Ako'y parusahan kung nagtaksil

kahit magtinda ako rito ng kung anu-ano
hungkag ang buhay kahit dito makapagtrabaho
hungkag ang buhay dito, iyon ang nadarama ko
pagkat di na ako ang ako, oo, dating ako

tulad ko'y isang mandirigmang wala sa labanan
habang mga kasama'y nangangamatay sa laban
ramdam kong sa matinding digmaan ako'y nang-iwan
gayong dapat laban ay aking pinangungunahan

sekretaryo heneral? nang-iiwan ng kasama?
ang dapat sa mga tulad ko'y magpakamatay na!
sayang ang pakikibakang halos tatlong dekada
kung mauwi lang sa wala! ako ba'y inutil na?

dapat umuwi sa pinagsilbihang sambayanan
lalo't retirement sa tulad ko'y isang kaululan
di pa nananalo ang rebo'y agad kong iiwan?
sa ginawa kong ito, nais kong maparusahan!

pagkat di ako traydor, ayokong tawaging taksil
bala sa ulo'y sapat upang buhay ko'y makitil
ito ang kahilingan ko kung ako'y isang taksil
gawin akong halimbawa upang iba'y masupil

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom