Pagsinta

PAGSINTA

ang isang nobela'y nagwakas na
habang komiks niyon ay kayganda
hinggil sa pag-ibig ng dalawa
mutawi'y "mahal na mahal kita"

tulad din noong nagmamahalan
kami ni misis, pinagsamahan
ay sadyang tigib ng katapatan
hanggang sa dulo ng walang hanggan

pangarap na ito'y mapalawig
ngunit puso'y tigib ng ligalig
ay, wala na ang tanging pag-ibig
di na siya makulong sa bisig

pang-apatnapung araw na pala
bukas nang mawala yaring sinta
tinitigan ang larawan niya
lalo ngayong ako'y nag-iisa

- gregoriovbituinjr.
07.20.2025

* larawan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 16, 2025, p.5

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang pagbabaraha

Ang nawawalang taludtod sa tulang "Engkantado" ni Jose Corazon de Jesus

Sino si Florentino Collantes?