Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Mayo, 2019

Naglipanang upos

Imahe
NAGLIPANANG UPOS (Tula para sa World No Tobacco Day tuwing Mayo 31) di ako nagyoyosi, ang ginagawa kong lubos ay ang tipunin sa bote ang nagkalat na upos ito ang sa kapaligiran ay ambag kong taos bakasakali lang kahit upos ay di maubos. ginagawa kong ash tray ang pangsardinas na lata sa paligid nito'y nilalagyan ng karatula "Dito ilagay ang upos, kaibigan, kasama" at ibinabahagi sa pabrika't opisina. naglipana ang upos sa kalsada't karagatan talagang nakakaupos ang nangyayaring iyan mga wawa ng ilog ay tila nabubusalan naglulutangan ang upos sa mga katubigan. mga isinaboteng upos sa lupa'y ibaon tulad ng hollow blocks ay patigasin ito ngayon gawin kaya natin itong proyekto sa konstruksyon? baka may paggamitan ang upos kapag naglaon. ngayong World No Tobacco Day, anong masasabi mo? nagkalat ang upos sa ating paligid, katoto may maitutulong ka ba't maipapayo rito? upang malutas ang mga upos na dumelubyo? - gregbituinjr.,05/31/20

Ano baga?

Imahe
ANO BAGA? (Tula para sa World No Tobacco Day tuwing Mayo 31) nosi ba lasi para magyosi't bugahan tayo ng usok gayong di naman tayo nananabako sa dyip, naaamoy mo ang yosi ng katabi mo aba'y pasensya na't natapatan ka ng tambutso! yosi ng yosi, hitit ng hitit, buga ng buga nakakaalarma, kalusugan mo'y paano na? di ka nga humihitit, nalalanghap mo'y sa iba walang bisyo ngunit second-hand smoker ka pala paano mo ba pagsasabihan ang mga sutil? pananabako nila'y paano ba matitigil? polusyon sa katawan mo'y sino kayang pipigil? paano iiwas na unti-unti kang makitil? ngayong World No Tobacco Day, ating alalahanin huwag pabayaan ang baga't kalusugan natin! - gregbituinjr.,05/31/2019

Walang matuluyan, mawalang tuluyan

Imahe
WALANG MATULUYAN, MAWALANG TULUYAN (tula sa International Week of the Disappeared) mas mabuti pang ako'y walang matuluyan kaysa naman tulad ko'y mawalang tuluyan kung walang matuluyan, mag-ingat sa daan mahirap nang mawala't madukot ng halang Daigdigang Linggo ng Desaparesido ay ating gunitain ngayong linggong ito nawa mahal nila'y matagpuang totoo at kanilang kamtin ang hustisya sa mundo sa huling linggo ng Mayo ginugunita itong linggo ng sapilitang pagkawala paghanap sa kanila'y walang patumangga ang sakit na nadarama'y tila ba sumpa nawa'y matapos na ang pasakit at dusa pagkat mahal sa buhay ay natagpuan na - gregbituinjr./05/30/2019

Pagkabulag

PAGKABULAG nabubulag ba tayo sa sariling pagkabulag o nananatili tayong nagbubulag-bulagan o mas pinili nating maging bulag kaysa banlag o ang nangyari'y naging bulag sa buhay na hungkag bakit nagbubulag-bulagan sa ating paligid di ba't ang ating kapwa-tao'y atin ding kapatid ibon, isda, hayop, puno, halaman ay di lingid na kasama sa daigdig, may pag-ibig ding hatid anang isang awit: "Masdan mo ang kapaligiran" kung may mata ka, ang ganda ng paligid ay masdan pakasuriin mo ang lipunang kinalalagyan: bakit dukha'y milyun-milyon, mayaman ay iilan? tayo'y walang giya sa mata tulad ng kabayo na nilalandas lang kung anong mando ng kutsero alin ba sa titig ng banal o sulyap ng tukso ang pipiliin kung kaharap mo'y santo't agogo? - gregbituinjr.

Sa Pandaigdigang Araw ng Saribuhay, Mayo 22, 2019

Imahe
SA PANDAIGDIGANG ARAW NG SARIBUHAY  (INTERNATIONAL BIODIVERSITY DAY), MAYO 22, 2019 di ko alam, ngunit dapat ding pag-isipang tunay marahil kalikasan ay marunong ding malumbay at ngayong Pandaigdigang Araw ng Saribuhay sa nangyayari sa kalikasan, tayo'y magnilay may ulat na balyena'y namatay sa karagatan at may apatnapung kilong plastik sa kanyang tiyan may mga munting dolphin ding may gayong kapalaran bakit nangyayari ito, sinong may kasalanan? natadtad na ng polusyon ang lupa hanggang bundok nagkalat din ang mga basurang di nabubulok dapat magbayad ng malaki ang nagpapausok dulot ng coal fired power plants na nakasusulasok ang dagat na'y kayraming upos at single use plastic kayraming usok ng sasakyan sa ragasang trapik nauubos na ang kagubatang sa bunga'y hitik sa nangyayari, tayo pa rin ba'y patumpik-tumpik sa karagatan nagmumula ang pagkaing isda at sa bukid nakukuha ang pagkaing sariwa kung ang saribuhay ay ating binabalewala magugut

Soneto sa kaarawan ng dalawang magigiting na lider ng masa

Imahe
SONETO SA KAARAWAN NG DALAWANG MAGIGITING NA LIDER NG MASA Maligayang kaarawan sa dalawang magaling Na lider ng pakikibaka't sadyang magigiting Humaba pa ang buhay nila'y tangi naming hiling Maging malakas pa sila lalo't masa'y kapiling Lider nating Pedring Fadrigon at Tita Flor Santos Sa maraming isyu ng masa'y talagang kumilos Ibinigay ang panahon at nakibakang lubos Upang maralita'y di na basta binubusabos. Sa inyo, Tita Flor Santos at Ka Pedring Fadrigon Kasama ng masa sa pagharap sa mga hamon Sa marami sa amin, tunay kayong inspirasyon Talagang kasama sa pagbabago't rebolusyon Nawa'y magpatuloy sa adhikaing nasimulan At muli, pagbati ng maligayang kaarawan! - gregbituinjr.,05/18/2019

Hindi natin kailangan ng amo

Imahe
HINDI NATIN KAILANGAN NG AMO "Kailangan ako ng amo ko," sabi mo noon Hanggang ikaw ay lumisan at nagtrabaho doon Inuna ang pamilya upang may maipanglamon Dapat kumayod ng husto, walang baka-bakasyon. Ganyan nga sa araw-araw ang ating ginagawa Laging nagkakayod-kalabaw tayong manggagawa Upang magpatuloy ang kumpanyang tuso't kuhila Kontrakwal man at karampot na sahod ang mapala. May hukbo kasing walang trabaho, mga karibal Parang agawang buko, di ka basta makaangal Pag nagreklamo, turing sa iyo'y parang kriminal Pag di ka nagreklamo, para kang robot na hangal! Di naman talaga natin kailangan ng amo Basta gawin natin ang napag-usapang trabaho Di alipin ngunit kailangan natin ng sweldo Kaya para sa pamilya'y kumakayod ng husto. Di tayo mamamatay kung mga amo'y mawala Dahil sa manggagawa kaya sila pinagpala Hindi sila mabubuhay kung obrero'y mawala Pagkat pabrika o kumpanya'y di tatakbong kusa. Oo, sila lamang ang may kailangan

Kumilos kasama ng masa

Imahe
Kung nais mong tulungan ang "masa" at manalo sa simpatiya at suporta ng "masa," hindi ka dapat matakot sa mga kahirapan, o sakit, panlilinlang, insulto at pag-uusig mula sa "mga pinuno," ngunit dapat ganap na kumilos kung saan matatagpuan ang masa. ~ Lenin, Kaliwang Panig na Komunismo: Sakit ng Musmos (1920) KUMILOS KASAMA NG MASA "para sa masa", iyan ang bukambibig ng trapo "makamahirap ako," ang sambit ng pulitiko ngunit una sa pulitiko'y kanilang negosyo sa aktwal ay di nakikitang nagpapakatao ani Lenin, kung ang masa'y nais nating tulungan huwag katakutan ang sakripisyo't kahirapan, ni ang sakit, panlalansi't panghahamak ninuman ngunit kumilos saanman ang masa matagpuan sa pagnanasang baguhin ang bulok na sistema di ba't dapat makasama ang milyun-milyong masa na pangungunahan ng manggagawa't magsasaka na mapalitan ang sistemang burgis-elitista ayaw na nating umiral p

Ang 13 Martir ng Bagumbayan, ng Cavite, at ng Arad

Imahe
ANG 13 MARTIR NG BAGUMBAYAN, NG CAVITE, AT NG ARAD Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr. Ano nga ba ang mayroon sa numero 13 at sa pananaliksik ko'y may labintatlong martir ng himagsikan sa tatlong lugar - dalawa sa Pilipinas at 1 sa ibang bansa. Marahil ay mayroon pang iba na tulad nito na hindi pa nasasaliksik.  Sagisag ba ng kamalasan ang numero 13 kaya labintatlong manghihimagsik ay magkakasamang pinaslang sa magkakahiwalay na pangyayaring ito? Naisip kong sulatin ang artikulong ito dahil nang sinaliksik ko ang talambuhay ni Moises Salvador, napag-alaman kong isa siya sa 13 Martir ng Bagumbayan. Sa Moises Salvador Elementary School ako bumuboto kaya pilit kong kinilala si Moises Salvador. Dahil kilalang lugar sa Cavite ang Trese Martires, na ipinangalan sa 13 martir ng Cavite noong Himagsikan Laban sa Kastila, naisip kong pagsamahin sa iisang artikulo ang 13 Martir ng Bagumbayan at 13 Martir ng Cavite. Ito'y paraan din upang ipakilalang may 13 Martir ng B

Kailan ba talaga isinilang ang KPML: 1985 o 1986?

Imahe
KAILAN BA TALAGA ISINILANG ANG KPML: 1985 O 1986? Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr. Natatandaan ko, may naisulat noon si Ka Roger Borromeo (SLN), dating pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, hinggil sa kasaysayan ng KPML, at isinulat nga niyang noong panahon ni Marcos isinilang ang KPML. Natatandaan kong isinulat niya ay parang ganito:  "Sa gitna ng pakikibaka laban sa diktadurang Marcos isinilang ang KPML" . Subalit wala akong kopya ng sinulat niyang iyon, at hindi ko iyon pinansin sa pag-aakalang Disyembre 18, 1986 isinilang ang KPML dahil iyon ang nakasaad sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML". Ang petsang iyon na ang nakagisnan ko nang maging staff ako ng KPML noong Nobyembre 2001 hanggang Marso 2008. Nakabalik lamang ako sa KPML nitong Setyembre 16, 2018 nang mahalal ako bilang sekretaryo heneral ng pambansang pamunuan nito. Matagal na naming alam na isinilang ang KPML noong Disyembre 18, 1986, dahil iyon ang itinuro sa amin ng

Sino si Moises Salvador?

Imahe
SINO SI MOISES SALVADOR? ni Greg Bituin Jr. Kaboboto ko lang muli sa Moises Salvador Elementary School ngayong Halalan 2019. Ito na ang pang-ilampung boto ko sa paaralang ito. Bata pa lang ako ay kilala ko na ang pangalang Moises Salvador dahil sa pangalan ito ng isa sa tatlong magkakatabing eskwelahan malapit sa aming bahay sa Sampaloc. Ang dalawa pang katabing paaralan ng Moises ay ang Trinidad Tecson Elementary School, at ang Heneral Licerio Geronimo Elementary School. Kilala ko na ang Moises Salvador sapul nang aking kabataan, subalit hindi ko talaga kilala sino ba si Moises Salvador bilang tao. Kilala ko ang Moises Salvador dahil ang paaralang ito ang pinagbotohan ko nang higit dalawang dekada. Sino nga ba si Moises Salvador, at bakit ipinangalan sa kanya ang isang paaralan? Labindalawang araw lang mula nang paslangin ng mga Espanyol si Dr. Jose Rizal sa Bagumbayan, labintatlo pang martir para sa pagpapalaya ng bayan ang binaril din sa Bagumbayan. At isa si Moises Salva

Hiyaw ng masa: Hustisya sa bayan ko!

HIYAW NG MASA: HUSTISYA SA BAYAN KO! Ngayong ikasampu ng Mayo ay anibersaryo ng pagkapaslang sa Supremo Andres Bonifacio. Isang paggunita sa pagpaslang sa libu-libo. Sa ngalan ng War on Drugs, naging War on the Poor ito. Kaya ang hiyaw ng madla: HUSTISYA sa bayan ko! Taas-kamao't mahigpit kaming nakikiisa sa mga nakikibaka laban sa bantang Cha-Cha. Nagbabanta ang mga naiibang elitista. Babaguhin ang Konstitusyon dahil gusto nila nang mapagharian ang peke nilang demokrasya Babaguhin ang sistema tungong federalismo? Sa ibang bansang watak-watak, nagkaisang todo kaya sistema'y federal ng mga bansang ito. Mula isang bansa'y pagbubukurin tayo, iigting ang dinastiya't kabulukan ng trapo. Inumpisahan nila sa pananakot, panonokhang upang matakot pumalag ang masa't sambayanan. Suriin mo, pulos droga lang ang kanilang alam at sa Tsina'y nais pa tayong maging lalawigan. Tayo'y inuuto, ibinebenta na ang bayan! Huwag tayong matakot, harapin ang

Sariling kaligtasan lang ba o kaligtasan ng lahat?

Imahe
SARILING KALIGTASAN LANG BA O KALIGTASAN NG LAHAT? kapag minamaneho mo ba ang isang sasakyan ang naiisip mo lang ba'y ang iyong kaligtasan di ba't iniisip mo rin ang ibang nakalulan kapamilya, kapuso, di-kakilala, sinuman pag nagkasunog, nauuna tayo sa bumbero sa pagkuha ng tubig, aba'y tulong-tulong tayo at di mo lang sariling bahay ang ililigtas mo kundi bahay ng kapwa mong di mo kaanu-ano tulad mo, bilang mamamayan, anong nasa diwa sariling kaligtasan lang ba't iba'y balewala? pag sinakop na ba ng Tsina'y mangingibang-bansa? o sama-sama tayong lalaban upang lumaya? mahirap magpabaya't isipin lang ang sarili lalo't kapwa'y binabalewala, animo'y tigre di ba't takot matuklaw ng ahas ang mga bibi huwag patulog-tulog baka masila ng bwitre walang mawawala sa pakikipagkapwa-tao ngunit di tayo payag apak-apakan lang tayo sama-sama nating ipagtanggol ang bansang ito ito ang tahanan natin, tirahan nati'y dito - gregb

Sapat lang ang dapat kainin

Imahe
sa salu-salo, pag kumuha ako ng pagkain alam kong sapat na iyon sa aking kakainin kaya pag binigyan mo ako ng dagdag na ulam batid ko nang sasakit ang sikmura ko't kakalam dapat alam natin kung anong sapat sa sarili upang di lumabis at katawan ay mapabuti ulam man ay letsong kawali, isda, o bulanglang mahirap mabundat at kinain ay isuka lang - gregbituinjr.

Ilampaso ang kandidatong maka-Intsik

Imahe
ILAMPASO ANG KANDIDATONG MAKA-INTSIK di ba't mahalagang sa bayan tayo'y naglilingkod upang laya ng bayan ay matiyak na matanod di ba't sa pagsakop ng dayo'y di tayo luluhod di rin payag sa sariling bayan tayo'y ingudngod pag nanalo ang mga kandidatong maka-Intsik kontrolado nang tiyak ng pangulong mabalasik ang Senado't Kongreso, kaysaya ng mga lintik sa Tsina nga'y naglalaway na sila't nasasabik kaya huwag payagang manalo ang mga ulol ang bansa'y isinisilid na nila sa ataul dapat ipakita na ang malawakang pagtutol huwag silang iboto't bayan nati'y ipagtanggol ibagsak lahat ng maka-Intsik na kandidato huwag iboto ang partido ng mga sanggano ang bayang malaya'y huwag ipasakop sa Tsino kaya kandidato nila'y ilampaso ng todo - gregbituinjr.Ilampaso ang kandidatong maka-Intsik

Sana'y dumating na ang araw ng sagupaan

SANA'Y DUMATING NA ANG ARAW NG SAGUPAAN sinanay upang maging handa sa mga labanan inaral kung paano ipansalag ang kampilan sinanay sa buhay ng kahirapa't kagutuman at matiisin daw kaming aktibistang Spartan kung walang pera, aba'y maglakad papuntang pulong kung walang pagkain, aba'y magtiis ka sa tutong kung walang alawans, sanay namang gumulong-gulong kung walang pang-ulam, mamitas na lang ng kangkong matiisin daw kaya madaling balewalain tingin sa amin ay maglulupa't sundalong kanin kami'y utusan lang na madali lang alipinin dahil pawang kumunoy ang nilalakaran namin matagal na kaming naghanda sa pakikidigma matagal na kaming nagtiis sa gutom at sumpa kailan mag-aalsa ang hukbong mapagpalaya sana'y dumating na ang araw ng pagsasagupa kaming mga aktibistang Spartan ay narito nagtitiis para sa pangarap na pagbabago handa ang gulugod, ang puso, ang kris, ang prinsipyo handang sumagupa sa sepyenteng may tatlong ulo - gregbituinjr.

Pagbabalik sa buhay-Spartan

PAGBABALIK SA BUHAY-SPARTAN pag nawala si Misis ng ilang araw o linggo sa buhay-Spartan ay muling bumabalik ako bilang mandirigmang sumasagupa sa delubyo na mga kalaban ay pagugulungin ang ulo kailangang umuwi ni Misis sa lalawigan upang doon gampanan ang tungkulin sa halalan ako namang naririto sa lungsod maiiwan dahil nasa Maynila ang aking pagbobotohan tila ba langay-langayan sa dagat ng siphayo tila sinisipat ang pinupuntiryang kaylayo tila apo ni Leonidas, dugo'y kumukulo tila handa sa laban, mabasag man yaong bungo ako'y aktibistang Spartan, dugong mandirigma kayang mabuhay saanman, kahit salapi'y wala nakikibakang palaging nakatapak sa lupa tangan ang kaluban, handang bunutin ang kampilan at pag umuwi na si Misis sa aming tahanan magkakakulay muli ang nangitim kong kawalan mabubuhay muli ang pugad ng pagmamahalan at muli ay makadarama ng kapayapaan - gregbituinjr.

Kwentong cabbage at ang Wikang Filipino

Imahe
KWENTONG CABBAGE AT ANG WIKANG FILIPINO Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr. Inaamin ko, hindi ko kabisado ang ilang katawagan sa wkang Ingles. Ito marahil ay dahil wala ako sa Britanya o sa Amerika. Nasa Pilipinas ako na gamit ang sariling wika. Wikang tila binabalewala ng iba dahil mas nais pa nilang gamitin ang wikang Ingles, o wikang dayuhan, kahit may katumbas naman sa sariling wika. Matagal nang nangyari ang kwentong ito, na nais kong balikan ngayon. Minsan, sa isang pulong, pinabili ako ng isang kasama, na mula sa ibang lalawigan, dahil kulang ng sahog ang kanyang iluluto. Nagpabili siya ng cabbage, akala ko imported na gulay. Para bang Baguio beans na nagmula sa Baguio o French beans na galing sa France o tanim ng mga Pranses, kaya ganoon ang tawag. Cabbage. Kasintunog ng pangalan ng matematikong si Charles Babbage. Kaya sa palengke ay nagtanung-tanong ako ng cabbage. Kahit kaharap ko na ang iba pang gulay tulad ng okra, talong, talbos ng kamote, repolyo, kam

Tula sa Mayo Uno

TULA SA MAYO UNO kapitbisig na nagmartsa ang mga manggagawa tila di napapagod sa lakarang anong haba habang isa'y humihiyaw ng: "uring manggagawa!" at ang iba'y sasagot ng: "hukbong mapagpalaya!" pinagdiriwang nila ang dakilang Mayo Uno na sa kasaysaya'y punung-puno ng sakripisyo habang taas-kamaong inaawit ng obrero ang Internasyunal, kantang tagos sa pagkatao makabagbag-damdaming awit sa dakilang araw ng mga manggagawang may pag-asang tinatanaw mababago rin nila ang lipunan balang araw pag nawasak ang sistemang may tarak ng balaraw wawakasan na nila ang pribadong pag-aari pagkat dahilan ng pagsulpot ng maraming uri na dulot ay pagsasamantala't pagkukunwari; nais nilang lipunang manggagawa'y ipagwagi - gregbituinjr.