Parinig at pag-iipon

pag-iipon laban sa sistemang kapitalismo
mag-ipon nang makapag-organisa ng obrero
mag-ipon habang nasa kwarantina pa rin tayo
kung paano makaipon, pag-isipang totoo

magkatrabaho'y laging pinaririnig sa akin
dapat daw permanenteng trabaho'y aking maangkin
noon, ako'y permanente'y nilayasan ko pa rin
pagkat ano bang esensya ng trabahong alipin

wala kasing sahod kaya laging pinariringgan
ngunit pananaw nila'y akin namang ginagalang
pagiging Katipunero'y nasa ugat ko lamang
kaya laging nasa isip ay paglaya ng bayan

parinig naman nila'y tila naging inspirasyon
paano ba mag-iipon para sa rebolusyon
paano mag-iipon upang pondohan ang layon
pag-aralan itong mabuti't simulang mag-ipon

maghahanap ng paraan para sa maralita
huwag lang makuntento sa paggawa ng Taliba
paano ba popondohan ang pagkilos ng dukha
ito'y dapat pagnilayan ng buong puso't diwa

mula sa parinig, pulos parinig ng parinig
mag-iipon habang mga dukha'y kakapitbisig
kung salapi'y galak, ito'y gamitin ding pang-usig
at mga kuhila't mapagsamantala'y malupig

- gregbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom