Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Setyembre, 2023

Noong unang panahon

Imahe
NOONG UNANG PANAHON noong unang panahon, / may isang pulitiko na ugali'y magaspang / sa karaniwang tao kaibang paglilingkod / ang ginagawa nito tila baga negosyo / ang dapat ay serbisyo sa presyong limangdaan / ay kanya raw nabili ang prinsipyo ng dukha't / mga masang botante tila ba walang paki / sa kanyang sinasabi pang-uuto pa niya'y / ipinagmamalaki kaya katiwalian / ay laganap sa bayan kumpare't negosyante'y / kanyang kinikilingan negosyo'y naglipana, / walang pangkalusugan gusali'y nagtayugan, / hubad ang paaralan mula sa dinastiyang / pulitikal din siya dating meyor ang ama, / ina'y gobernadora ang asawa'y may-ari / ng maraming pabrika habang ang sahod naman / ay kaybabang talaga bayang ito'y ginawa / nang basahan ng trapo! sinong dapat sisihin? / yaong masang bumoto? prinsipyo'y pinagpalit / sa limangdaang piso? upang sang-araw man lang / dusa'y ibsang totoo? sa sunod na halalan / ano nang magaganap? bakit mga tiwali'y / tuloy

22 Pababa: Pangangalap ng tao

Imahe
22 PABABA: PANGUNGUHA NG TAO natawa lang ako sa tanong dito sa palaisipang sinagutan ko tanong kasi'y  "pangunguha ng tao" aba'y  KIDNAP  agad ang naisip ko kung nawala pa'y  DESAPARESIDO binilang ko, limang titik, di  KIDNAP sinagutan ang paligid, nahanap ang tamang sagot, ito pala'y  KALAP pangunguha nga ng tao, ang saklap na kahulugang iba sa hinagap aba'y ano bang dapat tamang tanong upang di malito't wasto ang tugon maraming salitang di makakahon ako man minsan ay paurong-sulong - gregoriovbituinjr. 09.29.2023    

Tula't tanong

Imahe
TULA pag masakit ang ulo ko, lunas dito'y pagtula pag masakit ang buong kalamnan, ako'y tutula sa hirap ng kalooban, ang hingahan ko'y tula pag nais ko ng pahinga, ang pahinga ko'y tula sa tambak na trabaho, tula na'y aking pahinga sa pagod kong katawan, tula'y pinakapahinga kaya ako'y humihingi sa inyo ng pasensya kung tumula na naman ako sa inyong presensya TANONG bakit may taong sinasayang ang buhay sa bisyo at sa gawaing masasama, di magpakatao bakit may mga taong nais lang makapanloko at buhay na'y inilaan sa gawaing ganito sa paggawa ng mali, sila ba'y napapakali wala na bang budhing sa kanila'y namamayani halina't tuklasin natin anong makabubuti para sa kapwa, panlahatan, di lang pansarili - gregoriovbituinjr. 09.27.2023

Ang tindig

Imahe
ANG TINDIG inalay ko na para sa bayan at kalikasan para sa katarungan at makataong lipunan ang sarili, ito'y matagal na pinag-isipan prinsipyo itong yakap-yakap hanggang kamatayan ayokong sayangin yaring buhay sa mga bisyo, sa pagyaman, o pagsasasamantala sa kapwa ko ayokong sayangin ang buhay sa mga di wasto ayokong mamuhay sa sistemang di makatao kumikilos akong tinataguyod ang hustisya na tanging iniisip ay kapakanan ng masa simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka labanan lahat ng uri ng pagsasamantala sa paglilingkod sa bayan, buhay ko'y nakaugat walang bisyo kundi sa masa'y maglingkod ng tapat ganyan lang ako, di pansarili kundi panlahat sa bawat hakbang, iyan ang laging nadadalumat - gregoriovbituinjr. 09.27.2023

Alingasngas at aliwaswas

Imahe
ALINGASNGAS AT ALIWASWAS ano bang kanilang makakatas sa mga gawaing panghuhudas sa bayan? dahil sa yama't lakas? kaya ba batas ay binubutas? itaguyod ang lipunang patas at sa kapwa tao'y pumarehas labanan ang mga alingasngas at anumang gawang aliwaswas - gregoriovbituinjr. 09.25.2023 *  alingasngas  - kilos o pangyayari na itinuturing na mali at nagsasanhi ng galit ng madla, UP Diksiyonaryong Filipino, p.35 *  aliwaswas  - katiwalian, UPDF, p.37

Muyag at Mulay

Imahe
MUYAG AT MULAY dalawang salita na naman ang nakita salitang di pamilyar, kahulugan -  BARYA ito'y nasa palaisipang magkaiba na magkasunod kong sinagutang talaga nang matapos, kahulugan ay tiningnan ko nais kong makatiyak na sagot ko'y wasto MUYAG  at  MULAY  pala'y salitang totoo nasa U.P. Diksiyonaryong Filipino MUYAG  at  MULAY  sa barya'y ibang salita na lalawiganin pag inaral ang wika na marahil magagamit ko sa pagtula o sa kwento kung nauukol itong sadya sapat ba ang kahulugan pag sinasambit o dapat pang mabasa paano ginamit sa pangungusap yaong salitang nabanggit ah, salamat,  MUYAG  at  MULAY  ay nabatid - gregoriovbituinjr. 09.24.2023 Palaisipan #16 11 Pahalang - Barya Sagot: MUYAG Palaisipan #19 26 Pababa - Barya Sagot: MULAY U.P. Diksiyonaryong Filipino MUYAG - barya, p.804 MULAY - sa Batangas, barya, p.799

Sa pagkatha

Imahe
SA PAGKATHA di dahil sa inspirasyon kaya nakatutula maysakit man, malungkot, nagdurusa, o tulala di man inspirado, basta may sasabihing sadya ay kaya mong isulat anumang nasasadiwa huwag tititig sa papel kung walang sasabihin at doon pipiliting pag-isipan ng malalim ang paksang di pa batid o nakalutang sa hangin huwag haharap sa kompyuter kung walang gagawin basta may sasabihin ka'y tiyak makasusulat maisasatitik ang anumang nadadalumat may maaakda sa pagitan man ng mga sumbat may makakatha gaano man kalalim ang sugat huwag hintaying inspirasyon ay basta dumampi na mangyayari'y mapapakagat ka lang sa labi magsulat ka lang tulad ng pagtatanim ng binhi isang payo iyang sa inyo'y nais ibahagi - gregoriovbituinjr. 09.23.2023

Kampyon sa walong dibisyon

Imahe
KAMPYON SA WALONG DIBISYON iisa lang ang sagot sa palaisipan sino ba ang 8-division champion ng boxing? tinatanong pa ba iyan? si  Pacquiao  iyan! boksingerong Pinoy na talagang kaygaling sa labingpitong weight classes na naririyan nagkampyon sa walong magkaibang dibisyon nagkampyon sa  flyweight , ang kauna-unahan sa  super bantamweight  at  featherweight  paglaon dalawang beses kampyon sa  superfeatherweight na kapwa laban kay Juan Manuel Marquez panglimang dibisyon nang magkampyon sa  lightweight titulo'y naagaw niya kay David Diaz ikaanim na dibisyon ang  light welterweight nang maagaw kay Ricky Hatton ang titulo anim na buwan pa'y nagkampyon sa  welterwight nang ma-knowout naman niya si Miguel Cotto sa  light middleweight  naman ay nagkampyong tunay pangwalo laban kay Antonio Margarito hinangaan si  Pacquiao  sa bilis at husay walong dibisyon, kahanga-hangang totoo - gregoriovbituinjr. 09.23.2023

Komentula

Imahe
KOMENTULA di raw ako masalita tila tinahi ang dila madaldal lang daw sa tula at doon ngawa ng ngawa sa tula nahahalata ang damdamin ng makata anuman ang sapantaha sa katha sinasariwa patuloy lang sa pagkatha ang makatang maglulupa kay-ingay ng nasa diwa animo'y rumaragasa mag-ingay ka pa, makata ikaw na di masalita sa toreng garing ma'y wala kinakatha'y komentula - gbj/09.23.2023

Nang matalo sa alamat

Imahe
NANG MATALO SA ALAMAT "Nothing wrong with losing  to a legend." - Thurman isa iyong kaygandang komento kaya ako sa kanya'y saludo nagpakatotoo ang natalo noong una'y di matanggap ito kapwa boksingero silang sikat subalit bangko'y di na binuhat nagpakumbaba nang madalumat na tumalo sa kanya'y alamat sa una'y kay-angas magsalita na di maitikom ang bunganga tila sinisilihan ang dila hanggang naglabanan silang sadya wala pang talo sa rekord niya hanggang nagsagupa na talaga sa unang round, siya'y bumagsak na nakatayo, tuloy ang giyera nang matapos, sino ang nagwagi? talo ang may maangas na labi alamat ang sa kanya'y gumapi na sa walong dibisyon naghari - gregoriovbituinjr. 09.20.2023

Hanap Salita

Imahe
HANAP SALITA natiyempuhan kong may panibagong paksa kaya agad sinagot ang Hanap-Salita tulad ng Dragon Ball characters, nagunita ang palabas na ito noong ako'y bata labanang martial arts, talagang nakilala sina Son Goku, Trunks, Picollo, at Vegetta Krillin, ang mandirigmang babaeng si Bulma Tien Shinhan, Yamcha, at marami pang iba apo ni Goku si Goten, anak ni Gohan di pa ang dragon ball na may kapangyarihan kaya yao'y pinanood ko't nagustuhan kundi sa martial art, sila ma'y magliparan kaygaganda ng labanan, di man totoo pagkat manga o cartoon na palabas ito kayhusay ng presentasyon ng pagkukwento at sa martial art, ako rin dito'y natuto - gregoriovbituinjr. 09.19.2023

Kung

Imahe
KUNG Kung mayroong katahimikin Ngunit walang kapayapaan Ito'y hanggang tainga lang Di pa sa kalooban. - gregbituinjr. 09.18.2023

Pag-ibig

Imahe
PAG-IBIG sa malagkit na titig kahit walang pinipig pagsinta'y mananaig sadyang nakaaantig panahon ma'y kaylamig animo'y maririnig kapara ng kuliglig ang bulong ng pag-ibig - gbj/09.17.2023

Tatlo na lang

Imahe
TATLO NA LANG tatlo na lang, pitong libo na tiya-tiyaga lang talaga higit nang dalawang dekada sa kathang pagbaka't pagsinta taospusong pasasalamat kung tula ko'y nakapagmulat kahit minsang pinupulikat sa pagnilay sa tabing dagat talagang ako'y nagpatuloy sa panahon mang kinakapoy lalo't sa diwa'y dumadaloy ang mga paksang di maluoy narito mang nagmamakata tigib man ng lumbay at luha ako'y kakatha ng kakatha kahit madalas walang-wala - gregoriovbituinjr. 09.17.2023

Palaisipan

Imahe
PALAISIPAN hilig ko ang sumagot ng palaisipan upang bokabularyo'y mapaunlad naman kahit payo sa kapwa'y pinag-iisipan sa problemang nilahad, anong katugunan? sa krosword, tanong pahalang ay aalamin at ang tanong pababa ay susuriin din titik sa bawat kahon ay pagtutugmain nang paglapat ng tamang salita'y tiyakin halimbawa ang tanong ay SALAT, ano na? ang sagot ay HAWAK o KAPOS? magkaiba KAPA'y BALABAL o SALAT? iisipin pa gaya ng payo, pag-iisipan din, di ba? palaisipan ay pampatalas ng isip na bisyo ko sa panahong nakaiinip naghihintay, nagninilay, may nililirip na minsan, may bagong salitang nahahagip - gregoriovbituinjr. 09.17.2023

Paalala sa dyip

Imahe
PAALALA SA DYIP kaylinaw ng paalala sa dyip na nasakyan agad: "Barya lang po sa umaga Pakiabot po ang bayad." sa isa pa'y nakasulat katagang " Always be honest!" na kung iyong madalumat ay Da Best ka among the rest paalalang batid natin kaydaling maunawaan anong ganda ng layunin patas at walang dayaan bakit kailangan nito? upang walang mag-1-2-3? at walang basta tatakbo? at sasakay lang ng libre? - gregoriovbituinjr. 09.16.2023

Minsang mapadaan sa Harvard

Imahe
MINSANG MAPADAAN SA HARVARD magtuturo na raw ng wikang Filipino sa Harvard, kaygandang oportunidad nito upang ating wika'y mabatid na totoo ng ibang lahi, Ingles, Kano, Aprikano Pamantasang Harvard ay kayganda ng layon at gurong Pinoy pa ang magtuturo doon ng ating wika, ah, kahanga-hanga iyon pagkat tinanggap niya ang matinding hamon sa kalye Harvard ay napadaan kanina at sa karatula ng kalye'y nag-selfie na doon, gurong nasabi'y agad naalala bagamat di ko tanda ang pangalan niya ako kaya'y makapag-aral pa sa Harvard? malabo, papunta lang doon ay very hard nais mang matuto sa mga idolong bard o English poet, wala naman akong green card pangarap ko ring sa Harvard makapag-aral ngunit hanggang pangarap na lang ang iiral subalit sa pag-aaral ay nagpapagal sarili mang pagbasa ng libro't materyal - gregoriovbituinjr. 09.15.2023

Hustisya sa batang pinaslang ng ama!

Imahe
HUSTISYA SA BATANG PINASLANG NG AMA! karima-rimarim ang ginawa ng isang tatay sa anak na babaeng binugbog niya't naratay sa ospital, ilang araw lang, bata na'y namatay sa balitang iyon, manggagalaiti kang tunay sariling anak, pinatay! dapat sa kanya'y bitay! si Catherine Joy o C.J. ay edad pitong taon kung may kasalanan man, bakit siya ginanoon? dahil sa sukling di naibigay sa tatay niyon ay sinaktan ng amang walang anumang hinahon walang banggit sa ulat kung ama sa droga gumon tiyak marami pang pangarap ang nasabing bata subalit ngayon, naglaho na iyong parang bula di pa nadarakip ang ama, ayon sa balita sana'y sumuko na siya't panagutan ang sala HUSTISYA PARA KAY C.J. na kay-agang nawala! - gregoriovbituinjr. 09.13.2023

Patas, patis, patos

Imahe
PATAS, PATIS, PATOS PATAS nais ko'y isang patas na lipunan, parehas ang palakad at batas nang walang aliwaswas PATIS nalasahan ng dila ang patis sa nilaga pinasarap na sadya at busog ang napala PATOS pinatos ang dalaga na bagong kakilala akala'y bagong sinta ngunit bayaran pala * Tatlong tanaga ni gregoriovbituinjr. 09.12.2023 *  aliwaswas  - katiwalian, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.37

RAMBOLetra uli

Imahe
RAMBOLetra uli kalugod-lugod ngayong umaga ang laro sa app na  RamboLetra salita'y huhulaang talaga ginhawa sa puso'y madarama nakapagpapatalas ng isip sa oras minsang nakakainip may mga salitang mahahagip o kaya'y di mo naman malirip sumagot lang basta may panahon pumarito ka ma't pumaroon at inaantay ang kinakaon mong nasa paaralan ngang iyon mag-download ng  RamboLetra  sa app at may galak na mahahagilap pag nag-iisa'y parang kausap sa iyo animo'y lumilingap - gregoriovbituinjr. 09.10.2023

Nakaligtas sa 'salvage'

Imahe
NAKALIGTAS SA 'SALVAGE' sa ulat, dinukot ng mga suspek ang biktima pinagbabaril, sa puting S.U.V. inilulan at ang biktima'y itinapon sa gilid ng daan  nagpatay-patayan kaya sa 'salvage' nakaligtas ang 'salvage' ay di Ingles na ibig sabihin ay 'save' kundi salitang nagmula sa Kastilang 'salvaje' ibig sabihin, biktima'y talagang sinalbahe na buong pagkatao'y pinuntirya ng salbahe marahil ang apat na suspek ay inutusan lang dahil baka biktima'y marami nang nalalaman o baka biktima'y kasama sa mga kalaban sa mga gaya nila'y mayroon palang digmaan di natin alam, batay lang sa nabasang balita sa pahayagan, biktima'y nakaligtas pang sadya pag-'salvage' ay gawaing di patas, kasumpa-sumpa pamilya ng biktima'y tiyak tigib ang pagluha - gregoriovbituinjr. 09.10.2023 * balita mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Setyembre 9, 2023, pahina 1 at 9

Mag-ingat sa mapagsamantala!

Imahe
MAG-INGAT SA MAPAGSAMANTALA! mag-ingat lagi, bilin ni nanay sa may trabaho niyang panganay at baka buwitre'y sumalakay iniingatang puri'y maluray karima-rimarim na balita isang pasahero'y ginahasa ng rider, sinamantalang sadya ang babaeng lasing, nanghihina imbes na ihatid sa tahanan sa motel dinala ng haragan ang babaeng di na naingatan ang puri dahil sa kalasingan sa gimik nanggaling ang babae ng madaling araw sa Malate kaya ingat lagi, mga Ate at baka malapang ng buwitre hanap ng babae ay hustisya sana ito'y kanyang makamtan pa ito'y malaking aral sa iba pag-iingat, isipin tuwina - gregoriovbituinjr. 09.08.2023 * "Babaeng pasahero, ni-rape ng rider", ulat mula sa Pilipino Star Ngayon, Setyembre 8, 2023, pahina 1 at 6

Ilitaw sina Jonila at Jhed!

Imahe
ILITAW SINA JONILA AT JHED! isa na namang balitang sadyang nakalulungkot dalawang environmental activists ang dinukot bakit nangyayari ang ganito? nakatatakot! dahil ba tinutuwid nila ang mga baluktot? nais ay makataong pagtrato sa kalikasan na tutok ay isyung Manila Bay at karagatan pati mga reklamasyong apektado ang bayan subalit sila'y iwinala sa Orion, Bataan nangyari'y huwag nating ipagsawalang-bahala baka di iyan ang huli, o iyan ang simula? krisis sa karapatang pantao na'y lumalala ang pagwala sa kanila'y sadyang kasumpa-sumpa kaybata pa nila, edad bente dos, bente uno sadyang ginigipit na ang karapatang pantao sinisigaw namin, sana'y mapakinggang totoo: ilitaw sina Jonila Castro at Jhed Tamano! - gregoriovbituinjr. 09.08.2023 * Para sa detalye, basahin ang mga kawing na: https://web.facebook.com/photo/?fbid=320724156991942&set=a.275240728206952 at  https://web.facebook.com/photo/?fbid=682765210554525&set=a.620597136771333

Paglagay sa tahimik sa magulong mundo

Imahe
PAGLAGAY SA TAHIMIK SA MAGULONG MUNDO pag lumagay ka sa tahimik, ikinasal ka na katuwang ang tangi mong minamahal wala nang barkada, bisyo, babae't sugal kundi sa pamilya iinog ang pag-iral nasa tahimik, pulos trabaho't tahanan si misis man ay lagi kang tinatalakan sweldo'y laan na sa anak, hapag-kainan, edukasyon, bayad-utang, kinabukasan ngunit naiba ang paglagay sa tahimik nang mauso ang tokhang, mata'y pinatirik kayraming natakot, iba'y di makaimik mahal ay biktima ng balang anong bagsik ang mahal na asawa o anak, tinokbang! kinatok sa tahanan, naging toktok, bangbang! nangyari'y walang proseso, basta pinaslang! sinong mananagot, sino ang mga aswang? nag-iiba ang kahulugan ng salita saanmang panaho'y nadarama sa wika nilagay sa tahimik, pinaslang na sadya pinatahimik ng walang kaawa-awa - gregoriovbituinjr. 09.08.2023

Pagbabago

Imahe
PAGBABAGO "Change happens not by trying to make yourself change, but by becoming conscious of what's not working." - Shakti Gawain pagbabago'y nagaganap, ani Shakti Gawain, na hindi raw sarili ang susubukang baguhin kundi malay ka anong di gumagana sa atin para bang dapat munang piliin anong gagawin malalim at makahulugan ang kanyang tinuran di magbabago ang lahat pag nakatitig lamang sa kalangitan, sa kalawakan, o sa kawalan ang pagbabago'y di basta lalapit kaninuman anong halimbawa, sa katulad kong nagsusulat sa bawat akda ko ba'y marami ang namumulat may mga isyung panlipunan bang naisiwalat o wala pa ring nagbago't di nila nadalumat kung nais ng pagbabago'y gawin nating mataman kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan at mula roon, kumilos upang ating makamtan ang ninanais na pagbabagong pangkalahatan - gregoriovbituinjr. 09.08.2023 * litrato mula sa Pilipino Star Ngayon, Setyembre 2, 2023, pahina 10

Dagat ng basura't baradong kanal

Imahe
DAGAT NG BASURA'T BARADONG KANAL sinong maysala sa baradong kanal? bakit dagat ng basura'y nariyan? nang bagyo'y manalasa, natigagal di ba't tayo rin ang dahilan niyan? nagbarahan ang sangkaterbang plastik sa mga baradong kanal sumiksik naglutangan sa dagat ang basura na kagagawan natin, ninyo, nila anong gagawin at maitutulong? upang basurang iyan ay tanggalin sa dagat ng basura ba'y susuong? upang basura'y isa-isang kunin? baha dahil sunod-sunod ang unos problemang ito'y ating isaayos anong sama't basura'y inaanod sa dagat na itong nakalulunod - gregoriovbituinjr. 09.05.2023 * litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Setyembre 4,2023, pahina 2

20 Haiku hinggil sa typhoon Haikui

Imahe
20 HAIKU HINGGIL SA TYPHOON HAIKUI ni Gregorio V. Bituin Jr. Nananalasa ngayon sa bansa ang bansang Hanna, na ang international name ay Haikui. Sa una kong basa sa Ulat Panahon sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, ito'y Haiku, isang anyo ng pagtulang Hapones, na may pantigang 5-7-5. Subalit nang muli kong tingnan, Haikui pala, hindi typhoon Haiku. Gayunpaman, naisipan kong kumatha ng ilang haiku hinggil sa typhoon Haikui. Ilang pantig ba ang Haikui? Ang pronunciation o pagkabigkas sa bagyong Haikui, ayon sa  http://paladinofstorms.net/cyclone/typhoon.html  ay Haikui "high-kway". Ibig sabihin, dalawang pantig. Subalit maaari ring tatlong pantig dahil sa titik k. Kaya pinakinggan ko ang bigkas sa isang balita sa bidyo na  https://www.youtube.com/watch?v=ezu0aAxSYsA  na may pamagat na Haikui expected to become another typhoon threat - August 29, 2023, binasa ang Haikui na haykuwi. Tatlong pantig. Dahil may titik k, kaya ipinagpalagay ko nang tatlong pantig pati ang naunang sa

Nilay

Imahe
NILAY mundo ko'y tigib ng katahimikan habang wala pa ring kapayapaan waring ang loob niring kalooban ay di mabatid ang kalalabasan tahimik at payapa'y magkaiba sa diwa'y nag-uumpugan tuwina katahimikan wari ko'y sa taynga kapayapaa'y sa puso talaga ah, anong dalas pa ring nagtitimpi puno ng sugat ang diwa't sarili hanggang ngayo'y di pa rin mapakali sa samutsaring dinidili-dili ah, gawin pa rin anong nararapat kahit masakit ang ulo't balikat tulala man, tutula pa ring sukat huwag malingat at laging mag-ingat - gregoriovbituinjr. 09.03.2023

Motawa at Lasuna

Imahe
MOTAWA AT LASUNA sa palaisipan ay muling natulala dahil di ko alam ang sagot na salita subalit mahalaga namang isadiwa pulis sa Saudi ang Labimpito Pababa sibuyas ng Ilocos sa Trese Pahalang buti't may diksyunaryo naman sa tahanan salita pala'y  LASUNA  nang matagpuan nang aking masaliksik, puso ko'y nagdiwang ang sagot ko'y  MOTAWA  sa pulis-Arabo mula naman kay google ay natagpuan ko baka batid din ng mga O.F.W. na sa Saudi ay matagal na nagtrabaho mga salitang minsan dapat kabisahin at baka magamit sa akdang kakathain sa palaisipang ito'y salamat na rin di alam na salita'y nababatid natin - gregorioovbituinjr. 09.03.2023 *  mutawa  (alternative forms - mutawwa, muttawa) A member of the religious police in Saudi Arabia. The religious police as a body. https://en.wiktionary.org/wiki/mutawa *  lasona  - sibuyas, mula sa U.P. Diksiyonaryong Filipino, p.681

Ingatan, huwag ibagsak

Imahe
INGATAN, HUWAG IBAGSAK "Fragile, Handle With Care"  ang katumbas nang sa isang kahon ay kalatas paalala, baka babasagin ang nasa kahon nilang dadalhin pinaalam sa sariling wika pag sa wikang dayo'y di unawa naisip pang itatak sa kahon ah, kayhusay ng ganitong layon bilin:  Ingatan, Huwag Ibagsak sa himpapawid man o sa lubak pag may basag, di mapapakali kaya pakaingatang mabuti salamat sa pagpapaalala sa puso'y may ginhawang nadama kahon na'y naingatang malugod wikang sarili pa'y nataguyod - gregoriovbituinjr. 09.03.2023

Bakbak-tahong

Imahe
BAKBAK-TAHONG mas mabigat pa sa ningas-kugon ang tinatawag na bakbak-tahong trabaho ka ng trabaho ngunit walang nangyayari, aba'y bakit? gumagawa'y walang natatapos? walang nayari, parang busabos? ginagawa mong paulit-ulit pala'y walang resulta, kaysakit! kung may ugali kang bakbak-tahong aba, ikaw ay di sumusulong kumbaga sa barkong nakalutang gawaing ito'y tiktik-kalawang tiyaking ginawa'y may resulta kung wala, panaho'y naaksaya para kang tumatandang paurong kung naging gawi mo'y bakbak-tahong - gregoriovbituinjr. 09.02.2023 *  bakbak-tahong  - trabaho ng trabaho ngunit walang natatapos  o nayayari, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.109

Sa dalawang magigiting

Imahe
SA DALAWANG MAGITING taospuso pong pakikiramay sa pamilya ng mga namatay isa'y kilalang mamamahayag isa'y mahusay na manggagawa sumikat noon si  Mike Enriquez sa kanyang pagsisilbi sa bayan sa Imbestigador maririnig: "Hindi namin kayo tatantanan" kilala rin namin si  Efren Cas organisador ng manggagawa na pangarap ay lipunang patas at lipunang makataong sadya isa'y sikat na mamamahayag kilala sa radyo't telebisyon ang isa'y magaling na kasama at kilala sa maraming unyon inalay ninyo ang inyong buhay para sa kagalingan ng tanan sa inyong dalawa'y pagpupugay salamat sa ambag n'yo sa bayan - gregoriovbituinjr. 09.01.2023