Pagninilay sa aking lungga

Pagninilay sa aking lungga

minsan nga ako'y di mapakali sa aking lungga
lalo na't sugat ng alaala'y sinasariwa
upang itala ang buhay ng binabalewala
bakasakaling makaahon sa danas na sigwa

kayraming litrato ng mga balyenang tumirik
ang mata dahil kumain ng sangkaterbang plastik
paano ba magtutulungan sa pageekobrik
nang masagip ang kalikasan sa kanyang paghibik

oo, pangarap ko'y makaahon, di ang makahon
sa nadamang kahungkagang sa puso'y lumalamon
mabuti nang sumagasa sa bangin ng kahapon
kaysa dumaluhong pa ang kaburyungan ng ngayon

matutunton pa kaya ng lakan ang kanyang dayang
na matagal nang nawala't may iba nang hinirang
matutulungan ba ang mga pesanteng hinarang
ang karapatan sa lupang dapat nilang malinang

narito man ako sa aking lungga, nagmamasid
katiwalian at karahasan ay nababatid
karapatan ay ipagtanggol, huwag maging umid
ang hustisya'y ipaglaban, buhay man ay mapatid

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom