nang maospital muli't mandimdim
dahil para kang patay, madilim ang tingin

pag ako'y nilalagnat, punta ko'y Luneta
sariwang hangin ay doon ko kinukuha
pag may labanan, minsan nasa Mendiola
at gawa ng trapong kuhila'y binabaka

kulungan, ospital o kaya'y sementeryo
ano kayang aking pipiliin sa tatlo
ayoko sa ospital o makalaboso
nalalabi na lang, libingan ang punta ko

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom