Pagsalansan ng salita

kayraming mga salitang di basta maaninag
ang bola'y bilog, kaya ba binobola ang dilag?
tutungo ka bang nakatungo sa daang di hayag?
iyang pagtaklob ba sa taklobo ay may paglabag?

pag ako ba'y nagpatawa, ako ba'y patawa rin?
matutuwa ka ba kung ikaw ay patutuwarin?
pag ako ba'y nagkasala, ako na ba'y salarin?
ang pusa bang nangalmot ay pusakal kung tawagin?

iba ang tubo na pinanggalingan ng asukal
iba ang tubo na inasam ng nangangapital
iba ang tubo ng gripo, posonegro't imburnal
iba ang tubo ng tanim at punong matatagal

ang makata'y nag-iisip, kawa, kawal, kawali
kung sakaling maiinip, pala, palag, palagi
na sa puso'y halukipkip, saka, sakal, sakali
bawat tula'y makasagip, baha, bahag, bahagi

matatagpuan mo ba sa diwa ang haka't katha
nadarama ba ng puso mo ang halik ko't likha
minsan nga'y di mawaring tutula akong tulala
nagkakaganyan ba pagkat makatha ang makata

- gregoriovbituinjr.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom