Ang koleksyon ko ng Reader's Digest 2018

ANG KOLEKSYON KO NG READER'S DIGEST 2018

mahal ang Reader's Digest na bago, alam ko ito
presyo'y isangdaan siyamnapu't siyam na piso
subalit luma man nito, ang turing na'y klasiko
kaya mga lumang Reader's Digest ang binili ko

nang minsang dumalaw sa Book Sale, ito na'y nagmura
nabili kong tatlumpu't limang piso bawat isa
pautay-utay lang ang bili, una'y apat muna
sunod ay tatlo, sunod ay isa, muli isa pa

mula Enero hanggang Setyembre ang mga isyu
na pawang tatlong taon nang nakararaan ito
subalit di naluluma ang sanaysay at kwento
nananatiling napapanahon ang mga ito

siyam na isyu ang binabasa't nababalikan
samutsaring klasikong sanaysay ang nilalaman
kalusugan, karanasang personal, kasabihan
humour, kwentong trabaho, travel, trivia, puzzle, liham

kung siyam na isyung ito'y binili ko na noon
nasa isang libo't walong daang piso rin iyon
ngunit tatlong daan labinglimang piso lang ngayon
nakamura na rin ako kung suriin paglaon

lalo't Reader's Digest na'y kayamanang matuturing 
nitong tulad kong makatang wala sa toreng garing
malaman sa impormasyon, sa diwa pa'y panggising
salamat, Reader's Digest, babasahin kang kaygaling

- gregoriovbituinjr.
08.26.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom