Anim na oras na trabaho kada araw

Sigaw ng maralita:
ANIM NA ORAS NA TRABAHO KADA ARAW

anim na oras na trabaho ang hiling ng dukha
upang madagdagan ang labor force, ang manggagawa
bukod sa bahay, sinisigaw na rin nilang kusa:
“TRABAHO PARA SA WALANG TRABAHONG MARALITA!”

sigaw na nila: TRABAHO'Y GAWING ANIM NA ORAS!
kung may tatlong obrero sa paggawang otso-oras
sa loob ng isang araw, ah, sa anim na oras
ay magiging apat na ang obrero, di ba, patas?

mungkahi iyan ng dukha upang magkatrabaho
tatlong manggagawa pa'y naging apat na obrero
kawalan ng trabaho'y nasolusyunang totoo
di na mukhang kawawa pag dukha na'y may trabaho

tanggalin din ang age limit, dapat ding ikampanya
upang may edad man, magkatrabaho, kung kaya pa
sa ganito, maralita'y may dignidad nang kanya
at mabubuhay pa nila ang mahal na pamilya

- gregoriovbituinjr.
08.12.2022

* litrato mula sa blog ng KPML

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom