Ang EDSA

ANG EDSA

sa matinding trapik kilala ng madla ang EDSA
may estasyon ng M.R.T. at may bus carousel pa
di lang iyon, may mahalaga rin itong historya
napatalsik ang diktador nang masa'y nag-alsa

taos pasasalamat sa ating mga ninuno
sa kabayanihang ginawa't kanilang tinungo
ang pagbaybay sa demokrasya laban sa palalo
at nakibaka laban sa mga crony't hunyango

ngayon, EDSA'y larawan ng matinding nakalipas
ng kabayanihan ng bayan laban sa marahas
nangarap ng pagbabago, bus ay pakitang gilas
nagtataasan ang billboard, tadtad ng patalastas

EDSA'y pinangalan kay Epifanio Delos Santos
abogado, pintor, kritiko, may-akda ring lubos
at historyan din, para sa bayan ang ikinilos
upang buhay ng masa'y di maging kalunos-lunos

mainit ang panahon, ramdam ko ang alinsangan
at ginunita pa rin ang nagdaang kasaysayan
umaasang di maulit ang ganoong nagdaan
na yumurak sa dangal at karapatan ng bayan

- gregoriovbituinjr.
madaling araw, 3:47 am, 02.26.2022 litratong kuha sa MRT noong 02.25.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom