Kung ako ang palarin

kahapon, nakatitig muli ako sa kawalan
kailan ba matatapos ang ganitong digmaan
aba'y di na mapakali ang puso ko't isipan
lalo't nakangisi na sa akin si Kamatayan

at ngayon, nakatunganga muli ako sa kisame
kailan ba magwawakas ang pagiging salbahe
at katiwalian nitong trapong di nagsisilbi
sa bayan kundi sa sariling bulsa't sa sarili

bukas kaya, aakyat ako't tutulay sa ulap
bakasakaling marating ko ang pinapangarap
kung maalimpungatan, mawala ng isang iglap
ang hinehele ng diwa't puso kong nangungusap

matatapos din ang paghihirap, magtatapos din
ayon nga kay Kamatayan, kung ako ang palarin

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom