Kung mata ko'y tumirik

pangako, aalis ako rito't di na babalik
pagkat di ito ang mundo ko, sa puso'y saliksik
lugar ko'y nasa pagbaka, di sa pananahimik
di ako naging tibak upang sa bahay sumiksik
at sa mga isyu ng bayan ay basta hihilik

pakikibaka'y nasa aking sugo natititik
di mapakali sa mga isyung masa'y humibik
kaya pag may mga pagkilos, ako'y nasasabik
sumisigaw ang damdamin, bibig ma'y di umimik
nais kong nasa labanan kung mata'y tumirik

katawan ko man ay parang luya nilang madikdik
tibak at mandirigma akong di natatahimik
ayokong magiging pipi't bingi sa mga hibik
ng bayang ang dignidad ay ginigipit ng lintik
na diktador o among talagang napakaswitik

nais kong nasa laban kung mata ko'y pinatirik
na gamit sa pagtatanggol sa bayan ay panitik
sa payapang buhay, aalis ako't di babalik
pagkat ang mundo ko'y sa paglaban, paghihimagsik
laban sa sistemang bulok at mapang-aping lintik

sakali mang sa akin may balang magpatahimik
sa larawan ko'y may isang kandilang ititirik
kasama ang isang ulilang rosas na may tinik
wala akong puntod, ang aking abo'y ihahasik
upang maging pataba sa pakikibaka't hibik

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom