Di ko isasalong ang sandatang pluma

DI KO ISASALONG ANG SANDATANG PLUMA

ang mga berdugo'y patuloy kong tinutuligsa
sapagkat dama ko'y tungkulin bilang manunula
ayokong may nakita na'y nakapangalumbaba
at parang tuod sa tabi-tabi't walang magawa

di susuko, tula ko man ay kanilang paslangin
tula'y mananatiling sa langit bibitin-bitin
laging panlipunang hustisya'y sasambit-sambitin
dito man sila't gatilyo'y kanilang kalabitin

walang humpay ang pamumuna sa anumang bulok
basura man, upos, plastik, o yaong nasa tuktok
kahit isa akong daga sa laksang pusang bundok
sa pagsalong ng pluma'y di nila ako mahimok

gagampanan ko ang bawat tungkuling nakaatang
lalo't mga ito'y di naman pawang paglilibang
ito'y seryosong gawaing baka lamang mapaslang
na buong pusong tinanggap, mangga ma'y manibalang

- gregoriovbituinjr.
06.13.2021 Sunday the 13th    

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom