Tula sa World Water Day, Marso 22, 2019

TULA SA WORLD WATER DAY, MARSO 22, 2019

kahapon ay World Poetry Day, araw ng pagtula
ngayon ay World Water Day, araw ng tubig ng madla
habang ang krisis sa tubig ay biglang nagsimula
nawalan ng tubig, ramdam  ng masa'y dusa't luha

animo krisis ay nilikha upang pag-usapan
itong pagtatayo ng dambuhalang Kaliwa Dam
na sa krisis daw sa tubig umano'y kalutasan
ngunit magpapalubog sa maraming pamayanan

pagtatayo ng Kaliwa Dam ay tutulan ngayon
pagkat sa krisis sa tubig ay di ito ang tugon
maraming tubig, pamamahala ay di ayon
di maayos, pulos tutubuin ang laging layon

napapalibutan ng tubig itong ating bansa
palibot ay dagat, kayraming ilog, sapa't lawa
parte ng bayodibersidad, mahalagang sadya
subalit may krisis sa tubig, dapat maunawa

sa nangyaring krisis na ito'y daming apektado
tubig nang gawin pang pribado'y nagmahal ang presyo
tubig ay serbisyo, kaya huwag gawing negosyo
ito'y para sa publiko, huwag isapribado

at ngayong World Water Day, nawa'y maraming makinig
tutulan ang Kaliwa Dam, ito ang aming tindig
at kung kinakailangan, tayo'y magkapitbisig
upang ang lumikha ng krisis ay ating malupig

- gregbituinjr.
(binasa sa rali hinggil sa tubig sa harap ng tanggapan ng MWSS
sa Katipunan Avenue, Balara, Lungsod Quezon, Marso 22, 2019)

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom