Mga Post

Ipinapakita ang mga post mula sa Setyembre, 2025

Makabagong salawikain

Imahe
MAKABAGONG SALAWIKAIN Nang dahil sa ghost flood control Kayraming bulsang bumukol O, mga gahaman sa kapangyarihan  Pati kabang bayan iyong ginagalaw Pag iyan ang nasok sa puso ninuman Kukunin ang lahat ng pera ng bayan Pesante''y nagtanim, obrero'y nagsaing Contractor at senador ang nagsikain Tuso man daw ang contractor Daig sila ng Senador  Ang contractor ay parang langaw Na nakatuntong sa kalabaw Pera ng bayan ang inagaw Pati baha'y mistulang lugaw Ang hindi lumingon sa pinanggalingan May flood control projects na pinabayaan Walang matimtimang Senador Pag naglagay na ay Contractor Ang maghangad ng kagitna Kasakiman ang napala Contractor na walang awa Ang bayan ang kinawawa - gregoriovbituinjr. 09.30.2025 * unang binigkas sa munting konsyerto para sa pagpapalaya sa Mendiola 216, Setyembre 28, 2025

Walang makataong ebiksyon at demolisyon

Imahe
WALANG MAKATAONG EBIKSYON AT DEMOLISYON may makatao nga bang demolisyon gayong tinanggalan ka ng tahanan di rin makatao iyang ebiksyon kung itinaboy sa paninirahan makatao bang tanggalan ng bahay ang isang pamilya ng maralita na walang maayos na hanapbuhay sila nga'y isang kahig, isang tuka kahit pa nakatira sa danger zone ay karapatan ang paninirahan huwag puwersahin ang demolisyon ang pagpapasya'y nasa nananahan di nga raw sila dapat idemolis kundi pamamaraang makatao makatao bang ituring kang ipis o daga gayong mga dukha'y tao gawaing demolisyon ay malupit pinilit kayong mawalan ng bahay ang demolisyon ay nakagagalit winasak ang tahimik ninyong buhay - gregoriovbituinjr. 09.30.2025

Anila

Imahe
ANILA anila, nasa panahon pa ako ng pagdadalamhati ngunit ngayon nangangalsada laban sa mapang-aping uri anila, kayhirap mawalan ng asawang tangi't inibig sa danas kong kapighatian sa lungkot ay huwag padaig anila, ako'y magpalakas ng katawan, ng diwa't pusò pangarap kong lipunang patas ay tuparin kong buong-buô anila, mundo ko'y mapanglaw pagkat araw-gabing tulalâ  sino bang sa akin tatanglaw kundi ako ring lumuluhà - gregoriovbituinjr. 09.29.2025

Kamaong kuyom

Imahe
KAMAONG KUYOM itataas ko yaring tikom na kamao sa anumang kilos o rali sa lansangan itataas ko yaring kaliwang kamao bilang pagtindig sa kapakanan ng bayan ikukuyom ko lagi ang aking kamao tanda ng buong puso kong pakikibaka nang sistemang bulok ay baguhing totoo dahil hindi-hindi na pwede ang pwede na mananatiling tikom ang aking kamao habang bukas ang diwa sa panunuligsâ habang isinasabuhay yaring prinsipyo hinggil sa uring manggagawa't maralitâ mandirigma man akong ang kamao'y kuyom adhika kong mawalâ ang sistemang bulok makatâ akong kumikilos kahit gutom malabanan lang ang burgesya't trapong hayok - gregoriovbituinjr. 09.29.2025

Justice, Hindi Just-Tiis

Imahe
JUSTICE, HINDI JUST-TIIS bayan ay lagi nang nagtitiis ang mga pagbahang labis-labis ang masa'y naglalakad sa lusak dahil flood control projects na palpak masa'y nagkasakit, nagkagalis matindi'y nagka-lestospirosis contractor bay'y may pang-medisina? nang lunasan ang sakit ng masa? ang nais nitong bayan ay justice ayaw na nilang laging just-tiis sa nangyari'y may dapat managot ikulong lahat ng nangurakot ang gobyerno ba'y public service? o ginawa nang personal business? ilantad di lang mga contractor kundi kasabwat nilang Senador! sa bansa'y di dapat makaalis ang mga lintang dapat matiris bansa natin ay naging mapanglaw dahil sa buwayang matatakaw - gregoriovbituinjr. 09.28.2025 * litrato kuha sa Luneta, National Day of Protest Against Corruption (BAHA SA LUNETA), Setyembre 21, 2025    

Sa aking lunggâ

Imahe
SA AKING LUNGGA ang noo ko'y kunot sa aking lungga nagninilay sa ilalim ng lupa naghahanda sa malawakang sigwa diwa, pluma't gulok ay hinahasa nabubuhay kahit nagsasalat man sa munti kong mundo ng panitikan tambak ang pahayagan, may aklatan sa lunggang di ko kinaiinipan sa sinapupunan ng laksang kwento ay nagbuntis ang pag-aalburuto ng masa laban sa pang-aabuso ng mga linta, tiwali't dorobo dapat nang managot lahat ng sangkot sa korapsyon nilang katakot-takot ang ginawa nila'y nakapopoot ang ginhawa nila'y baha ang dulot  anang bayan, di dapat manatili sa pwesto kahit na isang sandali  ang trapo't dinastiyang naghahari ikulong lahat ng mga tiwali sa aking lungga mamaya'y lalabas maghahanap ng pambili ng bigas habang pangarap ay lipunang patas at bulok na sistema na'y magwakas - gregoriovbituinjr. 09.28.2025

Ang ibinibigay ko sa madlâ

Imahe
ANG IBINIBIGAY KO SA MADLÂ ibinibigay ko, hindi lang alay,  ang bawat tulang nakatha kong tunay inyo na iyan, pagkat tula'y tulay ko saanman magtungo't humingalay tula ko'y ibinibigay kong kusà sa masang api, dukhâ, manggagawà, magsasaka, vendor, babae, batà, lalo't sila ang madalas kong paksâ sa tula'y wala mang perang kapalit pagkatao itong di pinagkait inyo na iyan, sa madla'y sinambit di ko iyan madadala sa langit tula'y buhay ko, sa tula'y seryoso tula'y tulay kong bigay na totoo inyo na iyan, mula sa pusò ko oo, tutulâ ako hanggang dulo - gregoriovbituinjr. 09.28.2025

Buwaya

Imahe
BUWAYA tila buwaya'y mukhang Lacoste pangmayaman, pangmay-sinasabi: ang  "Their Luxury, Our Misery" na patamà sa mga salbahe istiker o plakard sa lansangan  na sa paglalakad nadaanan kaya kaagad nilitratuhan pagkat mensahe'y para sa bayan lalo't buwaya'y bundat na bundat pati contractor at kasapakat pondo ng flood control ang kinawat kaya pagbaha'y kaytinding sukat sadyang sila'y mga walang budhi walang dangal at kamuhi-muhi  mga ganid na dapat magapi sa pwesto'y di dapat manatili kaban ng bayan na'y kinurakot nilang kawatang dapat managot sigaw ng bayan, lakip ay poot: IKULONG ANG LAHAT NG KURAKOT! - gregoriovbituinjr. 09.27.2025

Kawatan, ikulong, panagutin sila!

Imahe
KAWATAN, IKULONG, PANAGUTIN SILA! (to the tune of Katawan, by Hagibis) flood control projects, naglalaho flood control projects, naglalaho kawatan, kawatan, ikulong na iyan! kawatan, kawatan, ikulong na iyan! kawatan, kawatan, panagutin sila! kawatan, kawatan, panagutin sila! flood control projects, naglalaho kawawa ang bayan ko, ang tao kawatan, kawatan, ikulong na sila! kawatan, kawatan, panagutin sila! - gbj, 09.26.2025 * mapapanood ang maikling bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/19QEBGARnP/  

Labanan ang katiwalian!

Imahe
LABANAN ANG KATIWALIAN! katiwalian ba'y paano lalabanan? ng mga wala naman sa kapangyarihan ng mga ordinaryong tao, mamamayan ng kagaya kong naglulupa sa lansangan iyang katiwalian ay pang-aabuso ng pinagtiwalaan mo't ibinoto para sa pansariling pakinabang nito pondo ng bayan ang pinagkunang totoo paano ba tayo magiging mapagbantay? upang katiwalian ay makitang tunay! paano ba bawat isa'y magiging malay? na may korapsyon na pala't di mapalagay ang mga tiwali'y paano mahuhuli? kung krimen nila'y pinagmumukhang mabuti? kung may mansyon na ba't naggagandahang kotse? kung serbisyo'y negosyo na, imbes magsilbi? dahil sa ghost flood control projects at pagbahâ kayâ katiwalia'y nabatid ng madlâ habang mayayama'y masaya't natutuwâ dahil sa nakurakot sa kaban ng bansâ salamat sa mga dumalo sa Luneta at Edsa, pinakitang tumindig talaga laban sa katiwalian at inhustisya pagpupugay sa lahat ng nakikibaka! - gregoriovbituinjr. 09.26.2025 * unang litrato m...

Sa laban lang tutumba kaming tibak na Spartan

Imahe
SA LABAN LANG TUTUMBA KAMING TIBAK NA SPARTAN isang inspirasyon ang Spartan na si Eurytus di ang duwag na Spartan na si Aristodemus ginawa ni Eurytus ay kadakilaang lubos kabayahihan niya sa diwa't puso ko'y tagos kapwa maysakit na sa mata, kaya inatasan ni Leonidas na umuwi't magpagaling naman subalit nang sa Thermopylae na'y nagkagipitan bumalik si Eurytus, bulag na nakipaglaban di gaya ni Aristodemus na umuwing buhay at di na lumahok sa labanan sa Thermopylae karuwagan niya sa kasaysayan sinalaysay habang si Eurytus, nakibaka't umuwing bangkay dalawang ngalan, isa'y bayani, duwag ang isa kapwa mandirigmang Spartan, maysakit sa mata tagos sa tulad kong tibak ang aral na nakita di sa sakit kundi sa laban lang kami tutumba - gregoriovbituinjr. 09.25.2025 * litrato mula sa google

Dalawang pandesal at tubig lang

Imahe
DALAWANG PANDESAL AT TUBIG LANG dalawang pandesal at tubig lang ang kinain kaninang agahan gayon na rin sa pananghalian habang walang salapi'y tiis lang hanap muli ng matatrabaho kahit na kaunti lang ang sweldo basta may mapambili lang ako sa bawat araw, bawat minuto tagamasa man sa panaderya magdidyanitor sa opisina tagahugas man sa karinderya kahit tagalikom ng basura subalit ayaw akong tanggapin pag resumé ko na'y nabasa rin sila daw pala'y takot sa akin baka obrero'y organisahin may panahong ganito ang buhay na dilim ang iyong masisilay habang yaring buhay na'y inalay nang kabuluka'y labanang tunay naubos na lahat ng naipon di pa uli kumikita ngayon sa pagkatha't pagsusulat doon at dito na talaga kong layon kaya, heto, nganga lang talaga kaya pandesal at tubig muna pinagkakasya ang nasa bulsa ngunit tuloy ang pakikibaka umaasa pang makakahanap ng pagkakakitaan kong ganap nakikibaka pa't nangangarap Spartan pa rin kahit maghirap - gregoriovbituinjr. 0...

Kaming mga tibak na Spartan

Imahe
KAMING MGA TIBAK NA SPARTAN kami'y mga aktibistang Spartan na apo ni Leonidas, palaban tapat sa prinsipyo kahit masaktan handang suungin kahit kamatayan maipagtanggol lang ang sambayanan nakikibaka kami araw-gabi sa buhay man ay hirap, very busy batid mang ang paglaban ay di easy pinapatatag namin ang sarili sistema'y inaaral nang mabuti tutularan pa namin si Eurytus di ang duwag na si Aristodemus kaya nakikibaka kaming lubos nang ginhawa'y kamtin ng masang kapos at mawakasan ang pambubusabos ng burgesya't tusong oligarkiya ng mga kuhilang kapitalista ng mga palamara't dinastiya ng mga trapo't mapagsamantala ng mga maygawa ng inhustisya - gregoriovbituinjr. 09.24.2025

Pakikiisa sa sambayanan

Imahe
PAKIKIISA SA SAMBAYANAN naroon din ako sa Luneta sa laban ng bayan nakiisa laban sa mga katiwalian, kagarapalan, at kabulukan dapat nang palitan ang sistema ng tusong trapo't oligarkiya na serbisyo'y ginawang negosyo na taumbayan ay niloloko sigaw natin: sobra na, tama na! baguhin ang bulok na sistema! wakasan ang naghaharing uri! lunurin na sila sa pusali! ganyan ang galit ng sambayanan  sa tuso't dinastiyang kawatan hustisya ang ating minimithi ngayon sana'y bayan ang magwagi - gregoriovbituinjr. 09.24.2025 * kuha sa Luneta, 09.21.2025 * salamat sa kumuha ng litrato

Sigaw ni Maris: Serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo!

Imahe
SIGAW NI MARIS: SERBISYO SA TAO, HUWAG GAWING NEGOSYO! si Maris Racal, isinigaw ngang totoo "Serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo!" aba'y isinisigaw din ng dukha ito pagkat ito'y kanilang tindig at prinsipyo umalingawngaw ang kanyang boses sa bidyo titindig talaga ang iyong balahibo pagkat kayraming ipinaglalabang isyu ang karapatan, pabahay, NAIA, sweldo pampublikong serbisyo'y di dapat negosyo ng oligarkiya't ng dinastiyang tuso ng burgesya't ng kapitalistang dorobo na ninanakawan ang taumbayan mismo kaya maraming salamat sa iyo, Maris pagkat sa sambayanan ay nakipagbigkis hiniyaw mo'y tagos sa puso't aming nais paninindigan itong di dapat magmintis - gregoriovbituinjr. 09.23.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://web.facebook.com/reel/1129007608615208  

Artistang sina Maris at Andrea laban sa korap

Imahe
ARTISTANG SINA MARIS AT ANDREA LABAN SA KORAP sa Luneta,  Maris Racal  at  Andrea Brillantes lumaban na rin sa korapsyon, di na nakatiis kasama ng sambayanan, sila'y nakipagbigkis upang mga korap ay mapanagot, mapaalis tangan nilang plakard ay may magandang nilalayon mula Philippines-Palestine Friendship Association para sa bayan, para sa masa, may isang misyon sana'y kamtin ng bayan ang panawagan at layon LAHAT NG KORAP, DAPAT MANAGOT!  ang hinihiyaw ng sambayanang sa hustisya'y kaytagal nang uhaw ang bawat korapsyon ay nakatarak na balaraw sa masang minaliit, na sa pang-aapi'y ayaw mabuhay kayo, Maris at Andrea, pagpupugay! di lang sa pag-aaartista pinakita ang husay pagkat ayaw n'yo ring kabang bayan ay nilulustay ng mga ganid sa pwesto't mga gahamang tunay! - gregoriovbituinjr. 09.23.2025 * mga litrato mula sa fb

Basta may rali, umulan man ay lalabas

Imahe
BASTA MAY RALI, UMULAN MAN AY LALABAS basta may rali, umulan man ay lalabas ganyan pag inadhika mo'y lipunang patas paninindigan ang prinsipyo hanggang wakas pagkat sa diwa't puso'y inukit nang wagas nasa bahay magsusulat pag walang rali pagsulat para sa bayan ay pagsisilbi may upak sa mga proyektong guniguni lalo na't sa isyung ito'y di mapakali rain or shine, ang rali ay talagang tungkulin di maga-absent pagkat nililikha natin ay kasaysayan, basta payong laging dalhin marami pang laban, huwag maging sakitin ito nga'y tungkuling talaga kong niyakap umulan man, nagsisipag at nagsisikap kolektibong tutupdin ang mga pangarap upang ginhawa'y kamtin ng bayan nang ganap - gregoriovbituinjr. 09.23.2025 * mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:  https://web.facebook.com/share/v/1Ca7j42Yqm/  

Pondo ng flood control, ilipat sa edukasyon!

Imahe
PONDO NG FLOOD CONTROL, ILIPAT SA EDUKASYON hiyaw nila:  "Pondo ng flood control!" tugon:  "Ilipat sa edukasyon!" pahayag ng mga tumututol sa mga naganap na korupsyon wasto ang kanilang panawagan na dapat lang dinggin ng gobyerno edukasyon ba'y kulang sa pondo, sweldo ng guro't silid-aralan? pondo ng flood control na naglaho ay binulsa ng mga buwaya! nagsilabasan na'y mga guro sa rali'y sumigaw, nakiisa dinggin natin ang hiyawang iyon upang pondo sa wasto magugol: sigaw nila'y  "Pondo ng flood control!" dapat  "Ilipat sa edukasyon!" - gregoriovbituinjr. 09.22.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/16LT7QmFYM/  

Mabuhay ang Artikulo Onse!

Imahe
MABUHAY ANG ARTIKULO ONSE! sumisigid sa puso't diwa ko'y protesta kaya lumahok ako sa rali ng masa sumisikip na pati ang Luneta't Edsa sa pagbaha ng taumbayang nakibaka sumisilay ang kabulukan ng sistema na dama ng panggitnang uri at ng masa sumisikil sa bayan ang korupsyon, di ba? na dapat maysalà'y mapanagot talaga nasaad sa Artikulo Onse sa Konsti ang probisyon hinggil sa accountability  at paglahok sa grupong Artikulo Onse ay paraan ko upang sa bayan magsilbi  mabuhay ang lahat ng sumama sa rali nang tuluyang baguhin ang sistemang imbi tuligsain ang kurakutang nangyayari matinong lipunan na'y hibik ng marami - gregoriovbituinjr. 09.22.2025

Salamat, Anne Curtis!

Imahe
SALAMAT, ANNE CURTIS! salamat sa pakikiisa, Anne Curtis laban sa katiwalian at just-tiis hngad ng bayan ay makamit ang justice ikulong ang kurakot ang kanilang wish sa ShowTime, isa kang idolo, diyosa na kinikilala ng maraming masa ang pagtindig mo'y pagbibigay pag-asa laban sa tiwali't bulok na sistema salamat sa tindig laban sa korupsyon at marahil na rin sa imbestigasyon sa mga taong sa korupsyon nalulong na mismong bayan ang kanilang ginunggong salamat sa pakikiisa sa bayan laban sa nangyayaring katiwalian parglahok mo sa rali ng taumbayan ay dagdag sa pag-ukit ng kasaysayan - gregoriovbituinjr. 09.22.2025 * litrato mula sa fb

Ani Alwina

Imahe
ANI ALWINA siya si Alwina ng Mulawin nagsalita laban sa korupsyon ako'y nagpupugay, Angel Locsin sa iyong paninindigan ngayon sinabi niya,  "Watching the hearings I couldn't help but remember the news and messages of those begging for help People's home washed away, lives lost to floods." anya,  "Naiyak ako sa galit. Pwede palang di sila maghirap. Pwede pala ang walang nasaktan. Pwede pala ang walang namatay." "Ang bigat. Nakakakapanghina 'yung ganitong kasamaan. Pero mas nakakapanghina'y manahimik lang tayo. We keep speaking, we keep fighting for truth, for justice, for change, and no politics, at para sa tao." kaysarap tandaan ng sinabi ni Angel na sa bayan mensahe - gregoriovbituinjr. 09.22.2025 * litrato mula sa fb

Pakinggan ang sinisigaw nila

Imahe
PAKINGGAN ANG SINISIGAW NILA pakinggan natin ang sigaw nila na katotohanang di makita talaga ngang walang pinag-iba ang mga pinunong palamara di maipaliwanag ng isa ang milyon-milyong ginastos niya ng labing-isang araw, iyan ba ang lider? mamumuno sa masa? ang isa'y pinaupahang sadyâ sa banyaga ang lupa ng bansâ siyamnapu't siyam na taon ngâ binenta na tayo sa banyagà ilan iyan sa kanilang salà kaya sumisigaw na ang madlâ ilantad na ang mga kuhilà sa kataksilan nito sa bansâ kaya isinigaw nila'y tamà huwag na nating ipagkailà ang sistema'y baguhin nang sadyâ upang tuminô ang ating bansâ - gregoriovbituinjr. 09.22.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1HrZix9yVj/  

Sa pagkilos laban sa kurakot

Imahe
SA PAGKILOS LABAN SA KURAKOT talagang mahirap ding magrali ibubulgar mo'y boses ng api akala ako'y dito nawili nang mawala yaring kinakasi ngunit ito'y pagtupad sa layon sistema'y bulok, di naaayon serbisyo'y ninenegosyo ngayon pangako sa masa'y ningas kugon pinagsamantalahan ang masa ng mga ganid na dinastiya, kapitalista, oligarkiya, at mga tampalasang burgesya inimbestigahan ang flood control nagbundatan ang mga contractor kasabwat sa gobyerno'y napukol bulsa ng kasapakat bumukol mga ito'y dapat matuligsâ lalo na ng masang binabahâ nanunungkula'y dapat bumabâ o sila'y piliting maibabâ dapat sila'y ating mapanagot sa kurakutang katakot-takot kaya walang dapat makalusot parusahan ang lahat ng sangkot - gregoriovbituinjr. 09.21.2025

Ang sumbrero kong nawawala

Imahe
ANG SUMBRERO KONG NAWAWALA nasa rali ako, kainitan ng araw nasa Luneta'y walang sumbrerong proteksyon pag-uwing bahay, saka lang iyon lumitaw aba'y kaytagal din namang nawala niyon namigay ng polyeto, kaytindi ng sikat ng araw, lakad, bigay, at nangalahati ang isang ream, sana'y binabasa ng lahat anong tindi ng init, umupo sandali anang isang kasama, sumbrero mo'y nahan sabi ko, naiwan ko sa loob ng bahay tumabi sa akin at ako'y pinayungan dama ko'y alwan, nagpasalamat ng tunay buti na lang, muling nakita ang kakampi kong sumbrero, lumitaw lang, di ko hinanap sumbrerong beterano na sa mga rali at kasama ko sa paglikha ng pangarap - gregoriovbituinjr. 09.21.2025

Kaya dapat RESIGN ALL, Rep. Cerdaña

Imahe
KAYA DAPAT RESIGN ALL, REP. CENDAÑA mali talaga ang Marcos Resign lang, Rep. Cendaña dapat  RESIGN ALL  ang panawagan, mag-resign lahat Marcos Singilin! Duterte Panagutin ang chanting ng marami, dapat ang bayan dito na'y magising! huwag na tayong papiliin sa dalawang paksyon ng naghaharing dinastiyang pamilya sa ngayon dalawa silang dapat kapwa usigin ng bayan sa mga katiwaliang ginawa nila naman di maipaliwanag ang milyon-milyong ginastos sa labing-isang araw, di ba, Sara Jane Piattos ugali pang magbantang may ipapapatay siya ganyan ba? benggador ang nais mamuno sa masa? nilagdaan yaong batas na siyamnapu't siyam na taon uupahan ng dayo ang kalupaan natin, ng bansa, animo'y ibinenta na tayo ipinagkanulo na ang bayan sa mga dayo kaya dapat panawagan sa Setyembre twenty-one ay  RESIGN ALL , kapwa usigin ang dalawang iyan di sapat ang  Marcos Resign  kundi  Sara Resign  din RESIGN ALL!  iyan ang wastong panawagan ng masa - gregoriovbituinjr. 09.20.2...

Walang pinag-iba

Imahe
WALANG PINAG-IBA anumang tae, walang pinag-iba alam na alam nga iyan ng masa sa doktor lamang sila nagkaiba na batayan ng sakit o siyensya sa disenyo ni Tarantadong Kalbo na isa sa aking mga idolo na mangguguhit o mandidibuho natumbok ang problema sa bayan ko wala sa oligarkiya't burgesya o sa kapitalista't dinastiya ang pag-asa ng masang nagdurusa kundi sa bayan kong nagkakaisa at kay Tarantadong Kalbo, salamat na dinibuho'y nakapagmumulat na basura, tae't burgesyang bundat sa ating lipunan ay nakakalat panahon na ngang linisin ang bayan mula sa mga tiwali't gahaman dapat magkaisa ng sambayanan at tuluyang baguhin ang lipunan - gregoriovbituinjr. 09.20.2025 * litrato mula sa fb page ni Tarantadong Kalbo sa kawing na:  https://www.facebook.com/photo/?fbid=1305984484314392&set=a.562746088638239  

Tale of three Sara

Imahe
TALE OF THREE SARA ang una'y si  Sara Piattos di mapaliwanag ang gastos milyon-milyon sa onse araw banta pa'y may ipapapatay ikalwa'y si  Sara Dismaya sa flood control, contractor pala pondo ng bayan, isinubi mga proyekto'y guniguni kahanga-hanga ang ikatlo singer na si  Sarah Geronimo sa kabataan, kanyang bilin bulok na sistema'y baguhin Sarah Geronimo , Mabuhay! ngala'y nagniningning na tunay! payo mo sa prinsipyo'y atas itayo ang lipunang patas - gregoriovbituinjr. 09.20.2025 * litrato mula sa fb page ng ABS-CBN News * ulat mula sa  https://abscbn.news/3VXIDlL  

Nais ko pang basahin ang 100 aklat

Imahe
NAIS KO PANG BASAHIN ANG 100 AKLAT  nais ko pang basahin ang sandaang aklat  na pawang mga klasiko bago mamatay mga kwento't nobelang nakapagmumulat aklat ng mga tulang sa mundo inalay kayrami ko nang librong pangliteratura, pampulitika, o kaya'y pangmanggagawa, pang-ideyolohiya dahil aktibista at gumagawa pa ng dyaryong maralita kung malathala ang nobelang lilikhain na paksa ko'y iskwater sa sariling bayan kung nobela sa obrero'y matapos ko rin asam ko'y mabasa't tangkilikin ng tanan basa ng basa bago mawala sa mundo ng pangarap kong sandaang klasikong aklat librong isinalin sa wikang Filipino ay, kayrami pang dapat mabasa't mabuklat - gregoriovbituinjr. 09.19.2025 * litratong kuha sa Manila International Book Fair 2025 * maraming salamat sa kumuha ng litrato

Pangarap ko'y sa laban mamatay

Imahe
PANGARAP KO'Y SA LABAN MAMATAY sakaling ako'y biglang mamatay ayokong mamatay lang sa sakit nais kong sa laban humandusay binira, binara, o binaril halimbawa, nabasag ang mukha nagkabatuhan sa demolisyon sa pakikibaka'y bumulagta dahil tinutupad ko ang misyon ayokong mamatay lang sa banig ng karamdaman, ako'y tatayo habang nakikipagkapitbisig sa masang sa hirap na'y siphayo nais kong matulad kay  Eurytus na buhay ay sa laban nagwakas di matulad kay  Aristodemus na tumalima lamang sa atas sabi, kapwa sila pinauwi ni  Leonidas  dahil sa sakit sa mata, sa harap ng tunggali sa  Thermopylae , sandata'y sukbit sa historya, sila'y naging tanyag si  Eurytus  ay naging bayani si  Aristodemus  nama'y duwag ako naman sa masa'y nagsilbi - gregoriovbituinjr. 09.18.2025

Ang birthday wish ni Kara David

Imahe
ANG BIRTHDAY WISH NI KARA DAVID "Sana mamatay lahat ng kurakot sa Pilipinas",  iyan ang birthday day wish ni Kara David sa mga asungot na trapong sa kabang bayan nangupit ng bilyon kung hindi man trilyon-trilyon na buti't nabisto dahil sa baha ano bang nangyari't sa simpleng ambon tatlumpung segundo lang ay nagbaha marahil ay biglang nabanggit iyon sa kanyang birthday nang tanunging sadyâ "anong birthday wish mo?"  at nagkataon ang nabanggit niya'y wish din ng madlâ nabisto'y kasi'y ghost flood control projects bilyon-bilyong piso sa dokumento ngunit pondo'y sa bulsa isiniksik ay, guniguni pala ang proyekto kaya binabaha ang mamamayan sa munting ambong tatlumpung segundo kay Kara, maligayang kaarawan sana nga'y matupad ang birthday wish mo - gregoriovbituinjr. 09.18.2025 * litrato mula sa fb * ika-52ng kaarawan ni Kara David noong Setyembre 12

Ang librong U.G.

Imahe
ANG LIBRONG U.G. may aklat akong hangad basahin pagkat nais kong  natala'y damhin nais mabatid ang talambuhay ng isang lider bago mapatay na mahalaga'y  ating malaman bakit ba siya'y  nakipaglaban kanyang prinsipyo'y bagang nagningas na sa tulad ko'y handâ sa bukas nasabing aklat mabili sana subalit salat ang aking bulsa pag-iipunan itong totoo collector's item sa aklatan ko - gregoriovbituinjr. 09.18.2025 * kuha sa booth ng Anvil Publishing sa Manila International Book Fair 2025

Paanyaya sa Setyembre 21, 2025

Imahe
bayan, nalulunok mo pa ba iyang katiwalian nila nabibilaukan ka na ba sa proyektong 'ghost' wala pala bayan ko, binaha ka na ba dahil flood control palpak pala kabang bayan pala'y binulsa ganyan kabulok ang sistema kung ang ganyan ay ayaw mo na at tingin mo'y may pag-asa pa tara, ikaw na'y makiisa mula Luneta hanggang EDSA Luneta tayo sa umaga hapon naman tayo sa EDSA doon tayo'y magsama-sama sa Setyembre 21, tara - gregoriovbituinjr. 09.17.2025 * September 21, 2025 - 53rd anniversary of Martial Law in the Philippines and 44th commemmoration of International Day of Peace

Babaha muli sa lansangan

Imahe
BABAHA MULI SA LANSANGAN noong bumaha sa lansangan halos malunod na ang bayan pondo ng flood control, nasaan binabaha pa rin ang daan ay, pulos pala guniguni kaya masa'y namumulubi pondo'y binulsa, isinubi ng mga kawatan, salbahe kaya sa September twenty one babahang muli sa lansangan maniningil ang taumbayan ibagsak ang mga kawatan subalit isyu na'y sistema pamamayagpag ng burgesya oligarkiya't dinastiya kapitalismo'y wakasan na imbes panlipunang serbisyo imbes magkatubig sa gripo imbes na tumaas ang sweldo serbisyo'y ginawang negosyo ah, babahang muli ang masa mula Luneta hanggang EDSA upang baguhin ang sistema... upang baguhin ang sistema! - gregoriovbituinjr. 09.17.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1JB2ULyRQD/  

Artikulo Onse (laban sa nang-oonse sa bayan)

Imahe
ARTIKULO ONSE (LABAN SA NANG-OONSE SA BAYAN) tandaan ang  Artikulo Onse sa  Konsti: On Accountability dapat trapo sa bayan magsilbi at masa'y di nila inoonse ay, onsehan na ang nangyayari sa dami ng project guniguni pondo ng bayan ang isinubi ng mga contractor, trapong imbi ay, sa hayop pa sila'y masahol bilyon-bilyong piso ang ginugol sa mga guniguning flood control hanggang bulsa nila'y nagsibukol trapo nga sa Indonesia't Nepal ay pinatalsik dahil garapal tila bansa nila'y naging kural ng mga baboy pag umatungal pang-oonse na'y dapat wakasan ng mga binahang mamamayan na dapat bumaha sa lansangan upang wakasan na ang onsehan - gregoriovbituinjr. 09.17.2025 * Article 11, 1987 Constitution, Section 1. Public Office is a public trust. Public officers and employees must at all times be accountable to the people, serve them with utmost responsibility, integrity, loyalty, and efficiency, act with patriotism and justice, and lead modest lives.

LITKURAN - salin ko sa BACKGROUND

Imahe
LITKURAN - SALIN KO SA BACKGROUND hinanap ko na sa diksyunaryo salin ng BACKGROUND sa Filipino may likuran, karanasan, pondo anong etimolohiya nito? sa Ingles, back at ground, pinagsama ito yaong compound word talaga eksaktong salin nito'y wala pa ngunit ito'y kailangan ko na kaya akin nang napag-isipan salitang "litrato sa likuran" compound word, pagsamahin din naman kaya nabuo ko ang LITKURAN sa disenyo'y kakailanganin sa tulang nalikha't lilikhain sana, salitang ito'y tanggapin ng bayan at ito na'y gamitin - gregoriovbituinjr. 09.16.2025 * ang litkuran ay kuha sa MOA

Kapag nagalit ang taumbayan

Imahe
KAPAG NAGALIT ANG TAUMBAYAN kapag nagalit ang taumbayan sa talamak na katiwalian nangyari sa Indonesia't Nepal sa Pinas nga ba'y maiiwasan? iyan ay malaking katanungan sa Indonesia't Nepal, nagalit na ang taumbayan sa korapsyon pati gusali ng parlamento ay nilusob ng masa't sinunog na sa korapsyo'y tanda ng poot nagawa ang di inaasahan sa Pinas ba'y mangyayari iyan? aba'y naging legal ang nakawan sa proyekto ng pamahalaan ghost project nga'y pinag-uusapan tumbukin ang tunay na problema iyang kapitalismo talaga tipid sa serbisyong panlipunan sa ghost project, binaha ang bayan korporasyon ang nakikinabang bulok na sistema ang dahilan kasakiman at kapangyarihan oligarkiya, trapong gahaman at dinastiya pa'y naririyan na dapat ibagsak nang tuluyan - gregoriovbituinjr. 09.16.2025 * ang litkuran (litrato sa likuran o background) ay mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 13, 2025, pahina 2-3

Di ko matiis na di lumahok

Imahe
DI KO MATIIS NA DI LUMAHOK di ko matiis na di lumahok sa rali laban sa mga hayok  bayan ay talagang inilugmok ng mga kuhila't trapong bugok hahayaan ba nating mandambong pa ang mga tiwali't nanggunggong sa bayan, aba'y dapat makulong silang mga ganid at ulupong ninakaw ay di lang simpleng pera kundi higit ay buhay ng masa kumilos na kontra dinastiya, tusong burgesya't oligarkiya pag nabigyan ng pagkakataon ng kasaysayan, tayo'y naroon sistemang matino'y ating layon at paglilingkod sa masa'y misyon ang sistemang bulok na'y palitan ng sadyang nagsisilbi sa bayan itayo'y makataong lipunan, patas, parehas, makatarungan  - gregoriovbituinjr. 09.15.2025

Daang tuwid at prinsipyado

Imahe
DAANG TUWID AT PRINSIPYADO kahit pa ako'y maghirap man mananatilng prinsipyado nakikipagkapwa sa tanan tuwina'y nagpapakatao naglalakad pag walang pera nang masang api'y makausap patuloy na nakikibaka upang matupad ang pangarap na lipunang pantay, di bulok pagkat sadyang di mapalagay laban sa tuso't trapong bugok kumikilos nang walang humpay daang tuwid ang tatahakin ng mga paang matatatag matinong bansa'y lilikhain lansangang bako'y pinapatag - gregoriovbituinjr. 09.15.2025

Sa ngalan ng tulâ

Imahe
SA NGALAN NG TULA sa ngalan ng tulâ, / dangal ko't layunin kumatha't kumathâ, / tula'y bibigkasin marangal na atas / ng diwa't damdamin para sa daigdig, / masa't bayan natin sa ngalan ng tulâ, / balita't nanilay sa maraming isyu / ng dalitang tunay ay dapat ilantad, / bawat tula'y alay sa bayan sapagkat / tula'y aking tulay sa ngalan ng tulâ, / hangad kong lipunan ay patas, parehas / at makatarungan bulok na sistema'y / tuluyang palitan hanggang makataong / lipuna'y makamtan sa ngalan ng tulâ, / makatulong sadyâ nang hustisya'y kamtin / ng bayan, ng madlâ at mapanagot na / ang mga kuhilà, tiwali't gahaman / sa kaban ng bansâ - gregoriovbituinjr. 09.15.2025

Antok pa ngunit dapat magsulat

Imahe
ANTOK PA NGUNIT DAPAT MAGSULAT pagod sa mga ginawa't rali kay-aga kong natulog kagabi ang nasa relo'y alas-nuwebe di na inabot ng alas-onse kaysarap ng aking pagkahimbing madaling araw, biglang nagising at bumangon sa pagkagupiling sa pagkatha na agad bumaling madalas na ganyan ang makatâ pag diwa na'y gising, laging handâ ang hawak na pluma sa pagkathâ kaysa ang naisip pa'y mawalâ nilabas ang nasa diwang iwi ngunit di naman nagmamadali mamaya ay matutulog muli pag nakatha na ang minimithi - gregoriovbituinjr. 09.14.2025

Nangungunang contractor sa bansa

Imahe
NANGUNGUNANG CONTRACTOR SA BANSA siya'y pinaka-contractor ngayon na nagdiriwang ng kaarawan ngunit sadyang may mali sa layon na lupa sa bansa'y parentahan ng siyamnapu't siyam na taon sa mga banyaga o dayuhan anupa't mas matindi pa siya kaysa taga-DPWH kaytindi kaysa mga Discaya; kaya tao'y dapat lang magalit lalo sa isinabatas niya na talaga namang anong lupit ang Republic Act 12252 ay siyamnapu't siyam na taon na lupa'y uupahan ng dayo habang sa dukha'y may demolisyon; sa bigas para tayong nagtampo na sa tusong dayo'y pinalamon - gregoriovbituinjr. 09.13.2025        

Pasasalamat at pagpupugay sa mga kasama!

Imahe
PASASALAMAT AT PAGPUPUGAY SA MGA KASAMA! mabuhay kayo, mga kasama! sa ginanap nating talakayan bagamat may kaunting problema ay nagawan naman ng paraan mabuhay lahat ng nagsidalo upang sadyang pag-usapan doon ang tatama't nagbabagang isyu lalo na ang bantang demolisyon Republic Act 12216 nga sa bahay nati'y magdedemolis may police power na ang NHA na tayo'y talagang mapaalis ang forum natin ay matagumpay unang bira sa nasabing batas pagkakaisa'y higpitang tunay laban sa batas na hindi patas salamat po sa partisipasyon mula CHR hanggang NHA maglakad man ay nakakapagod iyon po'y kinaya nating tunay subalit di pa tapos ang laban hangga't di pa naibabasura iyang tinik na batas na iyan sa karapatan ng bawat isa - gregoriovbituinjr. 09.13.2025 * ginanap ang forum ng Alyansa ng Maralita para sa Katiyakan sa Paninirahan (AMKP), Setyembre 11, 2025, sa Commission on Human Rights (CHR) mula 8am-12nn, at nagmartsa mula CHR hanggang National Housing Authority (NHA) at nagdao...