Liboy pala'y Alon; Atab ay Nipa

LIBOY PALA'Y ALON; ATAB AY NIPA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Habang sumasagot ng palaisipan sa pahayagang Pang-Masa, isyu ng Enero 30, 2024, pahina 7, ay napatitig tayo sa dalawang katanungan, na kung hindi pa ako sasangguni sa aklat ng talasalitaan, ay hindi ko mababatid ang sagot. Mga luma, kundi man malalim o lalawiganin, ang mga salita.

Sa 15 Pahalang, ang tanong ay LIBOY, hindi libot. Apat na titik ang sagot. Upang malaman ang sagot ay sinagutan ko muna ang mga tanong na Pababa. At ang lumabas na sagot ay ALON. Ang LIBOY nga ba'y ALON? Ngayon ko lang iyon nabatid.

Sa 30 Pahalang naman, ang tanong ay NIPA. Apat na titik din ang sagot. Marahil ay SASA. Subalit titik A ang unang letrang sagot. Hindi S. Kaya sinagutan ko muna ang mga Pababa. Ang natira ay ATA_, at hindi ko batid ang tamang sagot. ATAW, ATAG, ATAS, ATAY, ano nga ba? Kaya kailangang sumangguni sa diksiyonaryo.

Tanging ATAS ang nasa Diksyunaryong Filipino-Filipino na inedit ni Ofelia E. Concepcion, pahina 19. Tiyak hindi ATAS. Gayon din ang entri sa Diksyunaryong Filipino: Tagalog-Tagalog na nilathala ng Tru-Copy Publishing House, pahina 16.
Subalit sa pahina 86 ng U.P. Diksiyonaryong Filipino (UPDF) ay may siyam na entri upang pagpiliian sa ATA_:
atab (Botany, Sinaunang Tagalog o ST): dahon ng palma na ginagamit na pantakip;
atag - 1. pagtibag at paghukay; 2, ST, gawain sa komunidad; (iba pang kahulugan: paulit-ulit);
atak - 1. ST, dapyo sa init ng araw; 2. ST, watak;
atal - Ilokano: gulong na karaniwang gawa sa kahoy; Tausug: lapis na pangkulay ng labi;
atan - Ivatan: bahagi ng dalampasigan na nasa ilalim ng tubig;
atas - utos o bilin;
atat - halatang gustong-gusto ang isang bagay;
ataw - ST, hindi gusto; ginagamit din upang ipahabol sa aso ang usa o baboy-damo;
atay - Biology - malaki at bilugang organismo sa tiyan ng vertebrate, at ginagamit sa iba't ibang prosesong metaboliko.

ATAB ang aking isinagot. Dahil ang NIPA, ayon sa UPDF, pahina 821, ay katutubong palma; at ang ATAB ay dahon ng palma.
Ang LIBOY naman, ayon sa UPDF, pahina 683, ay Sinaunang Tagalog, 1. paglawlaw dahil sa labis na katabaan; 2. kilapsaw. Ang kilapsaw naman, ayon sa UPDF, pahina 607, ay maliliit na along pabilog na likha ng isang bagay na bumagsak o lumitaw sa tubig.

Kaya wasto ang mga sagot sa palaisipan. Ang LIBOY ay ALON, at ang NIPA ay ATAB. Pawang mga dagdag sa ating bokabularyo. Dahil dito'y kumatha ako ng tula.

LIBOY AT ATAB

mga lumang tagalog o kaya'y lalawiganin
anang diksyunaryo'y Sinaunang Tagalog man din
kaya di mo rin masasabing salita'y malalim
kundi sa kasalukuyan ay di mga gamitin

ang LIBOY pala ay ALON, ATAB naman ang NIPA
salitang lalawiganin ma'y napakahalaga
may sariling Tagalog ang iba't ibang probinsya
iba sa Maynila, iba sa Batangas, Laguna

kaya sa ating pagsagot nitong palaisipan
halimbawang may salitang di nauunawaan
magandang sangguniin din ang talasalitaan
baka masagot ang nakaabang na katanungan

wala namang mawawala kung mabatid man ito
mahalaga'y napapagyaman ang bokabularyo
madalas sa palaisipan tayo'y natututo
may madaragdag pa sa pagsulat ng tula't kwento

01.30.2024

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

Aba'y igalang ang kababaihan, kahit sa dyip

Marami nang namatay sa sakit, di sa gutom