Nakaw na libing

di bayani ang diktador, iyo bang natatalos
nang inilibing ang mula sa pamilya dorobos
nagnakaw sa kaban ng bayan, dumami ang kapos
dumami ang kroni, dumami rin ang binusabos
mismong likod ng bayan ay pataksil na inulos
ang kataksilan sa masa'y balaraw na tumagos

lumabas sa lansangan pati matatandang tibak
paano naging bayani, paduguin ang utak
maraming winala, pinaslang, mga pinahamak
at ngayon nga'y dignidad pa ng bayan ang yinurak
nakaw na libing, sa likod ng bayan ay tumarak
nakaw na libing ng magnanakaw na ibinagsak

- gregbituinjr.
* pangatlong tulang nilikha at binasa ng makata sa rali sa paggunita sa ikatlong anibersaryo ng paglilibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani, Nobyembre 18, 2019, kasama ang grupong IDefend, idinaos sa Boy Scout Circle

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom