Pagninilay sa pagkabata

ang batang makulit ay napapalo raw sa puwit
ay, paano ba naman, kapwa bata'y nilalait
magdudulot lang ng away, sila'y magkakagalit
aba'y pagsabihan lang sila't huwag magmalupit
baka balang araw, batang makulit ay babait

ang batang matalino ay nag-aaral ng husto
asignaturang bigay ng guro'y gagawin nito
magbubuklat lagi't babasahin ang kanyang libro
kinabukasa'y nasa isip, pagharap sa mundo
kaya siya'y matiyaga't nagsisikap matuto

ang batang masikap ay tiyak na di maghihirap
matiyagang mag-aral, punung-puno ng pangarap
tinutulungan din ang ama't inang mapaglingap
upang sa kinabukasan ay di niya malasap
ang pinagdaanang buhay ng pamilyang mahirap

ang batang naliligo, sa sakit ay nalalayo
magsabon ka't maghilod din ng katawan, maggugo
kili-kili't singit ay hilurin nang taos-puso
alisin ang sangkilong libag nang di masiphayo
magbanlaw ka nang bumango't ang iba'y marahuyo

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom