Ang sumbrero kong nawawala

ANG SUMBRERO KONG NAWAWALA

nasa rali ako, kainitan ng araw
nasa Luneta'y walang sumbrerong proteksyon
pag-uwing bahay, saka lang iyon lumitaw
aba'y kaytagal din namang nawala niyon

namigay ng polyeto, kaytindi ng sikat
ng araw, lakad, bigay, at nangalahati
ang isang ream, sana'y binabasa ng lahat
anong tindi ng init, umupo sandali

anang isang kasama, sumbrero mo'y nahan
sabi ko, naiwan ko sa loob ng bahay
tumabi sa akin at ako'y pinayungan
dama ko'y alwan, nagpasalamat ng tunay

buti na lang, muling nakita ang kakampi
kong sumbrero, lumitaw lang, di ko hinanap
sumbrerong beterano na sa mga rali
at kasama ko sa paglikha ng pangarap

- gregoriovbituinjr.
09.21.2025

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang pagbabaraha

Sa paglulunsad ng librong "Pauwi sa Wala" ni Jim Libiran

Dalawang anekdota sa pinuntahan kahapon