Nang mawala ang awitan ng mga kuliglig

NANG MAWALA ANG AWITAN NG MGA KULIGLIG

himbing man, dinig ang awitan ng mga kuliglig
tila kaysasaya't walang nadaramang panganib
subalit bigla, dumatal ang unos, nangaligkig
kaylakas ng sipol ng hangin sa gabing malamig

umaga'y iba ang narinig, pagputol ng kahoy
habang pakiramdam ko, mga puno'y nananaghoy
habang katutubo'y patuloy na itinataboy
ng mga tuta ng kapitalistang mapangdenggoy

hinahanap ko'y pag-aawitan ng mga ibon
sabay sa pagkawala ng puno'y nawala iyon
naging maalinsangan na ang bawat kong pagbangon
naging mabanas na ang dating masayang kahapon

ah, paano ba maililigtas ang kagubatan
mula sa tubo't kasakiman ng mga gahaman
upang dibdib ng kagubatan ay pagkakitaan
habang nasisira naman ang gubat na tahanan

sa ngayon, sa tula ko sila maipagtatanggol
gayong di ito solusyon sa kanilang hagulgol
dahil ang pagtatanggol sa kanila'y may ginugugol
panahon, buhay, pawis, dugo, sa kanilang ungol

kaya paumanhin kung ito lang ang magagawa
ngunit pagbubutihin ko ang bawat kong pagkatha
para sa puno, ibon, dagat, kuliglig ang tula
upang maisiwalat ang bawat nilang pagluha

- gregoriovbituinjr.
05.31.2021 (World No Tobacco Day)

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom