Ni-reset

NI-RESET

kagabi, sinabihan akong dumalo sa pulong
kinabukasan, paksa'y plano ng organisasyon
kanina, gumising ako ng pagkaaga-aga
dumating ng ikasampu sa takdang opisina

naghintay ako ng pagkatagal, walang dumating
iyon pala'y ipagpapaliban nila ang miting
bakit ganoon, ganyan ba sila magpahalaga
sa kasamang inaya sa pulong na wala sila?

wala ba akong kwenta't sila'y walang pakialam
dumalo ako sa pulong ngunit sila'y nang-indyan
o dahil lang wala ang pangulo't bise pangulo
at sekretaryo heneral lang ang kausap nito

ang salita nila'y di nila pinahalagahan
pagtupad ko sa usapa'y di pinahalagahan
tingin ba ng kausap nila'y bakit ako kasi
gayong tagahawak lang ako ng plakard sa rali

wala ang pangulo't ang bise pangulo'y maysakit
ako ang pinadalo, dokumento'y aking bitbit
ni-reset, kahit kaytagal kong naghintay sa opis
gayong inihanda ko na ang dapat na papeles

ako ba'y mali o di nila kursunadang sadya
sa rali'y tagabitbit lang daw ako ng bandila
di ba't nakakainis ang ginawa nilang ito
sa oras ng pultaym na tulad ko'y walang respeto

- gregoriovbituinjr.
10.09.2022

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom