Sa paglalakad

SA PAGLALAKAD

sa anumang iyong tatahakin
ang sarili'y pakaingatan din
panganib man ang iyong suungin
at kayhaba man ng lalakarin

may kasabihang namumukadkad
yaong matulin daw kung lumakad
pag may bubog, matitibò agad
baka madapa't nguso'y sumadsad

lalo't mapagnilay na tulad ko
naiisip ay kung ano-ano
kumakatha pala ng seryoso
buti't di nababangga ng awto

mag-ingat pa rin kahit magnilay
bagamat may magandang kasabay
mag-ingat kahit di mapalagay
akibat mo man ay dusa't lumbay

humahakbang mang maraming ekis
sa buhay na itong nagtitiis
mabuti nang isip ay malinis
nang paa'y di madulas sa batis

- gregoriovbituinjr.
01.20.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom