Pagtangkilik

PAGTANGKILIK

patuloy lang basahin ang pahayagan ng dukha
na di lang dyaryo kundi produkto ng dugo't luha
binabalita ang nangyayari sa maralita
sinasalaysay ang saysay ng buhay nila't diwa

nakikibaka para sa karapatang pantao
pulos diskarte man, walang permanenteng trabaho
walang sahod, nagtitinda lang sa bangketa't kanto
subalit namumuhay ng marangal, di perwisyo

nakatira sa pinagtagpi-tagping barungbarong
o sa tabing ilog, tabing riles, o sa danger zone
ang iba nama'y sa himlayan ng mga kabaong
o kaya'y nakikiiskwat sa tabing subdibisyon

Taliba ng Maralita'y saksi sa laban nila
simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka
mabuhay kayong dukha, kumilos ng sama-sama
sa pagtangkilik sa Taliba, salamat talaga!

- gregoriovbituinjr.
11.23.2022

* ang Taliba ng Maralita ang opisyal na pahayagan ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom