Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Mayo, 2020

Sa mga mambabasa ng Taliba ng Maralita

Mayo 31, 2020 Sa mga mambabasa ng Taliba ng Maralita, Maraming salamat sa inyong pagtangkilik sa  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Simula nang matagumpay na mailunsad ang Ikalimang Pambansang Kongreso ng KPML, nakapag-umpisa muli tayo ng paglalathala ng  Taliba ng Maralita . Noong mag-umpisa ako sa KPML bilang staff noong taon 2001 hanggang Marso 2008, sa akin pinatrabaho ang paglalabas ng  Taliba ng Maralita , kaya nakapaglathala tayo ng  Taliba ng Maralita  noon sa size na 8.5 x 11 o short bond paper bawat pahina, at walong pahina kada labas nito. Nalalathala ito noon ng isang beses kada tatlong buwan, apat na beses sa isang taon, may kulay ang unang pahina. Nang mawala na ako noong Marso 2008 bilang staff, at naging volunteer na lamang, di na nakagawa ng  Taliba ng Maralita  dahil na rin sa kakapusan ng badyet. Subalit lumiit ito ngayon, bawat pahina ng  Taliba ng Maralita

Inadobong lamang loob ng bangus

Imahe
Inadobong lamang loob ng bangus inadobo kong muli ang lamang loob ng bangus dati'y pulutan lang, ngayon ay ulam ko nang lubos inadobong bituka, apdo't atay, aba'y ayos di isinama ang hasang, ang tiyan ko'y nag-utos lamangloob ng bangus ay pampulutan lang noon ngunit dahil sa kwarantina'y pang-ulam na ngayon kadalasan nga, bituka'y kanilang tinatapon inisip lang ng lasenggerong pulutanin iyon kaya iba talaga ang panahong kwarantina lalo na't COVID-19 sa mundo'y nananalasa di na normal ang buhay, kaya mapapaisip ka lalo sa pagkain, nang di magutom ang pamilya sa kanila'y katawan ng bangus, iba ang akin dagdag ang bituka ng bangus na aadobohin ayaw man nila, sa akin ay nakabubusog din salamat sa tanggero, ito'y natutunan ko rin - gregbituinjr. 05.30.2020

Maraming tanong na namumutiktik sa isipan

Imahe
Maraming tanong na namumutiktik sa isipan ako'y nagmamakata sa panahong kwarantina nakatingalang kinakatha'y mga alaala paano ang dalitang patuloy na nagdurusa? hinahanap ng tulad nila'y di pa rin makita o ayaw talagang tingnan, nais na lang hayaan sino nga ba ang dukhang sakbibi ng kahirapan na wala namang kwenta sa tulad nilang mayaman tingin kasi nila dukha'y pataygutom at mangmang nakikita ko ang mga iyon at tinutula sino nga ba iyang dukhang laging kinakawawa? bakit nga ba may mayaman, bakit may maralita? mayayaman ba'y bida't dukha'y laging lumuluha? maraming tanong na namumutiktik sa isipan bakit ba may mga iskwater sa sariling bayan? kaya bilang makata'y pag-aralan ang lipunan kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan maraming tanong na dapat kong hanapan ng sagot habang nasa lockdown at nananalasa ang salot mabuting kumatha sa panahong nakababagot na pinag-aralang mabuti't di lang pulos hugot - gregbituinjr.

Magtanim ka na lang ng kamote

may kasabihang "magtanim ka na lang ng kamote" simpleng kawikaan ngunit kayraming sinasabi lalo't nasa kwarantina, ito pala'y may silbi upang may matatalbos ka rin, di pa naman huli magtanim ka na lang ng kamote'y tukso sa tamad biro sa mga batugang tila walang pag-unlad tukso sa taong ang isip ay laging lumilipad biro sa sinumang wala raw namang abilidad ngunit ngayong may lockdown, malaki ang pakinabang sa pagtatanim ng kamote pag wala kang ulam ilaga mo ang talbos o ihalo sa sinigang iluto ang bunga't tiyak gutom mo'y mapaparam halina't magtanim ng kamote, kumilos tayo para sa kinabukasan, di lang dahil sa tukso ito nga'y isang kasabihang nagkakatotoo nang may makain at di magutom ang pamilya mo - gregbituinjr.

Sa Taliba ng Maralita na ako mamamatay

isang makata't manunulat akong naturingan na dapat ay maraming dyaryong pinagsusulatan subalit nagsusulat lang sa isang pahayagan sa Taliba ng Maralita ng aming samahan pasalamat ako sa Taliba ng Maralita pagkat ako'y nakakapaglingkod sa mga dukha Taliba ng Maralitang tanging naglalathala sa ngayon ng mga sanaysay ko't nalikhang tula dalawampung pahinang pahayagang dukha ito kaya ang paggawa nito'y pinagbubutihan ko pagkat tanging ito lang ang sinusulatang dyaryo kada buwan ay dalawang beses ang labas nito kung sina Lopez Jaena nga'y may La Solidaridad sa kasaysayan pa'y may pahayagang La Libertad ako'y sa Taliba ng Maralita naglalahad  isyu't problema ng bayan ang dito'y nilalantad sa lalamaning artikulo'y laging nagninilay sinong susulat, sinong may akdang maibibigay anong wastong linya't artikulong dapat ilagay ito na ang pagsusulatan ko hanggang mamatay salamat sa publikasyong ito ng mga

Tunay ngang matematika'y pandaigdigang wika

tunay ngang matematika'y pandaigdigang wika ekwasyon ay unawa na sa maraming salita sa wikang Ingles, Intsik, Hapon, Arabo, Kastila maging ikaw ay taga-New York o taga-Maynila ang Pythagorean theorem ay pare-pareho at geometriya ni Euclid saanman sa mundo sa anumang wika'y tiyak maisusulat ito unawa ang plus, minus, multiply, ibang simbolo ang ekwasyon ni Einstein hinggil ss relatibidad ang Fermat's last theorem, matagal man, lutas agad ang algoritmo, logaritmo't ibang abilidad trigonometriya't calculus nga'y wikang nilantad matematika'y gamitin natin sa makatwiran at pangkomunikasyon sa iba't ibang larangan gamitin din ito upang mabago ang lipunan nang mawala ang pagsasamantala't kaapihan - gregbituinjr.

Kung kamatayan ko ang mitsa ng kanyang pagbagsak

nagsusulat ako ng tulang sa masa'y may silbi na sa kaapu-apuhan ay mapagmamalaki na nakibaka rin sa kalagayang anong tindi na tuso't gahaman sa tula ko inaatake diktador man siya o bwitre, tatamaang lintik pag nagpasya ang pluma ko'y di na patumpik-tumpik pakikinggan sinumang api sa kanilang hibik kuhila'y bibirahin sa gawang kahindik-hindik kung kamatayan ko ang mitsa ng kanyang pagbagsak dahil sa nilikhang tula laban sa mapangyurak kung dahil sa kinatha ko, ako'y mapapahamak tatanggapin ko, basta sa trono siya'y lumagpak pagkat aking bawat tula'y para sa taumbayan at para sa pagbabago ng bulok na lipunan na samutsaring paksa'y aking pinaninindigan na ito'y katha ng pagtatanggol sa sambayanan - gregbituinjr.

Ilang pananaw hinggil sa ating karapatan sa kalusugan

Imahe
Ilang pananaw hinggil sa ating karapatan sa kalusugan Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr. Ano nga ba ang tinatawag na rights based approach to health? O ano ang kalusugang nakabatay sa karapatan? Mahalaga ang usaping ito lalo na ngayong panahon ng pananalasa ng COVID-19. Ito ba'y isyu ng mga nasa sektor ng kalusugan, o isyu ito ng mga sundalo at kapulisan? Bakit sa usapin ng kalusugan, parang martial law at pulos pulis at militar itong mga nakaharap sa taumbayan, imbes na mga doktor, nars, at iba pang nasa sektor ng kalusugan? Masakit pakinggan na sabihin nating ang tanging alam lang ng pangulo sa pagsugpo ng problema ay pagpaslang o extrajudicial killings (EJK), kaya pati sa usapin ng COVID-19 ay pulis at militar pa rin ang inihaharap. Sigaw nga ng marami sa atin: Serbisyong Medikal, Hindi Militar! Checkup, hindi checkpoint! Paano ba natin nauunawaan na tayo'y nakaharap sa sakit na coronavirus, at hindi tungkol sa pasistang paghahari? Ano nga ba ang ating

Kaytagal nang di nasasayaran ang bahay-alak

kaytagal nang di nasasayaran ang bahay-alak pagkat walang tinatagay at walang nakaimbak ang tagay na lang ay katas ng dahong pinasulak o kaya'y luya, sa salabat nga'y napapalatak sa tingin ko'y di na malasing ang mga bulati dahil walang alak, katawan ko nama'y umigi di na ako lasenggero sa aking guniguni tumino ang tanggero kahit walang sinasabi o, kwarantina, kailan ka kaya matatapos? si Valentina ka bang di ko maisip na lubos? nais ko'y alak o kaya'y serbesa kahit kapos nagbabakasakaling suliranin na'y matapos kasangga ko'y alak sa samutsaring suliranin minsan, serbesa ang kaibigan kung papalarin ngunit ngayong lockdown, salabat muna ang inumin saka na ang alak, upang mata'y di papungayin - gregbituinjr.

Nakikita ko ang hirap sa iyong mga mata

nakikita ko ang hirap sa iyong mga mata tila kaytagal mo nang niyakap ang pagdurusa subalit anumang hirap ay di mo alintana para sa pamilya, lahat ay iyong kinakaya nagdaralita man, patuloy kang nakikibaka hangga't may buhay, may pag-asa, ang paniwala mo tama ka, pinag-iisipan mo kung anong wasto kita ko, kayrami mo nang isinasakripisyo hirap ka na subalit buo pa rin ang loob mo nang pamilya'y itaguyod, di nagpapasaklolo mabuhay ka, mabuhay ang tulad mo kahit hirap sa kabila ng kalagayan mong aandap-andap nagsisikap upang maabot ang iyong pangarap may pinaglalaanang bukas kaya nagsisikap sana, makita ko sa mata mong saya'y nalasap - gregbituinjr.

Ang naglipanang upos

wala ka bang pakialam sa nagkalat na upos? maglakad kang nakatungo't makikita mong lubos na ang kapaligiran natin ay kalunos-lunos tambak ang basura't mga upos nga'y di maubos upos na'y pangatlo sa basura sa karagatan kaya di lang pulos plastik ang dito'y naglutangan may gwantes pa't facemask, dagat na'y naging basurahan balewala ba sa iyo ang ganyang kalagayan? mapapakiusapan mo naman ang nagyoyosi sa isang lalagyan lang ang upos nila'y itabi kung may batas sanang upos ay maipagbibili o gagawing ekobrik o magyo-yosibrik kami di ko mapapakialaman ang kanilang bisyo kung sa kanila'y nakakatulong itong totoo sa akin lang, upos ay huwag itapon doon, dito may tamang lagayan upang di maglipana ito kung isdang may upos sa tiyan ay ating makain? o upos sa sisiw ay ipakain ng inahin? iyang isda't manok ba sa anak ipakakain? naisip bang upos sa tiyan nila'y pumunta rin? halina't gawin natin anumang makabubuti gawin anumang wasto lalo sa upos ng yo

Bukrebyu hinggil sa nobelang tulang ANG MGA ANAK DALITA ni Patricio Mariano

Imahe
BUKREBYU: Ang nobelang tulang ANG MGA ANAK DALITA Sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Mapalad akong nagkaroon ng sipi ng mahabang tula nobelang ANG MGA ANAK DALITA ni Patricio Mariano, na isinulat at natapos noong Enero 1907, at isinaaklat noong Disyembre ng 1911. Nabili ko ang aklat na ito noong Disyembre 9, 2019, sa Popular Bookstore sa Lungsod Quezon sa halagang P50.00. Ito'y umaabot ng 64 pahina. Kung sa Florante at Laura ay may "Sa Babasa Nito" si Balagtas, may "Sa Babasa" naman si Mariano. Mayroon din siyang dedikasyon na may pamagat na "Sa mga binibining manggagawa". Kung ang Florante at Laura ay may 399 saknong, at ang Sa Dakong Silangan ni Jose Corazon de Jesus ay may 443 saknong, binubuo naman ng 364 saknong itong Ang Mga Anak Dalita, na maylabimpitong kabanata. Ang estilo ng nobelang ito ay patula, tulad ng estilo ng Florante at Laura ni Francisco Balagtas at Sa Dakong Silangan. Bawat taludtod ay may labingdalawang pantig, at may s

Ang pangarap kong gitara

minsan, sa tindahan ng gitara'y napapadaan at ang anyubog nito'y akin ngang pinagmamasdan mula sa kwerdas, leeg, tatangnan, buong katawan hinahagod ng tingin hanggang ako'y matunawan di ko pa nabibili ang pangarap kong gitara dahil ba walang salapi o hilig na'y nag-iba pag napapadaan sa bilihan, napapatanga pinagninilayang gitara'y tinitipa ko na nag-aral akong maggitara noong kabataan tinitipa-tipa ang awiting nagugustuhan ngunit sa kalaunan, iba ang napagbalingan matematika, pagtula, araling panlipunan hanggang sa ngayon nga'y wala pa rin akong gitara gayong marami akong tulang naisaaklat na na maaari kong gawing awit kung may gitara subalit kahit pagtipa sa gitara'y limot na di pa huli ang lahat, di pa huli ang pag-awit kung may gitara'y pagsisikapang ito'y magamit lalapatan ng tono ang ilang tula ko't dalit kung kakayanin ay aawitin ko hanggang langit - gregbituinjr.

Paggawa ng yosibrik

Imahe
Paggawa ng yosibrik isa ako sa baliw na ginagawa'y yosibrik na upos ng iba'y pinupulot ko't sinisiksik sa boteng plastik at gawing matigas na ekobrik baliw na kung baliw, minsan nga utak ko'y tiwarik tapat mo, linis mo, nakasaad sa karatula basura mo, itapon mo, isa pang paalala bawal manigarilyo, limang daang piso'y multa kung di kayang maglinis, huwag magdumi, sabi pa mula sa ekobrik, yosibrik na'y isang proyekto at nasa antas pa lang ng pag-eeksperimento mangongolekta muna ng upos ng ibang tao pagkat ako naman ay di na naninigarilyo kadiri, upos ng iba, iipunin, ang sabi baka raw ako magkasakit, tulad daw ng tibi subalit naglipana na itong upos ng yosi ito'y tipunin, nang mawala sa laot o kalye paggawa ng yosibrik ay ambag sa kalinisan upang sa laot, ang upos ay di na maglutangan di makain ng isda't balyena sa karagatan tayo ba'y kakain ng isdang may upos sa tiyan? masaya nang makatulong gaano man kaliit sa kapaligira

Kung nasa lockdown, sinong gagawa ng mga dyaryo?

kung nasa lockdown, sinong gagawa ng mga dyaryo? kung may mamamahayag nga'y wala namang obrero sinong maglilimbag, sa makina'y magpapatakbo? kung di makapasok ang mga trabahador nito sino pang bibili sa tindahan ng pahayagan? kung ang tao'y di basta makalabas ng tahanan mabuti't may radyo't telebisyong maaasahan para sa mga huling balitang dapat malaman kung labas mo'y lingguhan sa pagbili ng pagkain dahil iyon ang iniskedyul sa barangay natin sa arawang dyaryo'y tiyak isa lang ang bibilhin at di pang-isang linggo, na di gaya ng magasin lugi na ang paborito mong tabloyd, ano, pare? pagkat di dyaryo, pagkain na lang ang binibili kung may radyo't telebisyon, dyaryo pa'y anong silbi ganito nga pag lockdown, anong iyong masasabi? - gregbituinjr.

Anong dapat gawin sa panahon ng mga epal?

anong dapat gawin sa panahon ng mga epal? silang laging pumapapel, umeepal ang kupal upang pangalan nila'y umingay, upang mahalal sa sunod na eleksyon gayong ito pa'y matagal ganyan nga talaga kung umepal ang pulitiko dahil sa layon nilang muli o baka maboto kahit di pa kampanyahan, kanya-kanyang estilo nangungunyapit kahit sa patalastas ang trapo artista'y nais magpulitiko't dinggin ng masa pulitiko'y nais mag-artista, ang saya-saya nananalo ba dahil lang nagsayaw, nagpakwela ngunit magbubutas lang ng bangko pag nahalal na? sa panahon ng mga epal, huwag lang tumanghod suriing mabuti sinong talagang maglilingkod sa bayan, kapakanan ng masa'y itataguyod di ang trapong itutulak tayo sa pagkalunod - gregbituinjr.

Saliksikin mo't basahin din ang buong Kartilya

saliksikin mo't basahin din ang buong Kartilya namnamin bawat pangungusap habang binabasa matatanto mong nilalaman nito'y anong ganda kagandahang loob, laban sa pagsasamantala inakda ito ng bayaning Emilio Jacinto habang nasa patnubay ni Gat Andres Bonifacio "sa may nasang makisanib sa Katipunang ito" na siyang naging gabay ng bawat Katipunero kahit nagsisimula ka pa lamang maging tibak pag batid mo ito'y di ka basta mapapahamak magulang mo man sa bagong asal mo'y magagalak pagkat Kartilya'y pagtutuwid sa maraming lubak Kartilya ng Katipunan ay isabuhay natin makipagkapwa't kagandahang loob ay taglayin ibahagi rin natin sa iba't palaganapin at gabay din upang sistemang bulok ay baguhin - gregbituinjr.

Taliba ng Maralita'y naritong naglilingkod

patuloy ang aming tungkulin sa mga dalita kahit nasa kwarantina'y nagsusulat ng akda kahit doon sa internet ay inilalathala ang bunying pahayagang Taliba ng Maralita sa notbuk paplanuhin ang pahina't nilalaman sa ikalawang pahina'y batas at karapatan at naroroon sa ikatlo'y editoryal naman sa ikadalawampung pahina'y laging panulaan mayroon ding mga pahayag ng organisasyon na hinggil sa samutsaring paksang napapanahon may sanaysay, minsan may sosyalistang akda roon at may Balita Maralita at komiks na seksyon usapan nina Mara at Lita'y iyong basahin na diyalogo'y hinggil sa panlipunang usapin ang pampublikong pabahay nga'y tinatalakay din pati isyu, problema, demolisyon, at bayarin ang Taliba ng Maralita'y ating itaguyod basahin bawat artikulo, namnamin ang buod may akda mang magagalit ka't di mo ikalugod Taliba ng Maralita'y narito't naglilingkod - gregbituinjr.

Ating isabuhay ang Kartilya ng Katipunan

ating isabuhay ang Kartilya ng Katipunan bilang aktibista't Katipunero'y panuntunan isapuso, isadiwa, ibaon sa kalamnan makipagkapwa, na gabay ay prinsipyong palaban durugin ang bulok na sistema't uring burgesya kabakahin ang mapang-api't mapagsamantala karahasang di man tanaw ng nagbabagang mata ay uusigin para sa panlipunang hustisya pag-aralan ang buhay ng ating mga bayani sino ang kolektibo nila, kasangga, kakampi ano ang prinsipyong tangan, asal nila't sinabi bakit nararapat natin silang ipagmalaki ang Kartilya ng Katipunan ang kanilang gabay sa pakikipagkapwa't pakikibaka'y patnubay oo, Kartilya ng Katipunan ay isabuhay at ibaon sa kaibuturan hanggang mamatay - gregbituinjr.

Inadobong bituka ng bangus

ngayong lockdown, bituka ng bangus na'y niluluto tulad ng pinulutan noon naming mga lango piprituhin o aadobohin bago ihango inulam ko ngayon upang sa gutom ay panagpo hahatiin sa lima ang katawan nitong bangus lima kami sa pamilyang dito'y makakaraos tigigisang hiwa habang bituka'y aking lubos ayaw nila nito kaya ako na lang ang uubos may kasama namang atay at apdo ang bituka ng bangus, piprituhin at sasarapan ng timpla palutungin, lagyan ng toyo't sukang pampalasa kung wala kang patawad, hasang ay isama mo pa animo'y namulutan kahit wala namang alak iulam sa kanin at mabubusog ka sa galak nagamit ang natutunan sa inuman sa lambak aba'y kung may tagay lang, tiyak kang mapapaindak - gregbituinjr.

Wala akong anumang meron

wala akong anumang meron kundi alaala ng maraming karanasang kaakibat ng dusa paminsan-minsan ay mayroon din namang masaya na ikaiiyak mo o kaya'y ikatatawa na binalewala lang ng mga malditang iyon alaalang inugit ng makisig na kahapon nag-iba na kasi ang inadhika ko't nilayon ito nga, pulos paghihigpit na lang ng sinturon pagkat naging tibak ang dating nag-aastang playboy di nagpayaman, kasangga'y dukha, astang palaboy iba ang binhing inihasik, iba rin ang suloy naging Katipunero't rebolusyon ang panaghoy walang meron ako kundi gunitang akin lamang yakap ko'y prinsipyo't misyong baguhin ang lipunan na pribadong pag-aaring ugat ng kahirapan ay tuluyang mapawi, pati burgesyang gahaman - gregbituinjr.

Kung tinuruan ka

Imahe
Kung tinuruan ka kung tinuruan kang lumangoy, dapat mong manilay na makakalangoy ka't makalulutang ding tunay upang di malunod at makasagip din ng buhay ito'y kaygandang kaalamang dapat mong mataglay kung tinuruan kang bumaril, dapat mong isipin na payapang komunidad ay ganap mong tungkulin di upang walang awa kang papatay ng salarin kundi igalang ang proseso't pigilan ang krimen kung tinuruan kang bumili, pumili ng wasto may kalidad ang produkto, katamtaman ang presyo kayang magbilang ng sukli hanggang huling sentimo di bibilhin ang di kailangan, kahit pa uso kung tinuruan kang tumula, iyong isadiwa na di ito pulos panaginip at pagtunganga na di ito pawang bituin, bulaklak, diwata kundi ito'y paglagot din sa gintong tanikala kung tinuro'y karapatan, dapat kang manindigan ipabatid din sa kapwa nang ito'y ipaglaban tiyaking umiiral ang makataong lipunan at bayang walang pagsasamantala't kaapihan inhustisya't karahasan ay dapat

Pagkilos tungo sa lipunang pangako

mula sa hirap, kapatid na dukha'y mahahango kung kikilos upang bulok na sistema'y maglaho kung baligtarin ang tatsulok ng tuso't hunyango at makikibaka para sa lipunang pangako noon nga'y sinabing lupang pangako ang Mindanaw malawak na lupaing sa kaunlaran ay uhaw ngayon, lipunang pangako'y sosyalismo, malinaw na may pagkapantay-pantay sa ilalim ng araw kalagayang pantay, walang mayaman o mahirap sama-sama nating buuin ang bunying pangarap karapatan ay bukambibig, tao'y may paglingap pakikipagkapwa ng bawat isa'y nalalasap ating ipaglaban ang marangal na adhikain na asam na lipunang pangako'y itayo natin lipunang walang pagsasamantala't aapihin lipunang di lang sa isip kundi ating gagawin - gregbituinjr.

Tulang handog sa KPML

O, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, tayo na baguhin ang bulok na sistema itayo ang gobyerno ng masa marangal ang ating adhikain para sa bayan at kapwa natin halina't isapuso't diwa rin ang ating bisyon, misyon, hangarin maghigpit man kami ng sinturon sama-samang magrerebolusyon bulok na sistema'y ibabaon na natin sa hukay ng kahapon pagkaisahin ang maralita at pagbuklurin ang kapwa dukha kasama ng uring manggagawa itayo ang lipunang dakila - gregbituinjr. 05.20.2020 * Unang nalathala sa  Taliba ng Maralita , ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 16-31, 2020, pahina 20.

Kung ako'y magsusulat ng nobela

Imahe
paano ba susulatin ang asam na nobela na sa buhay na ito'y magiging obra maestra nobelang marahil ay pag-uusapan ng masa na baka maging klasiko rin sa literatura maganda nang paghahanda ang magasing Liwayway na kayraming nobelang inilathala ngang tunay ngunit sa maikling kwento muna'y magpakahusay maikli muna bago mahaba ang isalaysay dapat paghandaan ding mabuti't pakasuriin ang umpisa, gitna't pagtatapos ng inakda ring mga maikling kwentong nabasa't nais sulatin pag sanay ka na'y saka mo na ito pahabain sa dagli pa lang nahihirapan na sa pagkatha gayong mas maiksi pa sa maikling kwentong akda si Harper Lee nga'y isang nobela lang ang nalikha "To kill a mockingbird" na kinagiliwan ng madla isang nobela man lang ay magawa ng tulad ko si Amado V. Hernandez ngang makatang totoo ay may tula't dalawang nobelang isinalibro sa nobela kong gagawin, sila'y inspirasyon ko - gregbituinjr.

Ang tambayan kong palikuran

Imahe
ngayon nga'y naging tambayan muli ang palikuran upang doon isiwalat bawat nararamdaman doon ibinubuhos ang mga kaligaligan niring diwang kung anu-ano'y napagninilayan may tigisang kasilyas sa dalawang pintong iyon at sa isang silid tatambay, aba'y ayos doon habang diwa'y nasa alapaap naglilimayon na pamuli ngang naglakbay sa pusod ng kahapon magigiting ang bayaning sa bayan nga'y nagtanggol at lumaban hanggang mamatay na di nagpasukol dinidiligan bawat tanim nang binhi'y sumibol nang maging halaman o gulay o puno ng santol ang bawat kinakatha sa diwa'y nakasasabik pluma'y kayraming sinasabi kahit walang imik aalis sa palikuran nang masaya't tahimik na kwento, sentimyento't hibik na'y naisatitik - gregbituinjr.

Sinong tatapos sa aklat?

Imahe
"A writer only begins a book. A reader finishes it." - Samuel Johnson sinisimulan lamang daw ng isang manunulat yaong pagkatha ng kanyang binabalak na aklat at mambabasa na raw ang tatapos nitong sukat ang sinabi'y matalinghagang dapat ding masipat marahil, sinimulan lang ng may-akda ang katha ngunit pagtatapos ng akda'y problema pa yata kung serye sa magasin ang nobelang nililikha kung basahin ito'y mambabasa ba'y nagtatakda? kung simula pa lang ng nobela'y nakakabagot baka akdang ito'y sa kangkungan na pinupulot kung ayaw ng mambabasa ang akdang nilulumot naglathala'y malulugi't sa ulo na'y kakamot may nobelang sinaaklat na serye sa magasin "Banaag at Sikat" ay nobelang halimbawa rin inabangan ng mambabasa't kaysarap basahin matapos lang ang isang taon ay sinaaklat din marahil nga'y tunay ang sinabi ni Samuel Johnson na sa mangangathang kagaya ko'y malaking hamon isulat lang ba'y gusto o mambabasa'y kaayon? s

Nagsakit-sakitan

may kilalang nagsakit-sakitan pagkat di alam ang gagawin sa buhay, problema pa'y di maparam walang plano sa buhay, walang pakialam di alam ang gagawin, sa sarili'y nasusuklam nanghihiram ng tapang sa kunwari niyang sakit mahina ang loob, pinayuhan kong magpainit sa araw pagkat Bitamina D yaong guguhit sa bawat hinaymay ng kalamnan, gamot na sulit di agad nagkakasakit ang may Bitamina D ngunit malala'y magsakit-sakitan ang sarili walang magawa, tingin sa sarili'y walang silbi nag-iisip ng dahilan upang di nasisisi wala raw ginagawa, walang kita, walang sahod sa telebisyon na lang kasi laging nakatanghod buhay na lang ba'y ganito, na tulad ng alulod o baguhin ang pananaw sa buhay, huwag tuod maghanap ng gagawin, magkaroon ng layunin buhay ay gawing makabuluhan, may adhikain tumulong sa kapwa, misyong marangal ay yakapin di ka na magsasakit-sakitan, susulong ka rin - gregbituinjr.

Libro imbes na yosi ang bisyo

Imahe
mas mabuti pang pabilhin mo na ako ng libro ngunit di mo ako mapabili ng sigarilyo pagkat pagbabasa na ang kinagisnan kong bisyo wala kasi akong mahita sa yosi o damo napayosi rin ako noong aking kabataan dahil naman sa pakikisama o barkadahan subalit bisyong iyon ay agad kong napigilan nang mapasama sa kilusang makakalikasan sayang lang ang pera sa usok, sabi sa sarili wala ngang pambili ng kanin, usok pa'y bibili? mas mabuti pa ang ensaymada't busog ka dine at pagbabasa'y naging bisyo kong kawili-wili bagamat biniling libro'y di agad nababasa binili iyon na pamagat at paksa'y kayganda minsan isa o dalawang kabanata lang muna mabuti na ang ganito't nakakapagbasa pa - gregbituinjr.

Ang patpat ng ekobrik

Imahe
Ang Patpat ng Ekobrik (ecobrick stick) mahalaga ang paggamit ng patpat ng ekobrik upang mga ginupit mong plastik ay maisiksik sa boteng plastik din na paglilibingan ng plastik patpat na kawayan lang ang gamitin mong paniksik aangat lang ang mga plastik sa loob ng bote kung wala kang pantulak sa plastik na anong dami di lang ginupit na plastik ang isiksik sa bote kundi malambot ding plastik na ikakabig dine malambot na sando bag ang magtutulak pababa sa tulong ng patpat na kawayang gamit mong kusa di pwedeng metal kundi kawayan nang di masira ang boteng plastik, na ekobrik mo ring ginagawa ang malambot na plastik ang kukubkob sa ginupit hanggang sa pinakababa't patitigasing pilit na pag pinisil mo'y parang batong di mo mabinit ekobrik na sa tigas parang brick na magagamit - gregbituinjr.

Magkalintog man dahil sa page-ekobrik

Imahe
nagkakalintog o nagkakapaltos din talaga sa daliri sa paggupit ng plastik na basura ayos lang iyon, sa kalikasan ay ambag mo na paunti-unti man, nakadarama ka ng saya ito ngang lintog ko'y halos di ko na naramdaman daliri'y nakasakbat sa gunting, nakita na lang na may lintog, marahil ay tanda ng kasipagan o di kasipagan kaya madaling malintugan gayunman, lintog na ito'y simbolo ng ekobrik mga ginupit na plastik na ating isiniksik sa boteng plastik, patitigasin mong talagang brick nang makabawas sa kalat, walang patumpik-tumpik magkalintog man at magkalipak, ito'y paggawa ng makababawas sa basura mong nalilikha basta makatulong, lintog na ito'y balewala habang naggugupit, nagninilay, at kumakatha - gregbituinjr.

Ang maging tibak

"Besides being a poet, to be an activist is my calling. ~ GBJ" isa lang ako sa tinawag upang maging tibak magsisilbi sa bayan, pamumuhay ay payak danasin man ang hirap, wala ritong pisong pilak nagpasya akong ganap, buhay ko'y dito tiniyak pagyakap sa aktibismo'y pagtanggap sa layunin sumama ako dahil marangal ang adhikain lipunang makatao'y itayo ang simulain upang sosyalismo't panlipunang hustisya'y kamtin magtatatlong dekada nang ito ang aking misyon uring manggagawa'y kasamang nagrerebolusyon kasama rin pati magsasaka sa nilalayon at nakikibaka para sa makataong nasyon internasyunalismo ang prinsipyo't diwang yakap na anuman ang lahi'y dapat tubusin sa hirap pagkakapantay sa lipunan ang aming pangarap rason kung bakit kami'y naging aktibistang ganap kahit sa mga tula ko'y nakikibakang tunay nagrerebolusyong yakap ang simpleng pamumuhay sosyalismo sana'y makamit habang nabubuhay ito na ang aking buhay han

Halina't maglaro ng sudoku

Imahe
matapos magbasa't magsulat, o magtanim kaya matapos mag-ekobrik, magdilig man, o maglupa maglalaro na ng sudoku sa selpon kong luma animo'y matematika itong kahanga-hanga tunay nga bang sudoku'y inimbento ng Igorot dahil balangkas nito'y parang sa sundot-kulangot pagkain sa kawayan at baong tamis ang dulot siyam na hilerang tila sudoku pag sinundot mula SUnDOt-KUlangot ay tinawag na sudoku habang nasa kwarantina'y nilalaro-laro ko di pa magastos na di tulad ng sudokung libro na kailangan pang bilhin upang maglaro nito may app ng sudoku, i-download mo sa iyong selpon at laruin matapos ang gawain sa maghapon magandang pangrelaks, pumokus, bilisan ang aksyon huwag lang hayaang sarili mo'y dito magumon - gregbituinjr.

Ekobrik ang libingan ng mga plastik

Imahe
Ekobrik ang libingan ng mga plastik sa lahat ng mga plastik, libingan n'yo'y ekobrik panawagang sa boteng plastik na kayo isiksik ito ang maaaring gawin sa lahat ng plastik lalo't naglipana na sila, anong iyong hibik? mamangka ka sa dagat, ang plastik nga'y naglutangan malapit sa amin ang Manila Bay, iyong tingnan hinampas ng alon ang plastik sa dalampasigan akala ito'y pagkain ng isdang nagbundatan may dapat tayong gawin upang ilibing ang plastik huwag sa laot pagkat mata ng isda'y titirik mayroon din daw microplastics na kahindik-hindik na di na malaman kung saan-saan nakasiksik ilibing ang mga plastik ng pinagkainan mo kung nais mo'y isama ang mga plastik na trapo i-ekobrik lalo't mga plastik ang mga ito nang di na lumutang sa dagat at makaperwisyo - gregbituinjr.

Nakarami na rin ako ng nagawang ekobrik

Imahe
nakarami na rin ako ng nagawang ekobrik sa boteng plastik ay pinagsikapan kong isiksik ekobrik ay libingan na ng laksa-laksang plastik ekobrik ay libangan ko na ring nakasasabik kayraming naipong plastik habang may kwarantina pinatitigas na parang bato, pindutin mo pa pag binato ng plastik ni misis, masakit pala parang haloblak ang ginawang ekobrik, ano ba? isang tulong na rin ito sa ating kalikasan upang basura'y mabawasan sa kapaligiran isang ekstrang gawain man ito'y pinagsikapan upang makatulong din sa kapwa't sa sambayanan ang naipong plastik sa malaking bag na'y naubos ang basura'y di napunta sa laot, nakamenos pakiramdam mo'y masaya't nakatulong kang lubos ginawa sa panahong kwarantina kahit kapos - gregbituinjr.

Dalawang payak na tanaga

I lagi kang magsisikap nang kamtin ang pangarap dinanas man ang hirap at buhay mo'y masaklap sige lang, magsikap ka magsipag sa tuwina gumawa hangga'y kaya at ika'y malakas pa II manggagawa, obrero uri, organisado lipuna'y aralin mo kapitalismo'y ano kaharap man ang sigwa kaya mo, manggagawa ang obrero'y dakila sa lupang pinagpala - gregbituinjr.

Ayoko nang umabot ng otsenta sa pagtanda

ayoko nang umabot ng otsenta sa pagtanda na inabot ko lang iyon dahil nakatunganga na di ka man lang nakatulong sa bayan o madla mabuti nang mamatay sa laban kaysa tumanda mahalaga laging may nagagawa ka sa bayan sa iyong kapwa tao, maging sa kapaligiran may nagagawa ka ba para sa kapayapaan? ipinaglaban mo ba ang pantaong karapatan? mabuti nang makipaglaban at baka magwagi mabuting maglingkod sa bayan kaysa naghahari kung bulok ang sistema'y bakit pinananatili ayokong tumanda kung tahimik na lang palagi ayokong kain, tulog, trabaho, paikot-ikot kain, tulog, trabaho, kain, tulog, nababansot ang utak, ayokong tumandang turumpong kangkarot kung ganito lamang, otsenta'y ayokong maabot - gregbituinjr.

Kinsenas na naman

Kinsenas na naman, sahod ng mga manggagawa Ibigay sana'y tamang presyo ng lakas-paggawa Natataguyod sana ang magandang halimbawa Subalit switik nga ang kapitalistang kuhila Espesyal na araw na aba pa rin ang paggawa Nagtatrabaho upang ang pamilya'y may makain Ang kalusugan ng pamilya'y dapat atupagin Sa bawat araw, kitang sahod ay dapat ipunin Na pati edukasyon ng anak ay iisipin Ang pag-iimpok para bukas ay mahalagahin Nananatiling ganyan, paikot-ikot ang buhay Ang kinsenas at katapusan ay dapat manilay Manggagawa kang sa pamilya'y kayraming inalay Anak mo sana'y magsikap at mag-aral ngang tunay Na ganyan pa rin ang iyong buhay hanggang mamatay - gregbituinjr.

Ang kalayaan sa pamamahayag

Imahe
ANG KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG Sinaliksik at sinulat ni Greg Bituin Jr. Sa ating Konstitusyong 1987, Artikulo III, Seksyon 4, ay nasusulat:  "No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances."  ( "Walang batas na dapat ipasa na pumipigil sa kalayaan sa pagsasalita, ng ekspresyon, o ng pamahayagan, o ang karapatan ng mga tao sa mapayapang pagtitipon at hilingin sa pamahalaan upang malunasan ang mga hinaing.  - salin ni GBJ.) Ito rin ang pinaninindigan ng ating publikasyong  Taliba ng Maralita . Kaya patuloy tayong gumagawa, nagsusulat ng mga akda, at naglalathala ng ating pahayagan. Dahil ang kalayaan sa pamamahayag ay karapatan ng bawat mamamayan. Walang anumang batas ang dapat pumigil sa kalayaang ito. Sapagkat patuloy ang pagdaloy ng komunikasyon, animo’y walang hanggang ang mga titik sa bawat pahina, patuloy ang da

Ingat, baka matibo

ingat, baka matibo, ang sabi ng aking pinsan nang minsang kami'y naglalakad doon sa tubuhan may tibo raw na anong liliit sa sa dahon niyan na dapat ko raw iwasan upang di masugatan dahil doon, maraming salamat sa kanyang payo kaya sa masukal, nag-iingat ng taos-puso di lang sa ahas mag-ingat kundi pati sa tibo pagkatakot sa madadawag ay agad naglaho kaya kahit mapunta ako sa ibang probinsya mag-ingat sa madadawag ay ginagawa ko na mahirap maisahan, kahit tibo lang ay isa aaringking ka sa sakit, buong araw na dusa may lason man o wala, pag sa balat mo'y tumusok kung kagat man ng langgam iyon ay di ko pa arok magandang pagsasanay nang makaiwas sa tusok maging maingat saan mang mapasuot na sulok - gregbituinjr.

Paninilip

naninilip siya sa butas nang aking mahuli ngunit di siya umaamin, walang sinasabi upang malaman ang totoo'y sisilip din dini upang magkasala rin ako't dalawa na kami paano kung ako'y pagbintangan ding namboboso o kaya'y nagmamanman siya't may ibang sikreto depende marahil sa lugar o katayuan n'yo kung matatakasan agad ang sitwasyong ganito bakit nga ba may masasaya kapag naninilip dahil ba pulos libog ang nadama't naiisip o baka tumatayo na kapag nananaginip kaya dapat ilabas ang kung anong halukipkip sana'y walang mangyaring masama sa binosohan sana'y hanggang silip na lang ang kanyang maranasan huwag na sanang sumobra't lumampas sa hangganan at panatilihin na lamang ang kapayapaan - gregbituinjr.

Nagagalit sa sarili

nagagalit sa sarili pag ako'y pumapalpak di ko sinisisi ang asawa ko't mga anak o kahit kaibigan, kakilala, kamag-anak sarili lang ang sisisihin pagkat ako'y tunggak bakit iba'y sisisihin sa pagkakamali ko sila nga ba ang talagang nagkamali o ako mahirap bang sa sarili'y tanggapin ang mali mo tatanggapin ko ang mali upang makapagwasto ilang beses na rin ba akong gumapang sa lusak ilang beses na sa pagkilos muntik mapahamak ilang beses nang nakatikim ng suntok at tadyak ilang beses na rin ba akong gumanti't nanapak kapalpakan ko ba'y maisisisi ko sa iba o sarili'y pakasuriin at mag-analisa magwasto upang makapaglingkod pa rin sa masa sarili'y ayusin kung narito ang diperensya nangyari'y pagnilayan, magwasto kung kailangan magpakatao ka pa rin sa harap ng sinuman makipagkapwa, di man makatao ang lipunan gawain at tungkulin mo'y pagsikapang galingan - gregbituinjr.

Bukrebyu sa aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan"

Imahe
Bukrebyu: Ang aklat na SI ANDRES BONIFACIO AT ANG HIMAGSIKAN ni Jose P. Santos Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. Nabili ko ang aklat na  Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan  noong Disyembre 9, 2019 sa Popular Bookstore sa Lungsod Quezon sa halagang P50.00 lang. Laking tuwa kong magkaroon ng makasaysayang aklat na ito para sa aking koleksyon. Ito'y sinaliksik at sinulat ni Jose P. Santos at may Paunang Tula ni Jose Corazon de Jesus. Umaabot ito ng 52 pahina at ikalawang paglilimbag na ito noong 1935. Isinalaysay dito ni Santos ang mga nasaliksik niyang talambuhay ni Gat Andres Bonifacio, tinalakay at nilathala rin ng buo ang mga sanaysay ni Bonifacio na "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" at "Katipunang Mararahas ng mga Anak ng Bayan", dalawang liham ni Bonifacio, at kanyang mga tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan", "Katapusang Hibik ng Pilipinas", "Tapunan ng Lingap" at "Ang mga Cazadores", at sal

Tanong ni esmi

ano na namang iniisip mo, tanong sa akin ang laman ng isip ko'y kayhilig niyang tanungin nagagambala tuloy ang pagninilay sa hangin lumilipad na naman ang isip sa papawirin ano bang nasa isip ko habang nakatunganga? kayhirap bang sagutin, o nasa isip ko'y wala? iniiba ko ang usapan, may panibagong paksa ano bang lulutuin ko, anong ulam mamaya? kahit di naman iyon ang talagang nasa isip baka kakatha o may diwata sa panaginip baka sa gilid ng balintataw ay may nahagip baka prinsesa'y nasa panganib, dapat masagip tanong sa akin, ano na namang iniisip mo? o bakit sa ganyang klaseng tanong, ako'y kabado? dapat bang laging may handang sagot na inimbento? tortyurer ko ba siya nang ako'y nakalaboso? ano bang lulutuin, anong ating uulamin? handang tugon, eh, paano kung tapos nang kumain? at pipikit na, ewan ko, paano sasagutin pagkat di ko alam anong bigla kong sasabihin marahil, nasa isip ko'y mababasa sa akda biyograpiya raw ng makata'y nasa kinatha ngunit may nasa

Dahil walang pagemaker, ginamit ko'y mcrosoft word

sa paggawa nga ng dyaryo, pagemaker ang gamit ko ngunit sa mga computer shop ay wala na ito kaya microsoft word na'y gamit ko sa pagdisenyo ng pahayagan, ng magasin, maging ng polyeto isulat muna sa papel ang iyong inaakda para handa na pag sa kompyuter ka na nagtipa pag may wifi, pwedeng sa facebook sa selpon gumawa pag nasa kompyuter na, saka kopyahin ang katha nakaplano na sa isip ang buong pahayagan isulat sa notbuk bawat pahina't nilalaman ige-grayscale mo sa internet ang mga larawan ilagak sa facebook group o i-email lahat iyan saanmang computer shop, microsoft word ay laganap sulatin mo'y i-download sa facebook o email na app o i-copy paste muna sa notepad ang iyong na-tayp mula notepad sa microsoft word, ilipat mong ganap i-column sa isa, dalawa, batay sa disenyo parang pagemaker pero microsoft word ang gamit mo batay sa plano, ilagay mo ang teksto't litrato pag natapos na'y tiyaking mai-p.d.f. ito i-u.s.b. ang p.d.f. file, pag may pondo'y dalhin sa pali

Kung walang kompyuter, magdisenyo sa selpon

kailangang sadya ng matinding pagtitiyaga kung selpon lang ang iyong gamit sa bawat pagkatha buti't may app na pwede kang magdisenyo't lumikha ngunit app ay araling mabuti nang maunawa kung walang laptop at walang bukas na computer shop malaking tulong sa gawain ang na-download na app microsoft word, gmail, notepad, mada-download mong ganap photo editor, wordpress, sa internet nga'y laganap lalo't kwarantina, wala kang anumang magamit kundi selpon lang, oo, selpon lang na anong rikit saan ka man pumunta ay madali mong mabitbit dapat lang magtiyaga kung gusto'y nais makamit huwag kang maaburido, matutong magtiyaga teknolohiya'y maraming hinahain sa madla aralin ang app, paisa-isa't may magagawa huwag mainip, selpon man, maraming malilikha - gregbituinjr.

Buhay na bibitin-bitin

buhay na bibitin-bitin ay laging pakaisipin di dapat sising alipin kundi tayo'y kawawa rin magsikap lagi't magsikap pagkat daig ng maagap ang masipag, kung mangarap tayo'y dapat may paglingap isang kahit, isang tuka ang buhay ng maralita nawa'y huwag matulala pag kahirapa'y lumala wala mang kasiguruhan ang buhay ng mamamayan suriin mo ang lipunan pati na pamahalaan bakit ba may asindero bakit may kapitalismo nasaan ang pagbabago bakit may uring obrero kanilang pinanatili ang pribadong pag-aari kaya mayama'y nagwagi at mga dukha'y pighati kaya dapat maghimagsik kung ayaw mata'y tumirik rebolusyon na ang hibik laban sa mga suwitik pangarap nating sumaya tila may bagong pag-asa itatayong sama-sama ang lipunan nitong masa - gregbituinjr.

Kwento ng pagkamulat

nagisnan ko ang liwanag sa aking mga mata mula sa pagkahimbing ay dumatal ang umaga tila sikat ng araw ay panibagong pag-asa habang kinakaharap ang laksang pakikibaka namulat akong di magkapantay ang kalagayan ng samutsaring tao sa kinagisnang lipunan tanong ko: bakit may mahirap, bakit may mayaman sistema'y inaral upang di magulumihanan di ko mawari bakit ganito sa bayan natin dapat ang lipunang ito'y suriin at baguhin mayaman ang mapagsamantala't mapang-alipin gayong dukhang inaapi'y mga kapwa tao rin "Iisa ang pagkatao ng lahat," ang sabi nga ni Gat Emilio Jacinto na bayaning dakila dahil dito'y hinanap ang diwang mapagpalaya hanggang aking makasama ang uring manggagawa nagsuri't aking natutunan ang kanilang layon sila pala'y may dakilang papel upang bumangon ang mga api't pinagsasamantalahang nasyon prinsipyo ng uring manggagawa, ito ang tugon dahil sa kanila'y namulat ako't naririto prinsipyo't misyon ng uring obrero'y niya

Kwento ng pagkabulag

nawala na ang liwanag sa aking mga mata di na mapagmasdan ang mga tanawing kayganda di na rin masilayan ang magagandang sagala ang mga nasa isip ay di na rin maipinta pakiramdam ko, tila ba daigdig na'y nagunaw pati pakikipagkapwa tao'y di na matanaw na panlipunang hustisya'y may tarak na balaraw totoo pa'y kayraming batang sa tokhang pumanaw di ko lubos maisip bakit dapat pang mabulag gayong mata'y iningatan lalo't nababagabag kayraming krimeng naganap at batas na nilabag pati na karapatang pantao'y pupusag-pusag buti't bulag na di kita ang karima-rimarim na pulos krimen, pagpaslang, korupsyon, paninimdim sakaling makakita muli't di sanay sa dilim nawa'y may hustisya pa rin sa kabila ng lagim - gregbituinjr.

Bihirang magkape

bihira pa rin akong magkape, tulad ng dati nagtitipid ng panggastos kaya di nagkakape maliban kung may mag-alok sa pulong at nagsabi ngunit di na magkakape kung ako pa'y bibili lalo ngayong kwarantina, si misis ay mahilig magkape kaya napapakape rin ang makisig dapat nang magtipid ngayong panahon ng ligalig kaya nagkakasya na lang sa mainit na tubig kung sanay kang magkape, umaga, tanghali, hapon gabi, di na ito basta-basta magawa ngayon walang sahod, walang pambili, at walang limayon buhay-lockdown na ito, tipid-tipid pag naglaon masarap namang magkape lalo't kapeng barako nagpapaaraw sa umaga't nageehersisyo subalit sa panahong ang sitwasyon ay ganito may dahilang maging kuripot, nasa lockdowan tayo - gregbituinjr.

Patuloy ang page-ekobrik kahit umuulan

Imahe
patuloy ang page-ekobrik kahit umuulan kaylakas ng tikatik, aba'y nagraragasaan animo'y may demolisyon, yero'y nag-aangasan habang nage-ekobrik ay patuloy sa paggampan matagal maggupit, daliri rin ay nangangalay dapat din, loob ng plastik ay malinisang tunay punasan ng basahan o banlawan at isampay walang latak ng pagkain ang plastik na ginutay mga ginupit ay ipapasok sa boteng plastik dapat malinis upang walang mikrobyong sumiksik dapat di rin basa, patpat na kahoy ang paniksik gagawing sintigas ng bato ang bawat ekobrik habang kwarantina, sa page-ekobrik tumutok doon ililibing ang plastik na di nabubulok mai-ekobrik din kaya ang mga trapong bugok dahil mga plastik din itong nakasusulasok - gregbituinjr.

Ngitngit ng kalikasan

kanina'y tirik ang araw, subalit nagbabadya ang pagbuhos ng malakas na ulan, biglang-bigla sa yerong bubong tila bato'y nagbagsakang lubha sa nangingitim na ulap ay biglang kumawala ibinuhos na ng kalikasan ang kanyang ngitngit lalo't usok ng coal-fired power plants ay abot-langit nang mapuno ng plastik ang dagat, nakakagalit kalikasan ay nagwala't sa lupa gumigitgit tuwang-tuwa naman ang magsasaka't nadiligan ang mga tanim niyang nilinang sa kabukiran habang animo'y basurahan ang mga lansangan nagbaha pagkat sa kanal, plastik na'y nagbarahan biktima ng ngitngit ng kalikasan ay tayo rin batas ng kapaligiran ay alamin at sundin huwag mo nang dumihan kung di mo kayang linisin kalikasan ay buhay kaya alagaan natin - gregbituinjr.

Bakit nga ba marami raw pasaway sa Maynila

Imahe
Bakit nga ba marami raw pasaway sa Maynila bakit nga ba marami raw pasaway sa Maynila habang lockdown, laging iyon ang nababalita dahil ba pasaway talaga ang taga-Maynila o malapit kasi roon ang tagapagbalita palibot ng Maynila ang mayorya ng masmidya nasa Lungsod Quezon, Pasay, Makati, at saan pa sa Malabon at Navotas ay swerteng makapunta sila'y nasa sentro ng pulitika't ekonomya nasa Maynila ang Malakanyang, ang nasa rurok ng gobyerno, at pasaway din ba ang nasa tuktok laki akong Maynila, sa distrito ng Sampaloc kaya minsan naaamoy ang nakasusulasok nasa Maynila rin ang matatandang kolehiyo ang U.S.T., pinagdiwang na'y pang-apat na siglo ang Letran ngayong apatnadaang taon na nito pati ang La Salle, Mapua, San Beda, Ateneo ang Kongreso'y nasa Q.C., Senado'y nasa Pasay sakop ng Metro Manila, sila rin ba'y pasaway ang totoo, nasa Maynila ang masmidyang hanay kaya balita pag nilatag ay pambansang tunay nasa Maynila ang balita, napapa

Gisingin mo ako sa tagal nang pagkakahimbing

Imahe
Gisingin mo ako sa tagal nang pagkakahimbing gisingin mo ako sa tagal nang pagkakahimbing na diyosa ng kagandahan ang aking kapiling na kasama ko'y prinsesa mula sa toreng garing na baka pantasyang ito'y tunay pag di nagising sasabihing ako'y binangungot ng kagandahan na isa palang diwata ang aking nakatipan habang ako'y dalitang kapiling ng kagipitan na ginhawa ng bayan ko ang tanging kasagutan mutya'y naglalayag sa diwa ng abang makata na tila bilanggong nakagapos sa tanikala na sa pagkakahimbing ay tila di makawala na tanging saksi sa kanya'y ang lobong maninila dapat na akong magising, mayroon pang labanan tulad kong mandirigma'y dapat handa sa digmaan kasama'y hukbong mapagpalaya sa sagupaan tunggaliang dapat na naming mapagtagumpayan - gregbituinjr.