Esposas

ESPOSAS

sa wikang Kastila pala'y dalawa
ang ibig sabihin nitong esposas
ito'y posas at maraming asawa
sa atin, mas asawa ang nawatas

ngayong Buwan ng Wika'y pag-usapan
paano nga ba iyan naisalin
lumaganap sa panahong nagdaan
hanggang buong bayan ito'y gamitin

magkaroon ba ng asawa'y posas
piniit ka sa kontrata ng kasal
wala kang kawala't di makalabas
hanggang sa tumanda't kayo'y magtagal

esposa, posas, laro ng salita
halaw na wika'y hindi na naalis
nananatili, at nauunawa
ng mamamayan, di lang ng marites

- gregoriovbituinjr.
08.13.2025

* ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Agosto 12, 2025, p.5

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang pagbabaraha

Sa paglulunsad ng librong "Pauwi sa Wala" ni Jim Libiran

Dalawang anekdota sa pinuntahan kahapon