Patuloy na pagsusulat para sa madla

higit apat na buwan nang nakakulong sa bahay
'stay-at-home' daw sa lockdown, ngunit di mapalagay
di dapat patulog-tulog lang at magpahingalay
kundi gawin pa rin anong dapat habang may buhay

kwarantina man ay may matatanaw pang pag-asa
ganap pa ring tibak kahit wala man sa kalsada
mabuti't may Taliba, ang pahayagang pangmasa
pinagkakaabalahan nang dukha'y may mabasa

higit apat na buwan mang naroon sa tahanan
ay gumaganap pa rin nitong iwing katungkulan
nagpopropaganda sa abot ng makakayanan
nagsusuri ng isyu't pangyayari sa lipunan

mapabatid ang layunin ng uring manggagawa
magsulat bilang kawal ng hukbong mapagpalaya
manligaw upang prinsipyo'y yakapin din ng madla
magsaliksik, magsuri, magsulat, at maglathala

sige, sulat lang ng sulat habang may naiisip,
may nasasaliksik, at mga isyu'y nasisilip,
kakathain ang nasa puso't diwa'y halukipkip
hangga't may pluma, papel, at balitang mahahagip

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom