Ang ating panawagang pampublikong pabahay

Ang ating panawagang pampublikong pabahay

libre, ligtas, sustenableng pampublikong pabahay
panawagan ng maralita't prinsipyadong pakay
itinanim nila ang binhi't tutubo ang uhay
upang mamunga ng inaasam na gintong palay

pampublikong pabahay ang sa dibdib halukipkip
konseptong nagsimula sa pangarap na masagip
sa hirap ang pamilya ng dukhang bugbog ang isip
kung paano kakamtin ang ginhawang nalilirip

di pribadong pag-aari, at di rin namamana
gobyerno'y bahalang may matitirhan ang pamilya
di gaya ngayon, sa paninirahan, bahala ka
mamulubi man sa taas ng bayarin at upa

iba'y patirahin kung di mo gagamitin ito
lalo't lumipat ng tirahan dahil sa trabaho
nagkapamilya ang anak, hihiwalay sa iyo
may laan ding pabahay sa kanila ang gobyerno

iyan ang magandang konseptong dapat ipaglaban
pampublikong pabahay ang ating paninindigan
pag namatay ka, may iba namang gagamit niyan
prinsipyo't tindig para sa makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom