Sa lugar-lagdaan
SA LUGAR-LAGDAAN
balang araw ay uupo rin ako
sa lugar-lagdaan ng mga libro
naming sinulat, nobelang totoo
o kaya'y ng tula't maikling kwento
hindi naman masamâ ang mangarap
na tilà pinaghehele sa ulap
lalo na't búhay ko'y aandap-andap
pagkat walang sinumang lumilingap
sana'y mabigyan ng pagkakataon
ang kagaya kong makatang may layon
upang kapwa ko dukha'y magsibangon
laban sa sistemang bulok na iyon
patuloy lamang ako sa pagkathâ
ng kwento't tulâ sa obrero't dukhâ
sa lugar-lagdaan uupong sadyâ
bilang isang natatanging may-akdâ
- gregoriovbituinjr.
03.23.2026
* litrato kuha sa Philippine Book Festival 2026, sa Megatrade Hall ng SM Megamall, Marso 14, 2026

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento