Di ko inugaling mangutang

Di ko inugaling mangutang

di ko rin naman naging ugali ang pangungutang
sapagkat baka di ko maibalik ang hiniram
wala akong kapasidad upang agad bayaran
ito kaya minabuti kong huwag nang mangutang

iyan ang aking tindig, lalo't butas pa ang bulsa
pinaplano ang gagastusin at pinagkakasya
huwag bumili ng anumang luho kung di kaya
depende ang kakainin kung magkano ang pera

mura ang gulay, kung may tanim, libre't malulugod
pipitas lang lalo't walang trabaho, walang sahod
ngayon pa'y panahon ng panagip o "survival mode"
mabuti pang magbasa ng aklat kaysa manood

ayokong mabuhay upang magbayad lang ng utang
ilang taon ang bubunuin upang bayaran lang
ang inutang, hukluban ka na'y di pa nabayaran
ayokong nabubuhay ng may utang kaninuman

baka mangutang kung buhay at kamatayan ito
halimbawa'y agaw-buhay sa ospital ang tao
kung pera ang magliligtas sa buhay niyang ito
isasangla ko na ang buhay ko, uutang ako

- gregbituinjr.
07.22.2020

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom