Di sarili ang aking inuuna

di ko na inisip saan makikinabang ako
o kung pagyaman ay isipin ko pang papaano
basta't madamang may silbi ako sa bayang ito
iyon ay sapat na't payapa ang puso't diwa ko

sariling bukas din naman ay minsang iniisip
subalit ayoko namang laging nananaginip
inalay na ang panahon upang kapwa'y mahagip
nang magkasamang kumilos upang iba'y masagip

laban sa pinunong uhaw sa dugo't magpaputok
laban sa kapitalismong sa tubo nga'y dayukdok
laban sa sistemang bulok na sadyang umuuk-ok
sa bayan kaya maging handa sa pakikihamok

may nagsabi, sarili ko raw ang aking unahin
salamat po, ngunit di iyan ang aking layunin
pagkat nabubuhay ako dahil sa adhikain
upang lipunang makatao'y maitayo man din

- gregoriovbituinjr.

* ang litrato'y kuha ng makatang gala habang naglalakad-lakad kung saan-saan

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom