Usapang manok

USAPANG MANOK

tatlong manok ang nakatali doon sa kulungan
habang manok na nasa laya'y nakatanghod lang
marahil napag-usapan nila ang kalayaan
masarap ang buhay sa laya, ang nasabi naman

patungong bitayan na ba ang tatlong nakakulong?
nagpiit ba sa kanila'y naghanda na ng gatong?
nagawa lang ng tatlong manok ay bumulong-bulong
tanong ng manok sa laya, anong maitutulong?

baka naman manok ay kanilang aalagaan
o palakihin ang magiging magilas na tandang
o paiitlugin ang magiging inahin naman
ngunit sa may-ari ng manok yaong kapasyahan

natapos agad ang kanilang munting pag-uusap
nang kulungan ay kinuha agad sa isang iglap
dadalhin sa kung saan, bibitayin na bang ganap?
o sila'y aalagaan ng may buong paglingap?

- gregoriovbituinjr.
10.24.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom