Pag-alagata

PAG-ALAGATA

naroroong nakatalungko't inaalagata
ang ilang alalahaning halos di matingkala
maraming isyu't usaping di agad maunawa
na tumatarak sa puso't may mga talusira

ibig sabihin, may mga balimbing sa tag-araw
na sa likod ay handa kang tarakan ng balaraw
parang talupaya silang kunwa'y di gumagalaw
tila kayrami mong parusang sila ang nagpataw

sino nga bang tunay na kaibigan o kasangga
upang sama-samang malutas ang mga problema
marahil ay wala, kaya dapat lamang magdiskarga
ng anumang pasan sa puso't balikat tuwina

naglutangan ang plastik at upos sa karagatan
ngunit walang magawa ang mga pamalaan
habang nagdaraan ang ulan at hanging amihan
may mga nananaghoy pa rin sa dakong silangan

tingnan ang balimbing na gaya ng taksil na trapo
pakuya-kuyakoy lang sa harap man ng delubyo
kahit nagkalat na ang mga sapal at bagaso
naroong di matinag ang pagkatao't prinsipyo

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom