Sa minsan kong paglalakbay

SA MINSAN KONG PAGLALAKBAY

aking pasya'y lakbayin ang iyong mga pahina
kahit plumang tangan ay halos mawalan ng tinta
sa kalooban ay binibigyan kitang halaga
pagkat batid kong sa iyo'y mayroon pang pag-asa

narito akong mandirigmang sa iyo'y lulusob
halukipkip ang iwing hangaring sadyang marubdob
upang mailabas ang lahat ng nasasaloob
at iyang kinalalagyan mo'y tuluyang makubkob

sa unang kabanata pa lang ay nararahuyo
matiyagang tinatahak ang samutsaring yugto
ang hanap kong maninibasib ay tila naglaho
habang sa paggalugad ay naritong di huminto

ang ikalawang kabanata'y di matapos-tapos
tila ba kung saan ay lagi akong humahangos
upang iwasan lamang ang mga kalunos-lunos
na sa puso'y sumiklab, na sa balat ko'y lumapnos

hanggang tahakin pa ang iba't ibang kabanata
nailagan ang palaso ng bunying mandirigma
ngunit nakaliligalig ang unos at pagbaha
habang mga nasalanta'y sadyang kaawa-awa

- gregoriovbituinjr.05.30.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom