Kailan ba talaga isinilang ang KPML: 1985 o 1986?

KAILAN BA TALAGA ISINILANG ANG KPML: 1985 O 1986?
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Natatandaan ko, may naisulat noon si Ka Roger Borromeo (SLN), dating pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, hinggil sa kasaysayan ng KPML, at isinulat nga niyang noong panahon ni Marcos isinilang ang KPML. Natatandaan kong isinulat niya ay parang ganito: "Sa gitna ng pakikibaka laban sa diktadurang Marcos isinilang ang KPML". Subalit wala akong kopya ng sinulat niyang iyon, at hindi ko iyon pinansin sa pag-aakalang Disyembre 18, 1986 isinilang ang KPML dahil iyon ang nakasaad sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML".

Ang petsang iyon na ang nakagisnan ko nang maging staff ako ng KPML noong Nobyembre 2001 hanggang Marso 2008. Nakabalik lamang ako sa KPML nitong Setyembre 16, 2018 nang mahalal ako bilang sekretaryo heneral ng pambansang pamunuan nito. Matagal na naming alam na isinilang ang KPML noong Disyembre 18, 1986, dahil iyon ang itinuro sa amin ng mga naunang lider ng KPML. Subalit nang makita ko ang kasaysayan ng PCUP na binanggit ang KPML, naisip kong hindi 1986 itinatag ang KPML kundi noon pang panahon ni Marcos, na marahil ay noong 1985. Binalikan ko rin ang isang magasin hinggil kay ka Eddie Guazon, kung saan nabanggit na pangulo siya ng KPML sa kalagitnaan ng taong 1986.

Ang sumusunod ang nakasulat na kasaysayan ng KPML, ayon sa dokumentong "ORYENTASYON NG KPML", na hawak ng bawat lider at organisador ng KPML sa mahabang panahon, at makikita rin sa blog ng KPML na nasa kawing na http://kpml-org.blogspot.com/2008/04/oryentasyon-ng-kpml.html.

"C. KAILAN AT PAANO NABUO ANG KPML

Sa gitna ng magiting na pakikibaka ng maralita sa karapatan sa paninirahan, serbisyo at kabuhayan, itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986 bunga ng pagkakabigkis ng iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Againts Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Ang KPML ay isang katugunan sa pangangailangan para sa isang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.

Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.

Nagtuloy-tuloy ang pakikibaka ng maralita sa pangunguna ng KPML. Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa MalacaƱang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralita ng lunsod.

Bagamat nakapagpatayo ng ganitong ahensya para sa maralita, wala ni isa man sa nilalaman ng People’s Proposal ang nakamit, tulad ng ang dapat mamuno rito ay mismong galing sa hanay ng maralita. Walang habas na ipinapatupad ng pamahalaan ang marahas na demolisyon at ebiksyon ng mga maralita. Pagkaraan ng isang taon, nabuwag ang NACUPO at muling pinamunuan ng KPML ang pakikibaka ng maralita."

Subalit nabahala ako na baka totoo nga ang isinulat noon ni KR na kasagsagan ng pagkapangulo ni Marcos nang isinilang ang KPML. Kung pagtutugmain sa pagkakatatag ng Presidential Commission of the Urban Poor (PCUP), marahil ay isinilang ang KPML noong Disyembre 18, 1985, panahong di pa nagaganap ang Pag-aalsang EDSA. Panahon din ito kung saan naitatag ang Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND) na naitatag noong Nobyembre 23, 1985, at BALAY Rehabilitation Center noong Setyembre 27, 1985.

ANG KPML, AYON SA PCUP

Ganito naman ikinwento ng PCUP ang kanilang kasaysayan kung saan nabanggit nila ang KPML, at inilathala ko naman ng buo sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang publikasyon ng KPML, isyu ng Abril 1-15, 2019, mula sa kawing na http://pcup.gov.ph/index.php/transparency/about-pcup/background-history:

"Two months after the February political revolt, on April 10, 1986 the Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, or KPML, had a dialogue with President Corazon C. Aquino and demanded for a moratorium on demolition, and for the establishment of the Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA), a government unit that would allow avenues for the poor for consultation and participation on things that concern them.

On May 30 to June 2, 1986, another alliance was formed, the National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), composed of two major groups of varying ideological leanings. This new organization pursued the same issues raised during their April 10 march to Malacanang. They stated, however, that they wanted to change PAUPA to PCUP or Presidential Council on Urban Poor.

On December 8, 1986, President Aquino issued Executive Order No. 82 which created PCUP, mainly a coordinative and advocacy body mandated to serve as the direct link of the urban poor to the government in policy formulation and program implementation addressed to their needs”. Nakakuha ako ng dalawang pahinang dokumento ng Executive Order 82, na nag-aatas ng pagtatayo ng PCUP, na nilagdaan ni dating Pangulong Cory Aquino, na may petsang Disyembre 8, 1986.

Abril 10, 1986 pa lang ay may KPML na, ayon sa dokumento ng PCUP. Kaya paanong naging Disyembre 18, 1986 saka lang nabuo ang KPML?

PAGKAKABUO NG NACUPO

Ayon naman sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML": "Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa MalacaƱang." Subalit ayon sa PCUP: "On May 30 to June 2, 1986, another alliance was formed, the National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), composed of two major groups of varying ideological leanings. This new organization pursued the same issues raised during their April 10 march to Malacanang. They stated, however, that they wanted to change PAUPA to PCUP or Presidential Council on Urban Poor."

Noong Mayo 1990, isang taon mula nang mamatay si Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML, ay inilathala ang talambuhay ni Ka Eddie sa isang babasahin, at ganito naman ang isinasaad, mula sa kawing na https://kpml-org.blogspot.com/2009/05/touched-by-his-life-ka-eddie-guazon.html.

"In mid-1986, the Aquino administration sponsored a national consultation-workshop among the urban poor, during which the National Congress of the Urban Poor Organizations (NACUPO) was formed. Together with the other delegates, Tatay Eddie, who was already the KPML chairman then, called for the creation of an agency for the urban poor. The agency would represent the urban poor in the planning and implementation of government programs and policies."

Kalagitnaan pa lang ng 1986 ay nakatayo na ang KPML, at tagapangulo na noon si Ka Eddie Guazon. Kaiba ito kaysa nakasaad sa Oryentasyon ng KPML na nagsasabing Disyembre 18, 1986 naitatag ang KPML gayong may KPML na sa kalagitnaan ng 1986. Ayon pa sa Oryentasyon, sa kalagitnaan ng taong 1987 nabuo ang NACUPO, ngunit walang eksaktong petsa. Subalit 1986 ito nabuo, ayon sa talambuhay ni Ka Eddie Guazon, at sa dokumento ng PCUP na isinulat ang eksaktong petsa, Mayo 30 hanggang Hunyo 2, 1986, na apat na araw na pagtitipon. Alin ang totoo?

ILANG PAGSUSURI

Kung naitayo ang PCUP noong Disyembre 8, 1986, kung saan isa ang KPML na nakibaka upang maitayo ang PCUP, at sinasabi naman ng KPML na isinilang siya noong Disyembre 18, 1986, hindi nagtutugma ang kasaysayan. Dahil nauna ng sampung araw na itinatag ang PCUP kaysa KPML, gayong ang KPML ang isa sa nanawagang magkaroon ng PCUP. May problema sa datos.

Subalit kung totoo ang sinabi ni KR na panahon ni Marcos nang itatag ang KPML, magtutugma ang kasaysayan sa tatlong batayan: ang sinabi ni KR, ang dokumento ng PCUP, at ang talambuhay ni Ka Eddie Guazon. Dagdag pa, suriin din ang mga datos ng tatlong dokumento: ang Oryentasyon ng KPML, ang kasaysayan ng PCUP, at ang talambuhay ni Ka Eddie Guazon, kung anong taon talaga isinilang ang KPML. Kung nahingi ko lang noon kay KR ang isinulat niyang kasaysayan ng KPML, magandang panimula na sana iyon ng pagtatama ng kasaysayan. Subalit hindi ko iyon binigyang pansin noon, dahil nga batay sa Oryentasyon ng KPML, 1986 at hindi 1985 isinilang ang KPML, at may selyong bakal pa ang KPML na nakasulat ang Disyembre 18, 1986.

Maraming dapat itama sa datos, lalo na't hindi magkakatugma. Kailan talaga isinilang ang KPML? Disyembre 18, 1985 nga ba, na batay sa isinulat noon ni KR, na nakita ko, subalit wala akong kopya? O ang nakasaad sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML" na isinilang ang samahang ito noong Disyembre 18, 1986?

Ang tanong, sino ang nagsulat ng naunang kasaysayan ng KPML na ginagamit sa oryentasyon nito, at bakit hindi ito nagtutugma sa mga pangyayari batay sa kasaysayan ng PCUP at sa talambuhay ni Ka Eddie? Kailangan nating malaman kung kailan talaga isinilang ang KPML dahil malaki ang epekto nito. Panahon ba ni Marcos isinilang ang KPML kung saan matindi pa ang paglaban ng mga tao sa diktadurang Marcos? O sa panahon ni Cory Aquino na diumano'y may kalayaan na, at sariwa pa ang tagumpay ng mga tao sa pagpapatalsik sa tinagurian nilang diktador? Sumama ba at nakibahagi ang KPML sa Pag-aalsang EDSA noong Pebrero 22-25, 1986?

Marahil dapat tanungin ang mga naunang lider ng KPML na nabubuhay pa, katulad ni Ka Pedring Fadrigon, ang pambansang pangulo ng KPML, at ni Ka Butch Ablir ng ZOTO.

Marahil dapat pag-usapan ang kasaysayang ito ng pambansang pamunuan ng KPML, kasama ang Konseho ng mga Lider nito, sa susunod na pulong ng Pambansang Konseho nito sa darating na panahon. At kung kinakailangan, isulat ang resolusyon ng pagtatama ng kasaysayan ng KPML, na lalagdaan ng mayorya ng kasapi ng Pambansang Konseho ng KPML.

KONGKLUSYON

Kung pagbabatayan ko ang mga datos, hindi Disyembre 18, 1986 isinilang ang KPML, at malamang ay Disyembre 18, 1985. Hindi lang ito usapin ng petsa o kung anong taon talaga isinilang ang KPML. Usapin ito ng pagsasalaysay ng tama, kung ano ang naging batayan ng pagkakabuo, kung anong panahon, tulad ng panahon ba ng diktadura kaya dapat itayo ang KPML, o panahon na kasi na "malaya" na ang bayan kaya malaya na tayong nakapag-organisa.

Kung ang KPML ay naitatag noong 1985, ang KPML ay ibinulwak ng pakikibakang anti-diktadura, tulad ng kasabayan nitong FIND at BALAY. Kung 1986 naman, ano ang batayan ng pagkakatatag ng KPML sa panahong "malaya" na ang bayan? Ganyan kahalaga ang kasaysayan, kaya dapat maitama rin natin ang mga petsa at datos na dapat maisulat.

Batay sa pagsusuri at mga nasaliksik na ito, kailangang itama at muling isulat ang kasaysayan ng KPML.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom