Sinusundo ko si Misis sa kanyang pinasukan

sinusundo ko si Misis sa kanyang pinasukan
dahil sabik akong siya'y muli kong masilayan
tila siya diwata sa laot ng karagatan
siya ang aking sangre sa malayong kagubatan
siya ang tagahawi ng ulap sa kalangitan

pag nakita siya, buhay ko'y umaaliwalas
ang anumang kalungkutan ay di mo mababakas
magkatuwang kami sa pangarap na nilalandas
maganda niyang ngiti'y nakakawala ng banas
kung ako'y maysakit, ang bawat haplos niya'y lunas

pangako sa sarili'y lagi siyang susunduin
uuwi kaming magkasabay sa tahanan namin
kung kailangan, aatupagin ko ang labahin
tagagayat ng sibuyas at ibang lulutuin
higit sa lahat, patuloy kami sa simulain

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom