Pitong tableta sa umaga

PITONG TABLETA SA UMAGA

O, anong bigat ng pag-inom ng mga tableta
pito agad umagang-umaga, mabigat, di ba
apat munang tableta para sa tuberculosis
dalawa namang tableta para sa diabetes

anim muna kalahating oras bago almusal
at isa pa habang kumakain na ng almusal
ikapito ng umaga'y susubo ng tableta
upang maagapan ang sakit at magpalakas pa

kaya di maaaring gumising ng alas-otso
upang masunod ang rotinaryo kong ikapito
ng umaga, alas-siyete y medya ang kain
mga bitamina'y sa tanghali na iinumin

lalo't pitong tableta sa umaga'y anong tindi
tila lalamunan ko'y nasasakal, binibigti
marahan ang pag-inom, sa una'y nabigla kasi
habang maraming tubig yaong lalagukin dini

noon nga'y wala pa akong ganoong rotinaryo
kakain lang anumang oras pag nagutom ako
ngunit dahil sa sakit, kumaing tama sa oras
sa loob ng anim na buwan, inumin ang lunas

- gregoriovbituinjr.
11.19.2021

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom