Tula laban sa proyektong Kaliwa Dam

nagmamarka ang bangis ng mga nagkakanulo
upang katutubo'y itaboy sa lupang ninuno
upang proyektong Kaliwa Dam ay mabigyang-daan
upang magkaroon ng tubig ang Kamaynilaan
kahit na lulubog ang maraming nayon at bayan

proyektong Kaliwa Dam ay paano masusugpo
upang di mawasak ang tahanan ng katutubo
pigilan ang proyektong dahilan ng kasiraan
ng kalikasan, kapaligiran, at kalinangan
lupang ninuno'y kultura, buhay, dangal, tahanan

proyektong Kaliwa Dam dapat tuluyang maglaho
upang mga katutubo'y di siyang mabalaho
ang katutubo'y ating kapatid, may karangalan
kapatid ay di dapat pinagsasamantalahan
ng sinumang ganid at mayayaman sa lipunan

huwag nating hayaang tayo'y dinuduro-duro
ng mga taong mapagpanggap at mapagkanulo
di na dapat matuloy ang proyektong Kaliwa Dam
sa isyung ito'y makibaka tayo't makialam
upang mga sunod na salinlahi'y di magdamdam

- gregbituinjr.
* nilikha ng makata at binasa sa rali sa harap ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Oktubre 16, 2019, kasama ang iba't ibang grupong kabilang sa Stop Kaliwa Dam Network, tulad ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Freedom from Debt Coalition (FDC), Haribon Foundation, Sanlakas, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), SKDN (grupo ng mga katutubo mula sa Daraitan), at marami pang iba.


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom