Pabaon sa sanlinggong pagkawala

pababaunan kita ng laksa-laksang gunita
upang di malungkot sa sanlinggo mong pagkawala
saanman pumaroon, ikaw ang tanging diwata
sa panaginip man o sa buhay kong anong sigla

para sa mabuti ang seminar mong dinaluhan
na matapos iyon ay makakatulong sa bayan
magiging frontliner sa magiging trabahong iyan
upang kahit papaano, sakit ay maiwasan

mananaginip ako mamayang di ka katabi
subalit nasa panagimpan ka, O, binibini
bago matulog, tititigan ang langit sa gabi
at baka naroroon ka sa aking pagmumuni

may dalawang bituing magkayakap sa magdamag
habang inaawit ang damdamin sa nililiyag
ang tanging puso sa sinisinta'y inihahapag
uukit ang pag-ibig bago araw ay suminag

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom