Tuyo man at kamatis ang handa sa kaarawan

tuyo man at kamatis ang handa sa kaarawan
ang mahalaga, araw mo'y pinahahalagahan
sintigas man ng bato ang mukhang walang anuman
sa pisngi'y sintapang man ng apog ang kakapalan
araw iyon ng pagdiriwang, dapat masiyahan

handa man sa kaarawan ay tuyo at kamatis
mahalaga'y kumakain ka ng di pa napanis
di baleng walang litson, kaya pa namang magtiis
pag may dumalaw na lamok, dapat iyong mapalis
pag may lisa sa anit, aba'y dapat mong matiris

sa kaarawan man ang handa'y kamatis at tuyo
ang mahalaga, pagmamahal mo'y di naglalaho
tulad ng lawin ay tumingin sa lahat ng dako
baka matanaw mong kayraming pangakong napako
lalo na sa mahal mong dilag na iyong sinuyo

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom